Chapter 10:

181 2 0
                                    

Halos madaling araw na nang ganap na mahimasmasan ang magkakaibigan buhat sa kanilang pagkalasing. Nang mahimasmasan sila ay umuwi na sila sa kani-kanilang mga tirahan. Dahil tinulungan pa ni Ryan sa pagliligpit ang kaibigan na si Vincent ay siya ang pinakahuling umuwi sa kanilang tirahan. Pagdating niya doon ay nakita niya ang kanyang inang si Maria na nakalupasay sa sofa sa may sala ng kanilang tinitirahang apartment at tila tulad niya ay lasing din. Pero di tulad niya na nahimasmasan na ay tila lasing na lasing parin ang kanyang ina at tila sa pagdating na ng kinabukasan ito magigising buhat sa pagkalasing. Hawak pa nga ng kanang kamay nito ang isang mahabang bote ng Tanduay habang ang kaliwang kamay nito ay hawak ang isang tila may kalumaan nang larawan. Marahan ay inaayos ni Ryan sa pagkakahiga ang ina na halos mahulog na mula sa hinihigaang sofa. Tapos ay kinuha niya ang bote ng Tanduay na nasa kamay nito at sa isa pang kamay ay kinuha niya at tinignan ang larawang hawak-hawak nito. Nakita niya mula sa larawan ang isang guwapong Amerikano na tila kamukhang-kamukha niya ang itsura. Medyo kahawig pa nga nito si Brad Pitt. Napapailing ay napatingin si Ryan sa natutulog at lasing na lasing na ina buhat sa pagkakatingin sa litrato.

"Hanggang ngayon ba 'nay ay hindi niyo parin malimot-limot ang walang kuwentang lalaking ito?! Kahit minsan ay hindi niya tayo naisip na alalahanin at tignan man lang kung buhay pa ba tayo't humihinga! Pero bakit eto ka't patuloy parin siyang inaalala?! Patuloy mo paring kinakapitan ang mga walang kuwenta niyang pangako sa inyo!", ang naiinis na nasasambit ni Ryan sa natutulog na ina.

Bagamat tulog ay tila nagsasalita naman si Maria at paulit-ulit ay may isinisigaw siyang isang pangalan.

"Reynold! Reynold! O Reynold ko!", ang paulit-ulit na pagtawag ni Maria sa pangalang Reynold.

"Reynold Maxwell! Isang pangalang labis kong kinasusuklaman!", ang nangangalit namang nasasabi ni Ryan.

Parang bigla naman ay may kung anong naalala si Ryan mula sa isang nakaraang tila kay pait balikan...

Mula pa nang magkaisip si Ryan ay nagisnan na niya ang nanay niyang si Maria na lagi na lamang napakalungkot sa bawat araw. Sa maghapon ay lagi lamang itong nasa may pintuan ng kanilang bahay at nakatulala at nakatingin sa malayo na para bang laging may kung sinong hinihintay. Sa buong magdamag naman ay lagi itong lasing at halos hindi na makausap ng matino. Ang tanging alam lang nitong sabihin kapag lasing ay ang pangalang Reynold. Madalas din kapag ganitong lasing ang kanyang ina ay nakikita niya itong laging hawak-hawak ang lumang larawan ng isang guwapong Kano. Noong wala pa siyang gaanong isip ay hindi niya maintindihan kung bakit ganito ang kanyang ina. Madalas nga ay naiinggit siya sa ibang mga batang kaedaran niya na ang mga ina ay nakakausap nila ng matino at sila ay naaalagaan ng maayos. Siya kasi ay tila ang kapitbahay nilang si Josie ang nagisnan niyang nag-alaga sa kanya. Madalas niyang maalalaa noong nag-aaral na siya kung gaano kalungkot ang pumasok at umuwi nang wala man lang inang naghahatid at sumusundo sa kanya. Tuwing kuhanan ng report card ay pinapakiusapan pa niya ang kapitbahay at ang nag-alaga sa kanyang si Josie na siyang magsisilbing guardian na kukuha sa card niya. Mula Nursery hanggang Kindergarten ay may medal siya dahil lagi siyang nangunguna sa klase, pero kay lungkot na wala ang ina niya para sabitan siya ng medalya at i-congratulate. Nakakapag-aral siya sa Elementarya dahil sa scholarship program sa kanilang Barangay at tulad nung Nursery at Kindergarten ay consistent honor student siya nung Elementarya na laging nabibigyan ng medalya. Pero para kanino nga ba niya iniaalay ang medalya gayong tila kahit minsan ay hindi pa nagpupunta sa eskuwelahan nila ang nanay niya upang siya ay sabitan ng medalya. Upang sabihin sa kanyang "Anak, I'm proud of you!". Dahil lagi lang nakatulala sa kanilang bahay ang kanyang ina o di kaya naman ay lasing.

