KAMPANTENG-KAMPANTE si JL na nakaupo sa settee malapit sa kamang pinaghigaan niya sa walang malay na si Jonathan. Nakangisi rin siya habang hawak ang wine glass. Umiinom siya dahil nagdidiwang ang puso niya. Nagsi-celebrate siya dahil sa wakas ay kaniya na ang trono. Sa wakas ay wala na si Ashlene. Sa wakas wala na ang bangkay na iyon. Finally, siya na ang Misis Villasera. Pag-aari na niya nang tuluyan si Jonathan.
Salamat sa bobong Darren na iyon. Kung puwede nga lang ay gusto niyang bigyan ng award ang binata. Isang medalya o kaya trophy, puwede rin namang cash para sa katangahan nito.
Malademonyo siyang tumawa sa naisip. Pagkatapos ay sumimsim siya ng alak bago pa-sexy na tumayo. Nilapitan niya si Jonathan. Umupo siya sa gilid ng kama at masuyong hinaplos ang mukha nito, na guwapo pa rin kahit may mga pasa at putok ang gilid ng labi.
"Don't worry, babe, dahil nandito lang ako para sa iyo. Ako na ang mag-aalaga sa 'yo, at promise ko na magiging masaya ka sa piling ko," pagkuwa'y ngiting-ngiti na sabi niya. Dinampian niya pa ng halik ang kamay ni Jonathan na may kalakip na labis-labis na pagmamahal. Ipinapangako niya, magiging mabuting asawa siya rito kahit na ano'ng mangyari. Hindi niya sasayangin ang ibinigay na opportunity sa kaniya ng bobo nitong kapatid.
Ang ikinaiinis lang niya ngayon ay ang pagsama ni Marjorie sa mga walang kuwentang mga taong iyon. Ang tangang kapatid niya, gusto talagang magpakabayani sa pag-aalaga sa walang kuwentang Ashlene na 'yon. Naturingan na edukada ngunit hindi man lang maisip na mamamatay rin naman 'yon sa bandang huli.
Ang tanga!
Tumirik-tirik ang mga mata niya. Naiinis talaga siya sa kapatid. Kung sino pa ang may pinag-aralan ay siya pang walang isip.
"Bwisit ka talaga, Marjorie. Sana hindi na lang talaga kita pinag-aral. Katangahan din lang pala ang natutunan mo," usal niya bago sumimsim ulit sa alak.
Natigil lang si JL sa pagngingitngit niya nang umungol na si Jonathan. Nagigising na.
"Jonathan, okay ka lang ba?" mahina ang boses na tanong niya kasabay nang paghaplos niyang muli sa mukha nito.
Napapangiwing nagmulat ng mga mata si Jonathan. Kumurap-kurap siya. Sa isip niya ay ano'ng nangyari? Bakit ang sakit ng katawan niya?
"Jonathan, naririnig mo ba ako?" si JL, at ngiting-ngiti sa kaniya.
Ikinurap-kurap ulit ni Jonathan ang kaniyang mga mata, medyo malabo kasi ang kaniyang paningin. Pero nang pumikit siya ay siya namang flashback ng mga nagyari kanina sa isip niya.
Si Ashlene! Kinuha nga pala nila si Ashlene!
"Ang asawa ko!" Napabalikwas na siya ng bangon. Hindi na niya ininda ang mga kumikirot sa kaniyang buong katawan.
"Jonathan, humiga ka lang. Marami kang bugbog," maagap na pigil sa kaniya ni JL.
Tinabig niya ito. "Where's Ashlene?! Saan siya dinala, JL?!"
Dumilim ang mukha ng dalaga bago sumagot. "Inuwi na ng nanay niya. At puwede ba, hayaan mo na siya."
"Hindi ko magagawa 'yon dahil asawa ko si Ashlene! Babawiin ko siya! Hindi nila puwedeng gawin ito sa amin na mag-asawa!" Pinilit niyang tumayo. Susuray-suray siyang naglakad patungong pinto.
"Jonathan, nandito naman ako. Hindi mo na kailangang habulin pa ang walang kuwenta mong asawang 'yon. Kaya ko siyang higitan."
"Hindi mangyayari ang gusto mong 'yan, JL," pambabara niya sa dalaga at malalaki na ang mga hakbang niyang lumabas.
Inis na inis man ay sumunod pa rin si JL. Nauna pa itong sumakay sa kotse. Nakahalukipkip ito habang diretso ang tingin sa windshield.
"Huwag ka nang sumama, JL. Dito ka na lang sa bahay at baka makagulo ka lang," madiing sabi ni Jonathan rito.
BINABASA MO ANG
REVENGE OF THE REAL WIFE (published under IMMAC)
Romance(R18) Gawa ng aksidente ay na-comatose si Ashlene. Nanatili siyang tulog ng ilang buwan dahilan para kumuha si Jonathan ng private nurse. Ang hindi alam ni Jonathan ay ang desisyon niya na iyon ang magdadala ng kaguluhan sa buhay nila na mag-asawa...