THIRD PERSON POV
Marahang binuksan ni Margaret ang top drawer ng nightstand na nasa loob ng kanyang bedroom. Kinuha niya mula roon ang promise bracelet na ibinigay ng kaibigang si Danica noong gabi ng seventeenth birthday ng dati nilang kaibigan.
Sa bracelet na iyon ay may isang bead kung saan nakaukit ang letrang “M” na siyang initial ng kanyang pangalan.
Pinasadahan niya ng kanang hinlalaki ang maliit na bead habang nakalatag ang pulseras sa kanyang palad.
Margaret: It’s been more than a decade mula nang mapunta ka sa akin. Ganoon katagal na rin kaming nananahimik about that night.
Naramdaman niya ang pangingilid ng luha sa kanyang mga mata nang muling maalala ang gabing iyon.
Ang gabi kung saan nangako siya at ang kanyang mga kaibigan na wala silang ibang taong pagsasabihan ng tungkol sa ginawa nilang kasalanan kay Sharmaine Bustos.
Naaalala pa niya ang mga binitiwang salita ng pangako noong makasalanang gabing iyon.
“Walang Sharmaine na hinahangaan ng halos lahat ng mga lalaki.”
Tumulo ang kanyang luha habang kumuyom naman ang kanyang kanang kamao at pumalibot ang kanyang palad sa promise bracelet.
Lumabas ang mga salitang iyon mula sa kamyang bibig dahil sa labis na galit, inggit, at selos na naramdaman niya noong gabing iyon.
Nang mga panahong iyon ay hindi matanggap ng kanyang pusong nagmamahal na kasintahan na ng kanyang kaibigang si Sharmaine ang lalaking matagal na niyang lihim na hinahangaan at iniibig.
Ang kanyang stepbrother na si James.
Tumiim-bagang si Margaret nang maisip na kahit ilang taon na ang lumipas ay hindi man lamang nabaling sa kanya ang pagmamahal ni James.
Kahit kailan ay hindi siya nito minahal sa paraang gusto niya.
Mula nang mawala si Sharmaine ay nagsimula na ring magbago ang pakikitungo sa kanya ni James. Si Margaret at ang kanyang mga kaibigan ang sinisisi ng kanyang stepbrother sa pagkawala ng babaeng minamahal nito.
Kahit matagal nang wala ang dati niyang kaibigan ay pinapahirapan pa rin nito ang damdamin ni Margaret.
Nanikip ang kanyang dibdib nang maalala ang babaeng kawangis ni Sharmaine. Ang babaeng nakasama niyang mag-dinner nang ipakilala ito sa kanya ng kanyang stepbrother.
Kahit hindi sabihin sa kanya ni James ay malakas ang pakiramdam ni Margaret na humahanga ang kanyang stepbrother kay Bridget Marfori.
Nakita niya kung paanong tinitigan ng kanyang kapatid ang babaeng iyon. Isang uri ng titig na ibinibigay lamang para sa isang taong hinahangaan.
Nanlalambot ang mga tuhod na napaupo si Margaret sa gilid ng kanyang kama.
Margaret: Ilang taon kong inasam na mahalin mo rin ako, James, ngunit hindi ko iyon nakuha mula sa iyo. Pagkatapos ay darating ang babaeng iyon at aagawin ang lahat ng iyong atensyon.
Mahinang ibinubulong ni Margaret ang mga salitang iyon sa hangin.
Naramdaman niya ang panginginig ng kanyang katawan nang maisip na sa pagkakataong ito ay posibleng tuluyan nang mawala sa kanya ang lalaking matagal nang minamahal.
Ang matindi pa roon ay isang babaeng kamukha ng dating kasintahan ng kanyang stepbrother ang magiging karibal niya sa lalaki.
Margaret: Paano kung tama ako? What if si Sharmaine nga si Bridget?
Unti-unting bumabalot sa puso ni Margaret ang kaba at takot habang iniisip ang mga posibleng mangyari oras na mapatunayang si Sharmaine Bustos at Bridget Marfori ay iisa.
BINABASA MO ANG
The Promise Bracelet
Mystery / ThrillerA tragic story full of lies, secrets, cheating, and betrayal. Walong magkakaibigang sabay-sabay na nangako sa harapan ng bawat isa, suot ang kanilang bracelets, na mananatili ang hindi mapapantayang pagkakaibigan magpakailanman. Ngunit sa kalagitnaa...