Madalas din nung kapalistan niya ay napagkakaisahan siya ng mga batang kaedaran niya sa kanilang lugar dahil sa pagiging iba ng itsura niya. Di lang miminsan na siya ay nagugulpi at umuuwing pasaan at sugatan ang mukha. Imbes na magsumbong sa kanyang nanay ay sinasarili niya na lamang ang mga nararanasan niyang ito. Pero kahit na magsumbong pa siya marahil ay baka ni hindi siya pakinggan ng kanyang inang tila kahit minsan ay hindi niya naalalang nakialam man lang sa buhay niya. Nang minsang pagtangkaan na naman siyang gulpihin ng mga batang madalas bumuska at mang-api sa kanya ay hindi niya akalaing tutulungan siya ng isang batang tulad niya ay tila iba rin ang itsura kumpara sa karamihan. Isa itong bata na singkit ang mga mata at halos dilaw ang kulay ng balat. Kitang-kita niya kung paanong ang singkiting batang ito ang nakipaglaban sa mga umaapi sa kanya na ang iba ay halos tineydyer na ang edad. Nasapak ito ng pinakamalaki sa mga batang madalas umapi sa kanya at ang ulo nito ay tumama sa pader na naging dahilan ng pagkawala ng malay nito. Inakala pa nga niya na namatay na ito, pero nang lapitan niya ito ay nabatid niyang ito ay humihinga pa. Mabilis ay tinawag niya ang pinsan at kaibigang si Quincy upang matulungan siya na dalhin ang singkiting batang ito sa kanilang bahay. Sa kanilang bahay ay ginamot nila ito at inalagaan hanggang gumaling sa tulong ng kanilang mga kapitbahay na sina Josie at Vina. Nang lumaon ay nakilala nila ang batang ito sa pangalang Vincent Villanueva. Bagamat tila isang misteryosong bata ay naging matalik nilang kaibigan ni Quincy ang singkiting si Vincent at mula noon ay hindi na sila naghiwalay.

Minsan sa panahon ng pagbibinata ni Ryan ay naisipan niyang kausapin ang kanyang ina tungkol sa pangalang madalas nitong banggitin kapag lasing at tungkol sa Kano sa larawan na lagi nitong hawak-hawak.

"Nay, sino ba 'yung Reynold na palagi niyong tinatawag kapag kayo ay lasing na? Siya rin ba 'yung Kano sa larawang lagi niyong hawak-hawak? Ano ba ang kaugnayan niya sa buhay natin? Siya ba ang...aking AMA???", ang sunud-sunod ay pag-uusisa at pagtatanong ni Ryan sa ina.

Pero imbes na sagutin ng maayos ang tanong ng anak parang isang hibang na nagsalita si Maria.

"Si Reynold ay ang pinakamamahal kong lalaki... Siya ang buhay ko... Siya ang lahat sa akin... Alam ko balang araw... Isa sa mga araw na ito ay babalik siya at magsasama na kami... Alam ko... Babalikan niya akong muli at tutuparin ang kanyang mga pangako na ako ay dadalhin niya sa Amerika upang doon na kami manirahan at magsama ng masaya habang buhay... Naniniwala ako sa kanya... Nagtitiwala...", si Maria na tila wala sa sarili habang sinasabi ang mala-pangarap na mga bagay tungkol kay Reynold at sa mga pangako nito sa kanya.

Parang agad namang naunawaan ni Ryan kung sino si Reynold sa buhay nila. Hindi na niya kailangang marinig pa sa mismong bibig ng kanyang ina kung sino talaga si Reynold sa buhay nila. Marami na siyang narinig na kuwento mula sa tiyahin niyang si Minerva nung ito ay nasa Gapo pa. Mga kuwento tungkol sa mga dating kasamahan nito na nagkaroon ng relasyon sa isang US Navy at naanakan ng mga ito. Pagkatapos ay iniwanan at inabandona. Iniwanan at inabandona matapos pangakuan ng magandang buhay sa mapangarap na lupa ng Tate. Hindi niya kailangang maging henyo para malaman at maintindihan base sa reaksiyon ng kanyang ina na si Reynold ay ang Kanong dating kasintahan nito na pagkatapos itong anakan ay iniwan na lamang ito. Iniwang umaasa at nangungulila at halos mabaliw sa kalungkutan at pagkabigo. At ang bunga ng panggagagong ito ni Reynold sa kanyang ina ay walang iba kundi...SIYA!!!

Mula noon ay tila labis na niyang kinamuhian ang kanyang ama. Ninais na sana ay hindi na niya ito makita pa dahil baka kung ano lang ang magawa niya dito. Baka makalimot lang siya ng kabutihan at siya ay makagawa ng kasamaan at kasalanan. Muhing-muhi siya sa lalaking gumago sa kanyang ina. Sa lalaking naging dahilan kung bakit kahit buhay pa't humihinga ay nabubuhay ng parang wala nang buhay pa't pag-asa ang kanyang ina. Pero ang masakit sa lahat ay kamukhang-kamukha niya ang lalaking labis niyang kinamumuhian. At dala-dala pa niya ang apelyido't pangalan nito na banyagang-banyaga sa pandinig...

"Reynold Maxwell! Maxwell! Bakit  kahit paano ko ikatwa ay hindi ko parin maalis ang katotohanang ikaw ay bahagi ng buhay ko?", ang bigla ay naluluhang sabi ni Ryan matapos maalala ang mapait niyang nakaraan.

Half-Cooked (Ang Mga Pilipinong Hilaw)Where stories live. Discover now