Dear Pineapple,
Angas naman! Ako pa ba ang tinanong mo niyan? Syempre, matataas scores ko. Sabi mo nga 'di ba, matalino ako? Sa'yo kaya nanggaling 'yun.
Hindi kami aalis ng bansa ngayon. Bigla ba namang nagkaro'n ng diabetes nanay ko. Pero ayos lang naman siya. Kailangan lang i-monitor 'yung sugar niya. Si Ella, ayon, masungit pa rin as usual. Hindi naman siya masungit sa iba. Sa'kin lang talaga. Ganu'n yata kasi sobrang kulit ko 'pag siya ang kausap ko. Nagsasawa na siguro 'yun sa pagmumukha ko. May nararamdaman pa rin ako sa kaniya, pero salamat sa isang tao, medyo nakakamove on na rin ako.
"It's not how big the house is, it's how happy the home is."
Lagi kang magpapasalamat dahil kahit ganiyan ang sitwasyon ng pamilya niyo, wala pa ring sumusuko at pare-pareho pa rin kayong nagmamahalan.
Aksidenteng sanggol lang ako, Pineapple. Kung sasabihin ko sa'yong masaya kami ng single kong ina, kung sasabihin ko sa'yong nagmamahalan kami parati, e pagsisinungaling na 'yun. Para lang kaming magtropang palaging nag-aaway. Ang tunay na tumayong mga magulang ko ay ang lolo't lola ko. Lasinggera ang nanay ko noon. Syempre, bata pa siya nang ipanganak ako e, kaya sa kamay nila ako napunta. Dahil sa kanila, matino akong napalaki. 'Wag mo 'kong kaawaan, kahit ganito kami ni Melanie, mapalad pa rin ako.
Love,
Wes