- Featured in WattpadRomancePH's "Rainbow Romance" Reading List
[1st Book of I THOUGHT DUOLOGY]
***
Alam na ni Kristoper mula pa noon na iba siya. Sa bawat araw na lumilipas, mas ramdam niya ang bigat ng lihim na iyon-ang katotohanang siya ay bakla...
Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
Nakaupo ako ngayon sa kitchen stool habang hinihintay na maluto ang paborito kong lasagna na ginawa ni 'Nay Ester para sa akin. Simula nang dumating ako kanina sa bahay ay agad niya akong ginawan ng lasagna kaya dumiretso na kaming dalawa sa kusina. Tahimik lang ako habang naghihintay at hindi pa rin makatingin sa kanya nang diretso.
Habang nakaupo ay hindi ko maiwasang mag-overthink. Kinakabahan, halos nagiging balisa dahil hindi pa rin maalis sa isip ko ang nangyari kanina.
"Heto na 'yong paborito mong lasagna, 'nak," ani 'Nay Ester sa akin na hindi ko namalayang nasa harap ko na pala hawak ang isang plato na may slice ng bagong lutong lasagna. Ngumiti ako at inabot ang plato saka nagpasalamat sa kanya. Pero hindi ko pa ginalaw ang pagkain ko, bagkus ay huminga ako nang malalim at tumingin sa kanya.
"'Nay Ester,'yong tungkol po sana kanina..." sabi ko sa kanya para maagaw ang kanyang atensyon. Bahagyang napakunot ang kanyang noo at lumapit sa akin saka umupo sa tabi ko.
"Saan d'on, Kristoper?" tanong niya sa akin.
Napayuko ako at huminga nang malalim. "Nakita niyo po kaming dalawa ni Dave kanina, 'di ba? At alam ko na nakita niyo rin 'yong ginawa ko sa kanya," muntik na akong mautal sa pagsasalita at kinakabahan pa rin ako sa sandaling iyon.
"Iyon bang paghalik mo sa pisngi niya?"
Sandali akong natigil sa kinauupuan ko at agad na napatingin sa kanya na may takot sa aking mga mata. Pero ang inaasahan kong reaksyon niya ay hindi nangyari, dahil nakita kong napangiti siya sa akinat hinawakan ang mga kamay ko. Saka niya ito pinisil nang marahan.
"Matagal ko ng alam na may gusto sa 'yo si Dave. Bata pa lang kayong dalawa ay alam ko ng may lihim na pagtingin sa 'yo ang batang iyon. At saka matagal ko na ring alam na gusto mo rin siya, Kristoper. Ayaw mo lang aminin sa sarili mo kasi natatakot ka na baka hindi ka matanggap ng mga taong nagmamahal sa 'yo," paliwanag niya sa akin at hindi ko napigilan ang sarili ko na maluha sa sinabi niya. Kaya agad akong umiwas ng tingin sa kanya kasi nahihiya akong harapin siya na umiiyak ako.
"Pero kahit alam ko na ang pagkatao mo, hindi pa rin naman nagbago ang pagtingin ko sa 'yo. Anak pa rin naman ang turing ko sa 'yo kahit maging sino at ano ka pa. Kahit bakla ka man o hindi, hindi pa rin naman nababawasan ang respeto at pagmamahal ko sa 'yo."
At sa puntong 'yon ay hindi ko na napigilan ang sarili ko na umalis sa upuan ko para yakapin siya nang mahigpit habang umiiyak pa rin. Naramdaman ko na lang na niyakap din niya ako pabalik at hinagod ang likod ko para pagaanin ang loob ko.
Nagtagal iyon nang isang minuto at ako na rin ang kumalas sa yakapan naming dalawa saka siya hinarap at ngumiti. "Salamat po 'Nay Ester sa pagtanggap niyo sa akin, hindi lang bilang isang anak niyo kundi pati na rin kung sino talaga ako kahit hindi tayo magkadugo," sabi ko sa kanya at nginitian din niya ako pabalik.
"Hindi naman kailangan na magkadugo tayo para lang tanggapin kita. Mabuti kang tao kaya hindi ka mahirap tanggapin at mahalin, Kristoper."
Ang sarap lang pakinggang lahat ng mga sinabi sa akin ni 'Nay Ester dahil hindi ko inaasahang ganoon pala ang iniisip niya—na ako pa rin ito. Kahit bakla man ako, hindi pa rin nag-iba ang turing niya sa akin. Hindi 'yon naging hadlang para mabawasan ang pagmamahal niya sa akin kahit na hindi ko siya totoong magulang o ina.