Chapter 5

3.6K 164 2
                                    

Jaicy's POV

Agad akong tumalikod habang nakataklob sa mukha ko ang tuwalya n'ya.

"S-Sorry!"

Naramdaman ko ang presensya n'ya sa likod ko. Bumilis ang tibok ng puso ko sa sobrang kaba. Hindi naman n'ya siguro ako uupakan? Hindi ko naman alam na naliligo pala s'ya. Nakakahiya talaga!

Napaatras ako nang marinig ko ang pagbukas n'ya ng aparador- kung saan ako kasulukuyang malapit na nakatayo. Mahigit isang minuto yata akong nakatigil na parang poste bago ko napagpasyahang alisin ang taklob sa mukha ko upang silipin s'ya.

Hindi naman ako nagkamali dahil bihis na s'ya at nakaupo sa kama n'ya habang nagse-selpon.

"A-Alis na 'ko. Sorry ulit," nauutal na sabi ko. Naiilang kong pinatong sa study chair n'ya ang tuwalyang nakabalot sa ulo ko at dahan-dahang lumabas ng k'warto.

Napahawak ako sa dibdib ko pagkasara ng pinto.

Tuloy pa rin sa pagtambol ang puso ko at parang gusto na nitong lumabas sa dibdib ko. Kagat labi kong minasahe ang nanginginig kong mga kamay. Sobrang laki-este sobrang nakakakaba ang sigaw n'ya kanina.

Haysst! Ano ba'ng iniisip ko.

P-Pero ang laki nga. Huhu! Tulog pa iyon paano na kaya kung...Ahhh! Ano ba Jaicy.

Ginulo ko ang buhok ko at pinaypayan ang nag-iinit kong pisngi. "Woo! Ang init," bulong ko. Agad akong napatakip sa bibig ko nang maalala kong nasa pinto n'ya nga lang pala ako. Baka marinig n'ya ako.

"Ano'ng ginagawa mo?"

Napatingin ako sa may hagdan nang marinig ko ang tila nang-aasar na boses ni Lei. Nakangisi s'yang nakatingin sa 'kin at tila tuwang-tuwa sa nakita n'ya. Tumikhim ako at umayos ng tayo. Inayos ko ang gulo kong buhok at tahimik s'yang nilagpasan upang bumaba ng hagdan.

Hanggang makauwi sa amin ay sobrang pula pa rin ng mukha ko sa hiya.

Hindi ko na yata makalilimutan ang araw na ito

-

Sinalubong ko si Mama para tulungan s'ya sa mga bitbit n'ya. Panay ang k'wento sa 'kin ni Mama habang nilalagay ko sa cabinet ang mga pinamili n'yang de lata at mga mantika.

"Binigyan ako ng tawad ng tatay ni Mike sa bangus kanina. May libre pa akong isang kilo ng tilapia," natutuwang kuwento ni Mama.

Napangiti ako sa sinabi niya. Noon pa man ay lagi na talaga kaming nakamumura at nakalilibre pa minsan ng isda sa kanila. Magkakalapit kasi kaming magkakapitbahay dito. Sa katunayan nga ay kaklase ko si Mike. Sa kanya ako nagpapaturo ng Math kapag nahihirapan ako. Forte n'ya kasi 'yon. S'ya nga ang pinanglalaban ng eskwelahan namin sa mga kompetisyon.

"Nakaalis na ba ang Tito mo?"

Tumingin ako kay Mama at tumango. "Opo. Bantayan ko nga raw po sina Lei at napakakukulit," k'wento ko.

"Magluluto ako mamaya. Sabihan mo sila na dito na kumain ng tanghalian, ha? Paniguradong walang kakainin 'yong mga 'yon," bilin sa 'kin ni Mama na agad ko namang tinanguhan.

Kahit malamig ang panahon ay naligo pa rin ako. Nagpakulo na lang ako para maging maligamgam ang tubig. Paglabas ko ng banyo ay sobrang presko ng pakiramdam ko.

