Chapter 10

3.5K 153 15
                                    

Jaicy's POV

Marami akong nakain na handa. Sinubukan ko lahat ng pagkaing nakabuyangyang sa lamesa at hindi naman ako nagsisi dahil likas na yata talaga ang talento ni Tita sa pagluluto. S'yempre at paborito ko ang specialty niya na kalderetang baka.

"Kanta ka Jaicy!" kantiyaw ng mga ka-edad kong bisita. Tinawanan ko lang sila dahil alam naman nilang wala akong talent sa pagkanta. Pinagtitripan na naman ako ng mga 'to.

"Tigilan n'yo nga 'ko. Gusto n'yo bang bumalik ang bagyong Yolanda?" biro ko. Nagtawanan naman sila at patuloy pa rin sa pangangantiyaw sa 'kin. 

Hindi ko alam kung dahil ba sa tama ng alak sa sistema ko at kinuha ko ang mikropono at pinindot ang kantang lagi kong sinasabayan sa radyo. 

Nagpalakpakan sila at sinigaw pa ang pangalan ko. Effective naman dahil kahit sintunado ay nagkaroon ako ng kumpiyansa sa sarili. Pabiro pa 'kong tumikhim kaya mas lumakas ang sigawan nila.

Mabuti na lamang at kaming mga kabataan na lang ang narito sa loob at nagkakasiyahan. Ang mga matatanda naman kasi ay nasa labas at nag-iinuman.

Awtomatikong tumaas ang sulok ng mga labi ko nang marinig ko ang simula ng kanta. 

"Bata pa lang... Nang makilala ka," simula ko. Isang nakabibinging sigawan naman ang pinakawalan nilang lahat. Nakita ko pa sa sulok ng mga mata ko ang pagsilip ng isang matanda para i-check kami sa loob. Natatawa ko silang sinuway.

"Masaya dahil kasama ka," kanta ko. Kahit bahagyang sumasala ang tono ko ay mukhang enjoy na enjoy pa sila at sabay-sabay pang winagayway ang mga kamay nila sa ere na parang nanonood ng concert.

Binaling ko ang tingin sa dalawang lalaking nasa harapan ko. Nakangiting nakatingin sa 'kin si Lei at parang pigil na pigil ang tawa kaya inirapan ko s'ya. 

"Pero nagbago ang ihip ng hangin," kanta ko. Tumingin ako kay Ryu na nakatingin sa 'kin. "Umalis ka't 'di ko alam ang gagawin..."

Kita ko ang dumaang emosyon sa mga mata n'ya.

Natatandaan kaya n'ya? Ito ang kantang lagi naming inaawit no'ng mga bata pa kami. S'ya ang magkakalabit ng gitara habang ako naman ang kakanta.

"Malalayo ba... Nalayo ba ang loob mo sa'kin. Ano'ng gagawin? Tila nagbago ang ihip ng hangin," kanta ko sa chorus na sinabayan nilang lahat. 

"Kaibigan ko..." napapikit ako nang pumiyok ang boses ko sa kulot na part ng kanta.

Nagtawanan naman silang lahat at mukhang 'yon talaga ang inaabangan na mangyari kanina pa. Lintik na mga 'to.

Ilan pa sa mga kasamahan namin ang napagtripang pakantahin sa videoke. Mga hindi naman sila kill joy dahil kahit mga sintunadong tila walang patutunguhan ang tono ng boses ay nakisali. Panay rin ikot ng tagay nila pero hindi na ako sumasali dahil hindi ko gusto ang lasa ng tuba.

Nakangiti ko lang na pinagmamasdan ang mga makukulit na lalaking sumasayaw sa kanta ng mamaland. Halos sumakit ang tiyan naming lahat sa katatawa nang napilit nilang kumendeng ang bruskong si Franco. 

"Hoy! Tangina n'yo," natatawang saad n'ya at tinampal ang kamay ni Jerome na kinekendeng ang matigas n'yang baywang.

"Hahahahaha!"

Malalim na ang gabi nang lapitan kami ni Mama upang ayaing umuwi. Bahagya nang nanlalabo ang mata ko sa antok habang si Lei at Ryu naman ay parang hindi tinablan ng tuba at diretso lang na naglalakad.

Tanghali akong nagising dahil ano'ng oras na kaming nakauwi kagabi. Madaling araw na yata.

Nakangiti akong napatingin sa labas ng bintana. Mataas ang sikat ng araw at hindi gaanong malamig. Ang ganda ng panahon. 

"Good morning, 'Ma!" nakangiting bati ko sa nanay kong abala sa paggawa ng atsara. 

Sinubo ko ang kutsarang tinapat ni Mama sa bibig ko. "Ayos na ba anak?" tanong n'ya.

