Chapter 35:

73 0 0
                                    

Medyo malalim na ang gabi nang makauwi si Cristina sa kanilang bahay buhat sa tila kakaibang date nila ng minamahal niyang lalaking si Vincent. Pagdating niya sa kanilang bahay ay tila nakaramdam na naman siya ng kahugkagan at kalatakan. Batid niyang napakalaki ng kanilang bahay na para bang isang palasyo sa laki, pero parang walang anumang kaligayahan ang naghihintay dito para sa kanya. Nakita niya sa may malaking opisina sa may ibaba ng kanilang napakalaking bahay ang kanyang ama na tila abala na naman sa pakikipagpulong sa mga kasosyo sa negosyo. Sa pag-akyat naman niya sa itaas upang magtungo sa kanyang kuwarto ay napadaan pa siya sa kuwarto ng kanyang ama’t ina. Sa naturang kuwarto ay nasilip niya ang kanyang ina na tila ba ang lungkot-lungkot habang nakatingin sa kawalan. Madalas niyang makitang ganito ang kanyang ina mula pa nung siya ay bata. Pero tila wala siyang lakas ng loob na tanungin ito kung bakit ba ito nagkakaganito. Hindi naman kasi sila naging close ng kanyang ina kahit minsan. Paminsan-minsan lang sila kung magkabatian nito at kadalasan ay kung may mga pagpupulong lamang sa kanilang bahay. Para bang sa pakiwari niya ay isang estranghero ang kanyang ina na kahit na ito ay ina pa niya ay tila hindi niya kilala. Makaraan ang sandaling pagmamasid sa tila kay lungkot na ina ay tuluyan nang nagtungo si Cristina sa kanyang kuwarto.

Pagdating niya sa kanyang kuwarto ay agad siyang nahiga sa kay lambot niyang kama. Nang makahiga sa kama ay napatingin siya sa kesame at dito ay nagsimulang pangarapin ang kung anong magandang namamagitan sa kanila ni Vincent. Nangangarap siya na sana ay sila na lamang ni Vincent ang magkatuluyan. Na sana sa isang bahay, kahit pa nga sa isang squatter’s area, ay magsama sila at maging masaya. Sa kesame ay nakikita pa nga niya na sila ni Vincent ay magkakaroon ng dalawang anak. Isang lalaki at isang babae. Panganay ang lalaki na malaki ang pagkakahawig kay Vincent. Pangalawa at bunso naman ang babae na malaki naman ang pagkakawig sa kanya. Magkasama ay palalakihin nila ang kanilang mga anak na maayos at mabubuting tao sa lipunan kahit pa nga sa katotohanang sila ay dukha at mahirap lamang. Labis ding napapangiti at kilig na kilig pa nga si Cristina habang naiisip at naiimadyin na sila ni Vincent ay ikinakasal kahit pa nga ito ay sa kasalang-bayan lamang kung saan ay may isang daang magsing-irog ang kanilang kasabay na ikinakasal. Kitang-kita niya sa kanyang imahinasyon kung gaano kaguwapo si Vincent sa suot nitong barong Tagalog habang siya naman ay anong ganda sa suot na isang simpleng sayang puti. Kapwa nila anong saya habang pinapakinggan ang pagbabasa ng pari ng sakramento ng pag-iisang dibdib. Kapwa sila kinikilig at naluluha pa sa saya habang inuulit ang sinasabi ng pari na magsisilbi nilang pangako at commitment sa isa’t isa. At wala nang mapaglagyan pa ang kaligayahan sa kanilang mga puso matapos sabihin ng pari na puwede na nilang halikan ang isa’t isa at anong suyo at anong tamis ng kanilang unang halikan bilang mag-asawa. Parang lumilipad sa pinakamataas na ulap si Cristina habang naiisip at naiimadyin ang mga ganitong bagay sa pagitan nila ni Vincent. Pero ang tila pangangarap niya ng gising ay maantala nang bigla siyang makarinig ng sunud-sunod na pagkatok sa kanyang kuwarto.

Mula sa pagkakahiga sa kama ay tumayo si Cristina upang alamin kung sino ang kumakatok sa kanyang kuwarto at tila umiistorbo sa kanyang pangangarap ng gising. Naiirita ay binuksan niya ang pinto ng kanyang kuwarto at bigla ay tumambad sa kanya ang mukha ng kanyang malditang ate na si Mary.

“Ate!”, gulat na nasabi ni Cristina matapos mabatid na ang ate niyang si Mary ang kumakatok sa kanyang silid.

“Ang sabi ni Dean Canseco ay hindi ka raw pumasok kanina sa klase niya at sa iba pang mga klase mo na panggabi. Saan ka ba nagpunta?”, ang tila pag-uusisa at pag-iinterogate ni Mary kay Cristina.

Parang kinabahan naman si Cristina sa tanong na ito sa kanya ng kanyang ate. Sandali ay natigilan siya para mag-isip ng idadahilan. Alam niyang hindi niya maaring sabihin sa kanyang ate ang tungkol sa kanila ni Vincent dahil tiyak na isusumbong siya nito sa kanilang dominanteng ama na tila mainit ang dugo sa kanya. Kaya naman kailangan niyang mag-isip ng ibang idadahilan. Sandali ay nag-isip-isip siya at sa pag-iisip ay tila may maganda siyang naisip.

“A-e namasyal lang ako sa Glorietta, ate. Medyo wala kasi ako sa mood pumasok kanina e.”, tugon ni Cristina sa tanong ng ate na may bahid ng pagkukubli.

“Ah ganon ba? Himala! Ikaw na mula pa nung kinder ay sobra na ang sipag sa pag-aaral ay bigla ngayong maiisipang mag-cutting classes. Mukha yatang may dinadala kang mabigat na problema.”, si Mary na tila hinuhuli ang kapatid.

“Wala naman akong  problema, ate. Na-stress lang talaga siguro ako masyado sa mga lesson ko sa eskuwela.”, ang tila patuloy na pagpapalusot ni Cristina sa ate.

“Okay! Sabi mo e!”, si Mary na tila umayon na lang sa kapatid, pero pagdaka ay may kung anong ibinulong dito. “Pasasaan ba at malalaman ko rin kung ano itinatago mo, my dear sister! So better watch out!”, nakangiting bulong ni Mary kay Cristina.

Pagkasabi ni Mary nito ay umalis na siya sa kinalalagyan ni Cristina habang sumasaludo ng nakakalokong saludo sa nakababatang kapatid. Si Cristina naman ay naiwang napapaisip at kinakabahan.

“May alam kaya siya tungkol sa amin ni Vincent???”, ang kabang-kabang natatanong ni Cristina sa kawalan.

Half-Cooked (Ang Mga Pilipinong Hilaw)Where stories live. Discover now