Chapter 9:

151 2 0
                                    

Mula sa Pineda, Pasig ay sa isang malaking bodega sa Navotas nagtungo si Punk. Dito ay sinalubong siya ng isang nagngangalang Boy Ahas kasama ang may limang armadong kalalakihan. Nakipagkamay pa si Punk kay Boy Ahas nang sila ay magkita.

"Antagal mo ha!", tila inis na puna ni Boy Ahas kay Punk.

"Traffic lang, pare. E kumusta ba sitwasyon sa loob?", katwiran at pagdaka'y tanong ni Punk kay Boy Ahas.

"Ewan kay Arman. Sila ang magkausap sa telepono ni Mr. Lee e. Pero ayon sa pagkakarinig ko sa usapan ay mukhang ipapaligpit na ni Mr. Lee ang bihag.", tugon at tila maikling pagkukuwento ni Boy Ahas kay Punk.

"E paano na 'yung ransom money? Nakuha na ba?", ang tila nababahala namang pag-uusisa ni Punk kay Boy Ahas.

"Hindi pa nga e. Mukha daw di tumupad sa usapan ang mga magulang ng bihag. Natiklo nga kanina ang dalawa sa mga bata ni Kulafu na kukuha sana ng ransom money sa may Lawton. Kaya nag-iinit sa galit itong si Mr. Lee dahil sa nangyari. Tinarantado daw siya ng mga magulang ng bihag e maayos naman daw ang usapan nila nung una. Kaya baka nga ang pagkadedu ng bihag ang ending ng gabing ito.", muli ay tugon at pagkukuwento ni Boy Ahas kay Punk.

Parang napapapalatak naman si Punk sa narinig na kuwento ni Boy Ahas.

"Walanjo naman o! Ang akala ko pa naman titiba na tayo ngayong gabi. Tapos wala pala! Pucha sayang ang ilang gabing pagbabantay natin sa lecheng Chekwang iyon ha! Ang ingay-ingay pa at mura ng mura!", ang naiinis na nasabi ni Punk.

Sa gitna ng pag-uusap nina Punk at Boy Ahas ay biglang dumating sa kinalalagyan nila ang lalaking kilala ng lahat ng naroroon sa tawag na Kulafu.

"Punk, Ahas. Tawag kayo ni Arman sa loob.", marahang pahayag ni Kulafu sa dalawa.

Agad namang pumasok ang dalawa sa loob ng bodega. Dito ay nadatnan nila ang lalaking nagngangalang Arman na may dala-dalang baril at tinututukan ang isang dalagitang nakapiring habang nasa isang sulok ng bodega.

"Balita, Arman?", tanong pa ni Boy Ahas kay Arman.

Agad naman ay lumapit si Arman kay Punk at iniabot niya rito ang kanina'y hawak-hawak na baril.

"Ikaw na bahala diyan, Punk. Tutal ikaw naman ang umaayos sa lahat ng mga bihag na di natutubos e. Huwag kang mag-alala may bonus ka kay Mr. Lee.", ang tila pag-uutos ni Arman kay Punk.

Marahan naman ay kinuha ni Punk ang iniaabot sa kanyang baril at ito ay itinutok niya sa nakapiring na dalagita. Sa pakiwari niya ay umuungol at umiiyak ang dalagita habang nakapiring. May sinasabi ito pero di niya maintindihan dahil tila Intsik ang lengguwahe.

"Sige na, Punk. Tapusin mo na 'yan para makauwi na tayo. Itatapon pa natin 'yan sa may Angono e. Tapos pupunta pa tayo sa safehouse para kunin ang suweldo natin kay Dimas.", ang tila marahan namang pag-uutos muli ni Arman kay Punk.

Nagsimulang asintahin at sipatin ni Punk ang sentido ng dalagitang nakapiring. Habang ginagawa niya ang ganito ay naaalala niya kung paano sila minamaltratong mag-iina ng tatay niyang si Poldo. Hindi na niya mabilang kung ilang beses nangyari iyon. Hindi na niya mabilang kung ilang pasa, sugat at latay ang natamo niya mula sa malupit na ama. Hindi na niya mabilang kung ilang beses niyang narinig ang pag-iyak at pagmamakaawa ng kanyang ina habang ito ay walang awang ginugulpi ng kanyang ama. Di niya mabilang kung ilang beses niyang nakikita ang nakababatang kapatid na si Jenny na nanginginig na lamang sa isang sulok habang napapanood at napapakinggan ang mga kalupitan ng kanilang ama. Habang naaalala niya ang mga ito ay nakakaramdam siya ng sobra-sobrang galit at ang galit na ito ang nagsisilbing pampagana at pampalakas ng loob niya upang makayanang patayin ang sinumang ipinaliligpit sa kanya ni Arman at ng kung sinumang Mr. Lee na ayon sa mga kasamahan niya ay siya daw pinakalider ng sindikatong ito na nasabitan niya. Saglit pa at kinalabit na niya ang gatilyo ng baril na hawak niya. Umalingawngaw ang tono ng kamatayan sa buong paligid. Kitang-kita niya kung paano lumusot sa sentido papunta sa bao ng ulo ng napakapiiring na dalagita ang balang itinanim niya dito. Wala nang buhay at duguang bumulagta sa sahig ang dalagita. Kahit patay na ay kakikitaan parin ng takot ang wala nang buhay nitong mukha.

"Good work, Punk! Buo talaga ang loob mo pagdating sa ganitong gawain!", masayang pagpuri pa ni Arman kay Punk habang tinatapik-tapik niya ang balikat nito.

Matapos mapatay ang bihag ay dinala nila ito sa Angono upang dito ay itapon. Si Punk ang naatasang magtapon sa bangkay ng bihag. Sa isang napasukal at napakatarik na bangin niya ito inihulog at itinapon. Bago itapon ay malungkot pang tinitigan at kinausap ni Punk ang bangkay.

"Pasensiya na, ne. Trabaho lang. Walang personalan.", si Punk na nagmala-Rudy Fernandez pa sa pelikulang "Markang Bungo" habang malungkot na kinakausap ang bangkay.

Matapos maitapon ang bangkay ay mabilis na sumakay si Punk sa van at nang makasakay na siya dito ay mabilis itong sumibad palayo. Habang papalayo ang van ay tinatanaw pa ni Punk ang bangin na pinagtapunan niya sa bangkay.

"Ganun lang kadali ang buhay kahit na ano pa ang estado mo. Sa isang kalabit ng gatilyo. Sa isang putok. Sa isang kisapmata. Agad itong mawawala bago mo pa mamalayan. Siguro ay ganito lang talaga kawalang kuwenta ang halaga ng buhay sa mundong ito  para sa karamihan. Kasi kung may pagpapahalaga sila sa buhay... Hindi sila magbabastusan. Hindi sila magsasakitan. Hindi sila magpapatayan..."

Half-Cooked (Ang Mga Pilipinong Hilaw)Where stories live. Discover now