Chapter 57:

62 0 0
                                    

Nagsisimula nang dumilim sa malaking mansiyon ng mga Cane, sa panahong ito ay makikita si Cristina sa kanyang kuwarto na walang patid na lumuluha habang padapang nakahiga sa kama. Buong araw kasi ay nakakulong lang siya sa kuwarto at dinadalan lamang ng pagkain ng kanilang mga katulong. Pero higit sa pagkakakulong sa kanyang kuwarto, ang talagang ikinakalungkot niya ay ang katotohanang buong araw niyang hindi nakita ang pinakamamahal na si Vincent sa araw na ito at maaring sa mga susunod pang araw. Labis na napapaluha at naiiyak si Cristina sa isiping maaring hindi na niya makita pa si Vincent kahit na kailan. Sa isiping siya ay nakatakda nang makasal sa isang lalaking hindi niya mahal at hindi kay Vincent na talagang mahal niya. Walang patid ang kanyang pagluha na para bang mauubusan na siya ng iluluha. Ansakit-sakit kasi ng pakiramdam niya. Napakasakit na para bang ang pakiramdam niya ay mamamatay na siya sa sobrang lungkot at sakit.

“Bakit? Bakit kailangang mangyari sa akin ang ganito? Bakit puro na lamang kalungkutan ang nararamdaman ko sa buhay ko? Bakit parang kahit anupa ang gawin ko ay hindi ko makamtan ang ganap na kaligayahan? Bakit…???”, ang natatanong ni Cristina sa kawalan habang siya ay walang patid sa pagluha.

Sa may gate naman ng naturang mansiyon ay biglang may dumating na van at truck na tila pag-aari ng media. Bagamat hinarang ito ng mga guwardiya nung una ay bigla silang natigilan nang biglang lumabas sa bintana nito ang napakagandang si Genelyn Winstone. Tila nahipnotismo pa nga ang mga guwardiya nang makita si Genelyn. Kaya naman walang tanong-tanong ay agad nilang pinapasok ang van na sinasakyan ng kaakit-akit at napakaalindog na babae. Nang makapasok ang van at truck sa looban ng mansinyon ay huminto ito sa isang tagong lugar. Nang makahinto ang naturang mga sasakyan sa tagong lugar ay bumaba mula dito sina Vincent, Ryan at Quincy. Sa kanilang pagbaba mula sa mga naturang sasakyan ay sinalubong sila ni Mary na patingin-tingin pa nga sa likuran habang naglalakad papunta sa kanila. Nang magpang-abot ay nagyakapan pa sina Quincy at Mary.

“May daan sa likuran paakyat sa may bintana ng kuwarto ni Cristina. Doon ka na lang dumaan, Vincent.”, marahang pahayag ni Mary kay Vincent.

“Salamat!”, nakangiti at taos-puso namang pasasalamat ni Vincent kay Mary sabay takbo papunta sa lugar na itinuturo sa kanya nito.

Mula sa pagkakatingin kay Vincent ay muling nabaling ang tingin ni Mary sa nobyong si Quincy. Medyo naiinis pa nga siya habang nakatingin dito.

“Alam mo kung hindi lang talaga kita mahal ay hindi ako papayag makipagsabwatan sa mga kalokohan niyo! Sa buong buhay ko ay hindi ko akalaing magagawa kong tulungan ang kinamumuhian kong kapatid upang ganap niyang mahanap ang kanyang kaligayahan sa buhay at ito ay nagawa ko dahil sa iyong ungas ka!”, ang naiinis namang nasabi ni Mary kay Quincy.

Si Quincy naman ay hinalik-halikan sa pisngi ang nobya.

“At labis akong nagpapasalamat sa iyo para doon, babe! Utang namin sa iyo ng malaki ang gabing ito!”, ang tila labis namang pasasalamat ni Quincy sa nobya.

Balik naman sa kuwarto ni Cristina, siya ay kasalukuyan paring walang patid sa pag-iyak habang padapang nakahiga sa kanyang kama. Sa gitna ng patuloy na pag-iyak ni Cristina ay labis siyang nagulat at bahagyang natigilan sa pag-iyak na ginagawa nang marinig niya ang mga pagkatok sa may bintana ng kanyang kuwarto.  Nagpapahid ng luha ay tumayo siya mula sa pagkakadapa sa kanyang kama at siya ay nagmamadaling lumapit sa may bintana ng kanyang kuwarto. Pagkalapit na pagkalapit niya sa may bintana ng kanyang kuwarto ay labis siyang nagulat nang makita niya ang kung sinong kumakatok dito. Dahil ito ay walang iba kundi si…Vincent!

“Vincent!”, ang gulat na gulat pero excited na excited ding nasabi ni Cristina matapos mabatid na si Vincent ang kung sinong kumakatok sa bintana ng kanyang kuwarto.

Naluluha ay hinaplos niya ang bintana kung saan nakasilip sa kanya si Vincent na tila nagpupumilit na makapasok dito. Si Vincent din ay hinaplos ang bintana kung saan niya nasisilip si Cristina na kasalukuyang humahaplos din sa kabilang bahagi ng bintana. Kakatwa pa nga na parang nagkadikit ang mga humahaplos nilang kamay na tila ba ang makapal na salamin lamang ng bintana ang pagitan. Habang tila magkadikit ang mga kamay nilang humahaplos sa bintana ay naluluha silang nakatitig sa isa’t isa. Magkahalong lungkot, pananabik at kaligayahan ang nararamdaman nila habang sila ay nakatitig sa isa’t isa.

Half-Cooked (Ang Mga Pilipinong Hilaw)Where stories live. Discover now