Maagang umuwi si Chantelle ng gabing iyon, alam niyang gagabihin si Raffy ng pero hindi niya akalaing lalagpas ito ng alas-diyes ng gabi. Kanina pa niya tinatawagan at tinetext ang dalaga pero miski isa ay wala siyang nakuhang sagot mula dito. Alam niyang malaki ang problemang kinakaharap nito sa trabaho at naaawa siya sa dalaga. Malaki ang tiwala niya dito at alam niyang hindi nito kayang mangharass ng kahit na sino ngunit simula ng sampahan ito ng kaso ilang linggo na ang nakakalipas madalas na niyang nakikitang palagi itong wala sa wisyo, kasama nga niya ito pero madalas ay hindi niya ito makausap ng matino.
Pagkatapos magpalit ng damit pantulog ay humiga na siya sa kama, namimiss na niya ang kasintahan. Nalulungkot siya sa nangyayari sa kanila pero pilit niyang iniintindi ang kalagayan nito, naaasar siya dahil wala siyang magawa para malutas ang problema nito at ang tanging magagawa lamang niya ay suportahan ito sa ano mang maging desisyon nito, mahal na mahal niya ang dalaga at kaya niyang gawin ang lahat para dito.
Humarap siya sa bakanteng parte ng kama, kinuha niya ang paboritong unan ng kasintahan at mahigpit na niyakap ito. Isinubsob niya ang mukha sa unan, dumikit na dito ang natural na mabangong amoy nito, pakiramdam niya tuloy ay ito ang kayakap niya ng sandaling iyon. Sinubukan niyang tawagan muli ang numero ng kasintahan pero tanging voice prompt nalang ang sumasagot na sinasabing out of coverage ito. Nag-aalala na siya para dito, hindi kasi nito ugali ang patayan siya ng phone at hindi ipaalam kung nasaang lupalop ito.
Tumayo siya at naglakad papunta sa kinalalagyan ng mga alak, matapos salinan ng yelo ang baso ay nagtungo siya sa balkonahe kung saan madalas silang manatili.
Naalala niya ang magandang mukha nito, ang ugali nito at ang lahat ng tungkol dito. Matagal na siyang may pagtingin kay Raffy, bago pa man aminin nito sa kanila na may gusto ito kay Kristle ay may paghanga na siya dito. Naaalala pa niya noong una siyang pinakilig ng dalaga.
Simula bata pa lamang silang apat na magkakaibigan, madalas na silang magkakasama sa mga kung ano-anong kalokohan. Sa kanilang apat, si Raffy talaga ang palagi niyang nakakaaway noon dahil madalas siya nitong tuksuhin na baboy, isa kasi siya sa mga biniyayaan ng malulusog na pangangatawan.
Birthday niya ngayon at napagkasunduan nilang apat na magkita sa club house para doon sila magcelebrate, pwede naman silang magcelebrate sa bahay nila pero feel nilang magbago ng lugar. Alas-singko ng hapon ang usapan nila, pagkauwi niya galing school ay agad siyang nagpalit ng damit at nagtungo sa club house. Nakita niyang mag-isang nakaupo sa isang bench si Raffy habang nakikinig sa mp3 player nito. Maganda rin pala ito, simple lang manamit hindi katulad ni Tifanny at Isabelle na halos hindi mo na maaninag ang mukha sa kapal ng powder na ikinukulapol.
Bago pa man siya makalapit ay naramdaman na nito ang presensya niya, agad na tumakbo ito papunta sa gilid ng bench at kinuha ang isang napakalaking box na ngayon lamang niya napansin. Lumapit ito sa kanya, “Happy 12th Birthday Chan!” masayang bati ng kaibigan, binuksan niya ang kahon at nakita niya ang isang napakalaking teddy bear. Tuwang tuwa siya sa natanggap na regalo, mahilig talaga siya sa mga teddy bears sa katunayan nga may isang kwarto siya na puno ng mga stuff toys.
Naupo sila sa bench habang hinihintay ang dalawa pa nilang kaibigan, inilagay nito sa tainga niya ang isang ear piece. Mahilig pala ito sa classic ballad, pinapatugtog kasi nito ngayon ang kanta ni Lionel Richie na “Hello”. Hindi siya mahilig sa ganoong klaseng mga kanta pero hindi niya alam kung bakit ngayon ay nag-eenjoy siyang makinig.
BINABASA MO ANG
Forevermore (GirlxGirl) - Completed
RomanceSino ba namang hindi mapapalingon sa taglay nilang karisma, si Kristle na isang mala-korean actress at si Raffy na isang Filipina version ni Megan Fox. Bata pa lamang sila ni Kristle ay may lihim ng pagtingin si Raffy sa babae. Sa edad na anim na ta...