Chapter 63:

122 0 0
                                    

Sa isang kuwarto sa motel ay makikita ang dalawang mistulang anino na natatakpan ng isang matinding kadiliman. Kung titignan ay tila lalaki at babae ang dalawang mistulang aninong ito. Kapwa ito magkayakap habang tila walang saplot ang kanilang mga katawan. Sa pagitan nila ay maririnig ang mga tinig ng tila pagsesentimyento. Isang pagsesentimyentong tila may kinalaman sa kung sino.

“Bakit ganon na lang ang galit mo sa kanya, Dave? Na para bang kaya mong sirain ang buong pagkatao niya? Ano ba talaga ang atraso niya sa iyo?”, tanong ng isang boses babae at isa sa mga mistulang aninong magkayakap habang nakukublihan ng dilim.

“Wala naman! Wala maliban sa katotohanang siya ang kahati ko sa lahat ng meron ako ngayon…”, tugon naman ng boses lalaki at isa rin sa mga mistulang aninong magkayakap sa gitna ng isang kadiliman.

“Kahati sa lahat ng meron ka? Sa paanong paraan?”, muli ay tanong ng boses babae sa tila nagtatakang tinig.

“Dahil siya ang tunay na anak ng aking kinikilalang…AMA!”, tugon ng boses lalaki sa pagalit na tinig.

May ilang taon na rin ang nakakaraan, isang mestisuhing batang lalaki ang nabubuhay sa kalye ng Kamaynilaan. Ulilang lubos na ang batang lalaking ito at walang permanenteng tirahan. Kadalasan ay natutulog lamang siya sa mga gilid-gilid ng lansangan sa Kamaynilaan. Dala ng tila napakaabang kalagayan niya sa buhay ay natuto siyang gumawa ng masama sa kanyang murang edad. Upang makaraos sa araw-araw ay nagnanakaw siya sa mga tindahan at nang-isnatch ng mga bag ng mga dumadaan sa kahabaan ng mga lugar na katulad ng Quiapo, Recto at Morayta. Sa mura din niyang edad ay natuto siyang maging matapang at halang. Ito ay dahil sa pamamalagi niya sa lansangan ay may mga pagkakataon na nakukursunadahan siya dito ng ibang mga batang lansangan at ng mga tambay na walang ibang alam kundi ang mangursunada ng kanilang mahihinang kapwa. Di lang miminsan na siya ay napasabak sa maraming basagulo at rambulan. Di lang miminsan na siya ay muntikan nang makapatay ng kanyang mga nakakasagupa. Di lang miminsan na siya ay nakikipaghabulan sa mga pulis at maging sa taumbayan kapag siya ay nang-isnatch ng bag o alahas ng mga dumadaan sa kahabaan ng mga lugar at kalyeng pinaglalagian niya. Di lang miminsan na siya ay nahuli at nakursunadahang halinhinang gulpihin ng mga pulis kapag siya ay nasasakote ng mga ito. Para bang ang buhay niya sa lansangan ay isang buhay na maihahalintulad sa buhay sa isang mabangis na kagubatan kung saan ay matira ang matibay ang tema. Kung saan ay kailangan mong maging matatag at kung minsan ay maging halang upang dito ay patuloy na mabuhay at makaraos. Ganito ang klase ng buhay na meron ang mestisuhing batang lalaki sa pamamalagi nito sa lansangan. Inisip ng batang ito na ganito na lamang ang magiging takbo ng buhay niya hanggang sa siya ay tumanda at marahil ay dito na rin sa kay lupit na lansangan bawian ng buhay. Pero di niya inaasahang darating pala ang araw na magbabago bigla ang kapalaran niya…

Isang hapong siya ay naghahanap na naman ng mabibiktima ay namataan niya ang mag-asawang Amerikano na naglalakad sa kahabaan ng Morayta. Sa pakiwari niya ay mayaman ang mag-asawang ito dahil sa tila mamahaling suot ng mga ito. Napapangiti ay tumakbo siya palapit sa mag-asawa at nang makalapit ay agad niyang hinablot ang bag na dala ng babae. Sumigaw ang babae sa ginawa niyang paghablot sa bag nito. Bagay na nakatawag ng pansin sa mga nasa paligid. Bagay na naging dahilan upang siya ay habulin na naman ng taumbayan at maging ng asawang lalaki ng babaeng hinablotan niya ng bag. Tulad dati ay makakatakas na naman sana siya sa taumbayang humahabol sa kanya. Pero laking gulat niya nang bigla na lamang may isang napalaking kamay ang sumalubong at sumuntok sa kanya ng anong lakas sa noo. Dahilan upang siya ay mawalan ng malay at mablangko na ang lahat sa kanya.

Nagising siya sa isang tila napakakomportableng kuwarto. At sa paggising niya ay nabatid niya na siya ay nakahiga sa tila ba kay lambot ng kama. Dinama pa nga niya ng matagal ang kalambutan ng kamang hinihigaan niya. Sa pakiwari niya kasi ay ngayon lang siya nakahiga sa ganitong kalambot na higaan. Sa buong buhay niya kasi ay nakukuntento lang siya sa mga saping dyaryo o sako habang siya ay nakahiga sa isang gilid ng lansangan. Nang magsawa sa paghiga ay pinilit niyang bumangon, pero sa kanyang pagbangon ay nabatid niyang napakasakit ng ulo niya. Nang kapain niya nga ang noo niya ay nabatid niyang tila ba may malaking bukol dito. Hinaplos-haplos niya ang malaking bukol na ito habang inaalala sa isipan niya kung ano ang nangyari. Bigla ay naalala niya na hinahabol nga pala siya ng taumbayan dahil sa ginawa niyang paghablot sa bag ng babaeng Amerikano. Sa pagkakatanda niya ay matatakasan na sana niya ang mga humahabol sa kanya nang bigla na lang may isang malaking kamay na sumalubong at biglang sumapak sa kanya. Matapos niyang maalala ito ay gayun na lamang ang kanyang pagkagulat nang biglang may dumating na lalaki sa lugar na kinalalagyan niya. Maputi at matangkad ang lalaking ito at sa pakiwari niya ay isang …AMERIKANO.

Half-Cooked (Ang Mga Pilipinong Hilaw)Where stories live. Discover now