Chapter 14:

91 1 0
                                    

Si Punk naman ay katanghalian na nakauwi sa kanilang bahay magbuhat nung umalis siya dito nung nakaraang gabi. Sa pagdating niya sa bahay ay wala siyang sinumang nadatnan dito. Tila ba sa pakiwari niya ay walang tao dito.

"Hay! Bakit kaya walang tao dito ngayon?!", ang naiinis pang natanong ni Punk.

Ilang sandali pa ay nakaramdam ng pagkahapo si Punk. Bunsod na rin siguro ng tila magdamag niyang pagtatrabaho at siya ay wala pang tulog. Agad ay nagpunta siya sa kanyang silid upang dito ay matulog at magpahinga. Sa pagdating niya sa kanyang silid ay labis siyang nagulat nang madatnan niya dito ang kanyang kapatid na si Jenny na umiiyak sa isang sulok at tila ba takot na takot. Dahil sa nadatnan ay napuno ng pag-aalala si Punk. Mabilis ay nilapitan niya ang luhaang kapatid upang alamin kung ano ang nangyari dito.

"O Jenny! Ano nangyari?! Bakit ka umiiyak, ha?! Ano nangyari?!", ang sunud-sunod na pagtatanong ni Punk sa kapatid.

Iiliing-iling lang na nagsalita si Jenny.

"Wala, Kuya... Wala lang...", si Jenny na ngatal pa ang boses habang nagsasalita. Halatang natatakot pero kanino o saan?

"Maari bang wala e putlang-putla ka! Ano ba talaga nangyari?! Huwag kang matakot! Sabihin mo sa akin!", si Punk na tila hindi kumbinsido sa sagot ng kapatid at ito ay pinipilit niyang sabihin sa kanya ang tunay na dahilan ng pag-iyak at tila labis na pagkatakot nito.

"Pero wala talaga, Kuya! Wala lang talaga...", si Jenny na tila ayaw talagang magsabi ng anuman sa kuya ng kanyang tunay na pinagdadaanan.

Patuloy pa sanang pipilitin ni Punk ang kapatid na magsabi sa kanya ng tunay na nangyayari dito, pero biglang dumating ang kanilang amang si Poldo.

"O Punk, anak! Nandito ka na pala! Jenny! Ipaghanda mo nga ng almusal ang kuya mo!", bati ni Poldo kay Punk at pag-uutos kay Jenny na ipaghanda ng makakain ang kuya nito.

Atubili at halos nanginginig pa ang katawan ay agad lumabas si Jenny sa silid at nagtungo sa kusina upang ipaghanda ng pagkain ang kuyang si Punk. Si Punk naman ay nabaling ang buong atensiyon sa amang tila bigla na lamang naging mabait sa kanya.

"Tay, ano ba nangyayari kay Jenny? Bakit tila kabadong-kabado at tila ba may kung sinong labis na kinatatakutan?", usisa ni Punk sa ama.

"Huwag mong masyadong pinag-iintindi 'yang kapatid mo. Nagmamaktol lang 'yan! Paano kasi ay napalo ko kanina! Ang tigas kasi ng ulo e! Hindi makuha sa isang utos lang! Gusto pa napapalo e!", tugon at pagpapaliwanag ni Poldo sa nagtatanong na anak.

"E pagpasensiyahan niyo na po sana, 'tay. Bata pa po 'yan  at hindi mature ang isip.", ang tila pakiusap naman ni Punk sa ama.

"Hayaan mo at gagawin ko ang sinabi mo.", marahan at tila pagpapaunlak na sabi ni Poldo sa anak.

Maya-maya pa ay biglang napatitig si Poldo sa anak habang nakangiti ng parang ngiting-aso. Bagay na kabisadong-kabisado na ni Punk.

"Sabihin niyo na po, 'tay!", ang hikayat pa ni Punk sa ama.

"A-e anak... Baka naman ay isang libo ka diyan? May tatayaan kasi akong manok sa sabong diyan sa kabilang barangay e. Liyamadong-liyamado ang manok at paniguradong panalo! Pangako, nak! Ibabalik ko sa iyo kapag nanalo.", ang tila maagang paghirit ni Poldo sa anak.

Napapailing ay hinugot ni Punk ang pitaka niya mula sa bulsa ng kanyang pantalon at siya ay kumuha mula dito ng isang libong piso. Habang kumukuha siya ng pera sa pitaka ay sinisilip-silip pa ng kanyang ama kung magkano ang laman ng pitaka niya.

"O eto po, tay!", wika ni Punk habang iniaabot ang isang libo sa anak.

Pero tila hindi pa nakuntento si Poldo sa isang libong ibinibigay sa kanya ng anak. Tila gusto pang humirit nito.

"A-e baka naman puwede mo pang dagdagan ng limang daan, nak. Alam mo na. Mas malaki ang pusta, mas malaki ang balik kapag nanalo.", ang tila paghirit pa ni Poldo sa anak.

Napapailing ay muling kumuha ng pera sa pitaka si Punk. Saktong limang daang piso ang kinuha niya. Malutong pa ito at halatang kalalabas lang mula sa bangko. Malinaw na malinaw pa ang larawan dito ng mag-asawang Ninoy at Cory Aquino. Nakangiti ay kinuha ni Poldo ang limang daang pisong inaaabot ng anak.

"Salamat, nak ha! Promise! Ibabalik ko sa iyo ito kapag nanalo ako.", pasasalamat ni Poldo sa anak habang ito ay tinatapik-tapik pa niya sa likod.

Matapos makakikil ng pera sa anak ay masayang umalis ng bahay si Poldo na tila kung saan na naman magliliwaliw kasama ang mga wala ring silbi sa buhay na mga katropa. Napapailing pa si Punk habang pinagmamasdan ang papalayong ama. Pagdaka ay nagtungo na siya sa hapag-kainan upang kumain ng agahan. Tulad ng dati ay tutong na kanin at tuyo ang nakahain sa hapag-kainan. Tanda ng kaubusan ng perang kamakalawa lang ay kinita niya buhat sa pagtatrabaho magdamag. Napapailing na lang siya habang sumusubo sa pag-iisip sa katotohanang napakabilis lang maubos at mawala ng perang pinaghirapan niyang kitain.

Lingid naman sa kaalaman ni Punk, siya ay lihim na pinagmamasdan ng kapatid na si Jenny habang ito ay nakaupo sa isang sulok ng sala.

"Sana ay kaya kong sabihin sa iyo ang lahat, Kuya... Sana...", ang naluluhang nabubulong ni Jenny habang lihim na pinagmamasdan ang kumakaing kuya.

Half-Cooked (Ang Mga Pilipinong Hilaw)Where stories live. Discover now