"Kaunting asukal pa 'Ma," nakangiting sagot ko. Tumango naman s'ya. Iyon ang binabalot namin para itinda sa palengke. Mukhang maagang aalis si Mama ngayon dahil naghahanda na s'ya ng mga paninda.

Karaniwan kasing alas kuwatro ang alis n'ya papuntang palengke pero heto't alas diyes pa lang ay naghahanda na s'ya.

"Gusto n'yo po bang ihatid ko kayo?" nagkukusot ng matang tanong ko kay Mama.

"Hindi na anak. Sasabay ako kay pareng Nestor," sagot n'ya. Nginuso ni Mama ang isang maliit na kaldero sa lamesa. "Ihatid mo na lang 'yan sa kabila. Kumakatok ako kanina pero mukhang mga tulog pa."

Pag-alis nga ni Mama ay agad kong dinala ang lugaw kina Lei. Hindi alam ni Mama ang tungkol sa sikretong taguan namin ng susi nila sa ilalim ng basahan. Pagbukas ko pa lang ng pinto ay katahimikan na agad ang sumalubong sa 'kin. 

Tulog pa nga sila.

Pinatong ko muna sa kusina ang kaldero at nagsimulang maglinis ng mga nagkalat nilang mga damit at pinagbalatan sa sala. Binuksan ko ang bintana para makapasok naman ang hangin sa loob. Winalisan ko ang maalikabok na sahig at pinagpag ko ang mga throw pillow nila.

"Sipag naman ng asawa ko."

Napatingin ako sa hagdan at si Lei ang bumungad sa 'kin. Magulo ang mga buhok n'ya at mukhang kagigising lang talaga. Lumapit s'ya sa 'kin at yumakap na parang tuko.

"Ano'ng food?" bulong n'ya sa tainga ko.

"Nagluto si Mama ng lugaw. Kakain ka na ba? Gusto mo iinit ko ulit?" 

"Nope. It's okay. Ang init nga ngayon eh."

Halata ngang naiinitan s'ya dahil wala s'yang suot na pang-itaas. Kumawala ako kay Lei nang makita ko si Ryu na bumaba ng hagdan.

"Ligo kaya tayo sa dagat?" Tinaas baba ni Lei ang kilay n'ya. Napangiti naman ako dahil no'ng mga bata kami ay lagi talaga kaming naliligo sa dagat.

"Sige. Pero ubusin mo muna iyan," sagot ko at nginuso ang mangkok na nasa harapan n'ya. Kumuha lang ng tubig si Ryu at bumalik na paakyat ng k'warto n'ya.

Yayain ko ba s'ya?

Pagkatapos niyang kumain ay gumayak na kami patungo sa dagat. Umiihip ang preskong hangin sa balat namin at ilang mga tao rin ang  nakita kong nagtatampisaw. Kalimitan sa kanila ay mga bata. Napatingin ako kay Lei nang hubarin n'ya ang suot n'yang sando. Nagtinginan tuloy sa 'min ang mga nagdaraan dahil sa matipunong katawan n'ya.

Alam na alam n'ya talaga kung paano kumuha ng atensyon.

"Hubarin mo na rin 'yong iyo," nakangiting sabi n'ya.

"Ayoko nga," natatawang sagot ko.

Nawala ang ngiti sa labi ko nang makita ko ang nakalolokong ngisi n'ya.

"Hoy! Ayoko nga!" malakas na sabi ko at yinakap ang sarili.

Awtomatikong gumalaw ang mga paa ko nang habulin n'ya 'ko. "Patay ka sa 'kin kapag nahuli kita!" rinig kong pananakot n'ya. Alam kong seryoso s'yang huhubaran n'ya 'ko dahil lagi n'yang ginagawa 'yon no'ng mga bata pa kami kaya mas binibilisan ko ang pagtakbo.

"Run jaicy run!" natatawang sabi pa n'ya. 

Hinihingal na 'ko sa kakatakbo dahil 'di hamak na mas malaki ang mga hakbang nya sa 'kin. B'wisit talaga 'tong lalaking 'to!

"Huli ka!" 

"Hoy! Ayoko nga. Lei! Hala! Hoy!" naghihisterikal na sigaw ko nang buhatin n'ya 'ko sa balikat n'ya. Pinadyak ko ang mga paa ko para kumawala sa kanya pero pinalo n'ya ang pang-upo ko.

"Lambot n'on ah," pilyong sabi n'ya na nagpapula ng mukha ko.

"Bitawan mo 'ko. Isa!" nagbabantang bilang ko pero tumawa lang s'ya. Maling desisyon talaga ang maligo sa dagat kasama s'ya.

Ilang segundo rin akong nagpumiglas nang nagpumiglas nang bigla s'yang mapatigil. 

Sinilip ko ang taong tinititigan n'ya at umawang ang bibig ko nang makita ko si Ryu na blangkong nakatingin sa 'min.

Akala ko ba'y hindi s'ya sasama?

Art Of The Devil (Devil Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon