Chapter 23

768 19 0
                                    

Dalawang linggo na ang nakalipas magmula n'ong araw na nag-away sina papa at kuya, at saka nang malaman nilang lahat na bakla ako

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Dalawang linggo na ang nakalipas magmula n'ong araw na nag-away sina papa at kuya, at saka nang malaman nilang lahat na bakla ako. Naging malayo ang loob ko sa mga magulang ko, lalong lalo na kay mama. At kapag kumakain naman kami ay sobrang tahimik. Ni hindi kami nagkikibuan. Nakakulong lang ako buong araw sa kuwarto ko at lumalabas lang kapag kakain, pupunta sa kusina o iinom ng tubig. At pinagbawalan na rin ako ni papa na makipagkita kay Dave pero hindi ko na lang iyon inintindi, kasi kahit ano pa ang sasabihin niya ay hindi pa rin niya ako mapipigilan na makipagkita sa kanya. Ayoko mang magmukhang suwail sa sarili kong mga magulang pero masyado kong mahal 'yong tao, at nangako kami sa isa't-isa na kahit anuman ang mangyari, ay ipaglalaban namin ang aming pagmamahalan.

Dahil pagod na kaming itago ito, at pagod na rin kaming matakot.

Noong nakaraang linggo lang din nagsimula ang aming ikalawang semestre para sa taong ito. Masyado silang naghigpit sa akin na baka magkita kami ni Dave sa unibersidad namin kaya ang ginawa ni papa ay inatasan niya si Manong Jun, iyong family driver namin, na bantayan ako sa lahat ng lakad ko. Alam ko na maging si Manong Jun ay hindi gusto 'yong ganoong set-up pero wala siyang magagawa dahil ayaw din naman niyang mawalan ng trabaho, lalo na't may pinapaaral din siyang mga anak niya.

Kaya naiintindihan ko siya kahit na malapit din ang loob ko sa kanya. At n'ong nagpa-enroll ako para sa second sem namin ay talagang nakabuntot siya sa akin buong araw sa loob ng campus. Nakita niya pa nga si Dave at aakmang lalapitan ako nang bigla niya itong hinarang at sinabing bawal kami magkita.

"Kahit ngayon lang, Manong Jun, pagbigyan niyo na kami. Please?" pakiusap ko sa kanya.

Napabuntong-hininga siya't napailing. "Ako ang malalagot nito sa papa mo, Tope, eh. Baka sisantihin ako n'on kapag nalaman niyang nagkita kayong dalawa," nag-aalala naman nitong sabi sa akin.

"Hindi naman 'yon malalaman ni papa kapag hindi niyo rin sasabihin sa kanya, 'di ba? Kaya sige na po, Manong Jun, kahit ngayong araw lang...ibalato niyo na po ito sa akin." pagpupumilit ko sa kanya at mabigat na paghinga lang ang naging tugon nito sa akin.

"Basta't pagkatapos niyong magpa-enroll ay uuwi tayo agad, ha? Sa kotse lang ako maghihintay sa 'yo. At saka pakiusap lang, huwag niyo akong takasan. Ginagawa ko lang 'yong trabaho ko, Tope," sabi nito sa akin. Kaya ang laki ng ngiti naming dalawa ni Dave at hindi ko napigilan ang sarili ko na mapayakap kay Manong Jun.

"Salamat po talaga, Manong Jun. At saka opo, hindi po kami tatakas ni Dave. Naiintindihan po namin kayo at alam ko na mahalaga rin sa inyo itong trabaho niyo."

Bahagya itong napangiti sa akin at nagpaalam na kaming dalawa ni Dave sa kanya. Agad ko namang hinawakan ang kamay niya at abot-langit ang ngiti kong tingnan siya.

Napakunot ang kanyang noo nang makita ang itsura ko ngayon. "Ang laki ng ngiti mo ah?" natatawa nitong sabi sa akin.

"Siyempre, kasama kita. Ano ba namang klaseng tanong 'yan!" sarkastiko kong sagot at hinila niya ako papunta sa kanya para kilitiin. Natawa ako sa ginawa niya't pilit na nilalayo ang sarili ko sa kanya.

I Thought It Was Love [BOYXBOY]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon