Grabidad 29: Surprise Party
Bakit niya itinago? Anong nagawa ko? Hindi eh, ang mas magandang tanong. May nagawa ba ko? May nagawa ba kong masama? Kasi kung meron may dahilan naman siya kung bakit nagawa 'yon eh. Pero kahit pilipitin ko yung utak ko kaiisip sa kung anong nagawa ko. Wala akong maalala. Wala ni isang dahilan akong maalala para lang magawa niya sa'kin 'to.
Kasalukuyan akong nakahiga sa kama ko at nagi-isip. Hinatid kasi ako ni Dustin kanina pagkagaling namin kina Marcus. May ilang mised calls din sila Samantha sa cellphone ko pero wala akong balak i-text sila at sabihing 'wag silang mag-alala. Kung hindi ako okay ngayon natural lang na mag-alala sila. Hindi ako ganong tao na, hindi na nga okay sasabihin pang 'wag mag-alala.
Mas mabuti pa itulog ko na lang 'to kaysa sa isipin ko pa ng husto. Mas lalo lang hindi ako makatutulog nito. Hindi ko hahayaan si Marcus na gawin sa'kin 'to at mas lalong hindi ko siya hahayaang saktan pa ko lalo. Tama na yung ganito na nalaman kong niloloko niya ko. Kailangan ko lang talagang malaman kung anong dahilan niya pagkatapos non tama na.
Hindi na ko babalik at mangingialam pa sa buhay niya.
"Happy birthday, Ate Jam!" salubong ni Angel pagbukas na pagbukas ko pa lang ng kwarto ko. Ngumiti ako sa kanya saka ko siya kinarga.
Big day today. Parang wala lang sa'kin. Walang akong maramdamang saya.
"Thank you, Angel." Sabi ko na lang at pilit na ngumiti. Ngumuso naman siya saka niya sinakop ng kamay niya yung magkabilang pisngi ko at iniharap yung mukha ko sa kanya.
"Bakit hindi ka happy? You look sad." Sabi pa niya. Umiling ako saka ko siya binaba. Kapag patuloy niya kong inusisa makapagsabi lang ako ng kung ano. Isa pa, ayokong nagsisinungaling sa kanya ng harapan. Hindi ako sanay lalo na't bata pa siya.
"Happy ako. Kagigising ko lang kasi kaya wala pang gaanong energy si Ate. Maya-maya lang magkakaron na ko. Magha-charge lang ako. Katulad nito." Umupo ako saka ako umisod sa harap niya bago ko hinalikan yung pisngi niya. Humagikgik naman siya ng humagikgik nang paulit-ulit kong gawin 'yon.
"Tama na ate! Baba na po tayo. Hinihintay na tayo ni Mother Vity kanina pa." sabi na lang niya. Ako naman yung ngumuso ngayon saka tumango.
"Osige na nga halika na." inilahad ko pa yung kaliwang kamay ko para alalayan siya sa pagbaba niya. Pagbabang-pagbaba ko pa lang nasa bungad na agad si Mother Vity at nakangiti sa'kin.
"Happy birthday, hija." Sabi niya pa. Ngumiti naman ako at yumakap sa kanya nang makababa ako.
"Salamat po, mother." Pumikit pa ko ng mariin habang nakangiti.
"Sana maging masaya ka sa araw na ito." Sabi pa niya bago siya humiwalay sa'kin. Tinitigan niya ko sa mata saka niya kinuha yung kamay ko at may inilagay doon.
"Ano po 'to Mother?" tanong ko sa kanya habang sinusuri ko yung kahong maliit na ibinigay niya. Kulay yellow 'yon at may silver na ribbon na nakatali roon.
"May nag-deliver niyan dito. Tinignan ko na kung kanino galing." Hindi niya pa man nasasabi 'yon, napaismid na agad ako. Kanina pa kasi ako nakatitig doon sa card kung saan nakalagay yung pangalan nung nagbigay. Pipilitin ko na sanang maging maganda yung araw na 'to. Nasira pa.
"Kay Marcus po?" tanong ko kahit na gusto kong ibato yung hawak ko ngayon. Nakatitig din ako sa address na pinanggalingan non. Mapait akong napangiti. Fresh from Moscow naman pala yung regalo na 'to. Sobrang imported. Gusto kong matawa, gusto kong sabihin sa kanya na, 'ang tanga mo, alam ko na kayang niloloko mo ko.' Kaya lang bakit wala akong lakas ng loob harapin siya at sabihin 'yon?
"Nakakatuwa ang batang 'yan. Kahit na malayo siya sa'yo at hindi kayo nagkikita hindi pa rin niya nalimutan ang birthday mo." Sana nga ganon kadali. Sana nga ganon kadali tanggapin. Kaso hindi. Ayokong magsabi kay Mother Vity. Ayokong mag-alala siya sa'kin. Mag-alala na lahat ng tao sa'kin 'wag lang siya.
BINABASA MO ANG
Grabidad Ba?
Teen FictionSimpleng babae lang naman si Jam Marion Jaime. Yun nga lang masungit at mataray siya. Kahit sinong tao binabangga niya. Mapataas man o mapababa yung status sa buhay. ''And who cares?'' Yan na yata yung naging dialogue niya kapag may natatarayan siya...