Chapter 69:

146 6 2
                                    

Tila tumpak nga at angkop na angkop ang sinabi ni Punk kay Brian para sa kanilang mga itinuturing ng lipunan na mga Pilipinong hilaw na mula sa puntong iyon ay magkakaroon na sila ng kani-kanilang mga buhay at landas na tatahakin. Dahil tila nagkaroon na nga ng kanya-kanyang buhay ang mga Pilipinong hilaw na naninirahan sa isang compound sa Barangay Pineda.

Si Brian na itinuturing na pinakabata sa mga Pilipinong hilaw ay tila nabubuhay sa pagitan ng kaligayahan at kalituhan. Kaligayahan dahil sa patuloy na pagganda ng pagtitinginan nila ng tinatangi niyang babaeng si Melissa. Kalituhan dahil sa natuklasan niyang tunay na pagkatao. Sabi ng isang isipan niya ay kalimutan na lamang niya at ipagsawalang bahala ang kanyang natuklasan, pero tila meron kung ano sa puso niya ang nag-uudyok sa kanyang alamin kung sino ang kanyang tunay na ama. Hindi niya malaman pero tila nakakaramdam siya ng isang napakatinding pagnanasa na malaman kung sino ang tunay niyang ama.

Si Quincy na tila pinakamasayahin sa mga Pilipinong hilaw at tila walang pakialam sa mga problemang dumarating ay nagpatuloy sa kanyang pamumuhay bilang isang dakilang playboy. Siyang-siya siya habang nagpapasasa sa mga pera at materyal na bagay na nahuhuthot niya sa kasalukuyan niyang nobyang si Mary na talaga namang ubod ng yaman. Pero bukod sa pagpapasasa sa kayamanan ng kanyang nobya ay nagpapasasa at nagpapakaligaya rin si Quincy sa pakikipag-date at pakikipagtalik sa kung kani-kaninong mga babaeng ang iba ay talagang magaganda pa. Nang magkaroon kasi ng kotse si Quincy ay mas lalo pa siyang naging habulin ng mga babae kung kaya naman mas lalo pang dumami ang mga babaeng naghahabol sa kanya na sa pagkakataong ito ay mga galing pa sa mga mayayaman at may sinabing pamilya.

Si Ryan na masasabing pinakaseryoso at pinakamadrama sa mga Pilipinong hilaw ay nagpatuloy sa kanyang buhay bilang isang baguhang artista na gumaganap sa isang ginagawa pa lamang na Indie film. Sa buhay niya sa showbiz kung saan ay punung-puno ng kababuyan at karumihan. Sa piling ni Genelyn na tila matindi ang tama sa kanya at handa siyang tulungan sa ambisyon niya na maging isang sikat na artista pagdating ng araw. Pero sa kabilang banda ay tila nagpatuloy din siya sa buhay ng patuloy niyang pangangarap kay Karina. Ang babaeng tila mula’t sapul pa ay pinangarap na niyang makasama at maging kapalad. Pero tila kahit anupa ang gawin niya ay tila hindi talaga ito mapapasakanya at ito ang masakit at mapait na katotohanang kailangan niyang tanggapin sa pagpapatuloy niya sa kanyang buhay.

Si Vincent na masasabing pinakamisteryoso sa mga Pilipinong hilaw ay tila masaya na ang buhay ngayon kahit na paano. Ito ay dahil kapiling na niya ang pinakamamahal niyang babae na si Cristina na bagamat kailan niya lamang nakilala ay labis na niyang minahal at isinaalang-alang pa nga niya ang sarili niyang buhay at kaligtasan mapasakanya lamang ito at mapalaya mula sa pagkakakulong sa tila walang kulay na mundong kinabibilangan nito. Ngayon ay masaya silang magkapiling sa isang malaking bahay sa kung saang probinsiya na tila handa sa mga panibagong hamon at pagsubok na ibabato sa kanila ng buhay.

At si Punk na sa kabila ng murang edad ay tila kay rami nang alam sa buhay at tila mulat na mulat na sa takbo ng buhay sa mundo ay nagpatuloy sa kanyang buhay bilang kabahagi ng isang malaking sindikato. Sa pagkakataong ito ay tila mas mahalaga na ang papel niya sa sindikato kumpara dati. Isang maselang misyon kasi ang iniatas sa kanya ng pinakautak ng sindikatong kinabibilangan niya. Isang maselan na misyon na tila sesemento sa lugar niya sa sindikato pagdating ng tamang panahon.

Maging ang mga nasa paligid ng mga Pilipinong hilaw ay nagpatuloy din sa kani-kanilang mga buhay. Ang mga magulang ng mga Pilipinong hilaw ay tila nanatili sa pagiging sila. Ang ina ni Quincy na si Minerva ay isa paring bungangerang babae na mahilig mag-mahjong kasama ang mga amiga. Ang ina ni Ryan na si Maria ay lagi paring tulala habang nasa may pinto ng kanilang apartment at nakaupo sa may tatlong hakban na hagdan nito kapag araw at kung gabi naman ay lagi parin itong lasing. Ang ina naman ni Brian na si Vina ay isa paring martir na asawa at uliran na ina sa kanyang mga anak sa kabila ng tila kay pangit na pagtrato sa kanya ng asawang si Braulio. At ang ina ni Punk na si Josie ay nagpatuloy mabuhay kasama ang bunsong anak na si Jenny. Tulad ng pakiusap sa kanya ni Punk ay pinilit niyang maging normal muli ang kanilang buhay ng kanyang bunsong anak matapos ang lahat ng mga kalagiman na nasaksihan nito. Tila ba sa kauna-unahang pagkakataon ay naging isa siyang ina sa kanyang anak na tumutugon sa lahat ng mga pangangailangan nito. Bagay na hindi niya nagawa dating nabubuhay pa ang mala-demonyo niyang asawa na tila kay tagal na panahon ding nagpahirap at gumawang miserable sa mga buhay nila.

Ang baklitang parlorista naman na si Seldah ay nagpatuloy sa kanyang pagpapanggap at pagkukubli sa likod ng isang kay landing baklita upang matakasan ang kanyang pamilya na tila habang buhay na niyang gustong iwasan. Si Kriselda naman na tila naging malapit na sa puso ni Seldah ay tila nagpatuloy sa pagpapakahibang sa dating nobyo nitong si Quincy. Bagamat tinapos na ni Quincy ang relasyon nila ay patuloy parin itong umaasa na isang araw ay muli siyang babalikan ng kinababaliwan at kinahihibangan niyang si Quincy. Ang bestfriend naman ni Kriselda na si Karina ay nagpatuloy sa pakikipagrelasyon sa banyagang si Davis Hunks na bagamat sasandali pa lamang niya nakikilala ay tila labis na siyang nahulog sa mapang-akit nitong karisma. Ang kanilang bawat pagtatagpo ay tila lagi na lamang nauuwi sa maiinit na mga eksena sa isang silid sa motel.

At nagkaroon nga silang lahat ng kani-kanilang mga buhay at landasin na dapat intindihin at tahakin kahit na ang iba sa kanila ay malayo na at hindi na kapiling. Pero kung anuman ang bagong yugtong ito ng buhay nila ay masasabing simula pa lamang ito at marahil ay mas marami pa silang pagdadaanang mga pagsubok at trahedya na dapat nilang kaharapin upang sila ay mas lalong matuto sa kanilang mga buhay at mas lalo pang maging matatag…

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Sep 27, 2013 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Half-Cooked (Ang Mga Pilipinong Hilaw)Where stories live. Discover now