Ano kayang magandang gawin?

Balak ko sanang tumulong sa pagtitinda ni Mama sa palengke. May mga tanim kasi kaming gulay sa bakuran at 'yon ang kalimitang inilalako namin sa mga mamimili. Hindi gano'n kalaki ang kita pero sapat na pangtustos namin sa araw-araw.

Si Mama lang kasi ang kinagisnan ko. Hindi ako sigurado kung sino ang tatay ko dahil never naman namin napag-usapan ni Mama 'yon.

Minsan tinatanong ko s'ya pero agad din n'yang naililihis ang usapan. Mapait siguro ang nakaraan ni Mama sa tatay ko kaya kahit mapag-usapan man lang ay hindi makayanan ni Mama. Ramdam ko ang kakulangan sa pagkatao ko pero pinipili ko na lang intindihin si Mama.

Sasabihin n'ya rin naman siguro sa 'kin kapag handa na s'ya.

Sa ngayon ay tanging dugo na lang ng tatay ko ang nagpapaalala sa 'kin sa kanya. Singkit ang mga mata ko. Maliit ang ilong at mapula ang mga matambok na labi. Maputi ang balat ko na nagkukulay rosas kapag naiinitan. Hindi ako sigurado pero baka asyano rin ang tatay ko.

Korean?

Japanese?

Chinese?

Hindi ko alam. Pero kahit ano man s'ya, sapat na sa 'kin ang malaman ang pangalan at lagay n'ya. Sana ay maayos s'ya. Sana alam n'ya na may anak s'ya sa nanay ko.

Pinagmasdan ko ang mga gamit kong kulay pink. Ang ilan sa mga iyon ay binili sa 'kin ni Mama. Hindi ko alam kung kailan ko sasabihin kay Mama na bakla ako. Hindi pa kasi ako komportableng sabihin iyon sa kanya.

Nito ko lang din naman kasi napagtanto na sa lalaki ako nagkakagusto.

Sa tingin ko naman ay matatanggap ako ni Mama pero alam kong madidismaya pa rin s'ya at iyon ang ayaw kong mangyari. Ayaw kong malungkot si Mama dahil malambot ang kaisa-isa n'yang anak.

Kaya Jaicy, utang na loob, tigilan mo na ang kaiisip sa sawa ni Ryu. Mahiya ka nga! Kababata mo iyon.

Naglabas ako ng malalim na buntong hininga at lumabas ng k'warto upang tawagin ang dalawang bold star. Balot ako ng jacket at pajama dahil sa lamig. Amoy ko na mula sa kusina ang nilulutong sinigang na bangus ni Mama.

Paborito 'yon ni Ryu.

Pagpasok ko ng bahay nila ay una kong kinatok si Lei kahit nadaanan ko na ang k'warto ni Ryu.

"Lei kain na tayo sa amin," tawag ko. Ilang saglit pa ay bumukas ang pinto ng k'warto n'ya at bumulaga sa akin ang pawis na mukha n'ya.

"Ano'ng ginawa mo? Bakit ka pinagpapawisan?" tanong ko. Nagtataka kong sinilip ang k'warto n'ya.

"Work out. I need to stay fit. Masarap pa naman luto ng Mama mo baka pagbalik ko ng US ay lumba-lumba na 'ko," natatawang sagot n'ya.

"Body conscious ka na ngayon ah? Dati palito ka lang. Tsk," nang-aasar na sambit ko. Mukhang naasar naman s'ya dahil automatic na bumusangot ang mukha n'ya.

"Tawagin mo kapatid mo. Kakain na tayo," utos ko at saka nagmamadaling umalis dahil mukhang kokontra pa s'ya.

Hindi ko pa kayang harapin si Ryu dahil hindi pa rin mawala sa isip ko ang malaking ibon n'ya.

Art Of The Devil (Devil Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon