Lester’s POV
Hanggang ngayo’y nasa library pa rin ako, gumagawa ng research papers.
Hindi ko alam kung bakit ganito ‘yong pakiramdam ko, e. Bakit pakiramdam ko, minsan nang nagkasama si Grace at si Kai? Hindi ko alam kung paano ko ipaliliwanag.
Habang nasa kalagitnaan ako ng pagbabasa, nag-vibrate ang phone ko. Agad ko naman itong tinignan, isang numero lang ang nakalagay dito.
Binuksan ko ang message, isang video ang laman nito. Nagulat ako nang makita ko si Grace at Kai na parehong nakatayo’t magkayakap. Nang pindutin ko ang video, narinig ko ang pagsigaw ni Grace habang humahagulgol.
“Hindi nga ikaw sabi si Kkamjong! Hindi ikaw ‘yong Kim Jongin na nakilala ko noong 8 years old pa lang ako! Wala na siya, wala na ‘yong kababata ko! Matagal na siyang nasa langit! Huwag ka nang magpangg—” Hindi na natapos ni Grace and dapat niyang sabihin, dali-dali itong lumabas.
Ako mismo ang nasasaktan para kay Grace. Noong mapanood ko ang video, nadurog ang puso ko. Hindi dahil sa mga yakapan o kahit ano pa man, dahil iyon sa isang naputol na pagkakaibigan. Ni hindi ko man lang alam na ganoon pala ang pinagdaanan nilang dalawa.
* * *
Beatrice’s POV
Hindi ko alam kung saan nagpunta si Grace, mabilis itong tumakbo palayo dahil sa mga narinig niyang rebelasyon kanina. Kung labis ang aming pagkagulat, papaano pa kaya siya, hindi ba?
Nagawa na naming mapadpad hanggang sa main gate ng campus, pero ni anino ni Grace ay hindi namin mahanap. Sinubukan namin itong tawagan, ang resulta? Nakapatay ang phone niya.
Grace, pinapakaba mo kami. Paano kung ikaw na naman ‘tong puntiryahin ng killer?
“Gwyneth, sa tingin ko, mas magiging mabilis ang paghahanap kung maghihiwalay tayo. Magka-iba tayo ng direksyong kailangang puntahan.” Tumango naman si Gwyneth sa mga panutong ibinigay ko.
“Grace, nasaan ka na b—” Hindi ko na alam ang mga sumunod pang pangyayari, ang alam ko lang ay mayroong itinusok sa balikat ko’t nagdilim na ang buong paligid.
* * *
Gwyneth’s POV
30 Minutes na akong paikot-ikot, pero ‘di ko pa rin namamataan si Grace. Ilang beses ko nang tinignan ang phone ko, ni isang tawag kay Grace, wala. Message mula kay Beatrice, blanko.
Siguro’y abala lang si Beatrice sa paghahanap kay Grace. Ilang messages na ang isinend ko rito, ngunit wala akong reply na natatanggap.
Maya-maya pa’y mayroong biglang humila sa akin, at tuluyang tinakpan ang bibig ko. Sa palagay ko’y wala itong pampatulog, nilagay lamang ang panyo upang hindi ako magawa ng anumang klase ng ingay.
Sinubukan kong magpumiglas, pero masyado itong malakas kumpara sa akin. Dinala niya ako sa isang madilim na kuwarto, ngunit mayroong isang halos mapundi nang bumbilya na nagsisilbi bilang aming liwanag.
Nagsimula na siya sa pagtatali ng aking mga kamay at paa. Sinampal pa ako nito ng pagkalakas-lakas na naging dahilan para mahulog ako sa sahig.
“Gwyneth!” Nilingon ko kung saan nanggaling ang sigaw na iyon.
“Beatrice! Grace!” Si Beatrice, nakatali ang paa’t kamay. Si Grace nama’y walang malay at mayroong busal sa bibig.

BINABASA MO ANG
The Death Section : 10-D
Mystère / Thriller[COMPLETED] "Almost Perfect" nga kung maituturing ang mga estudyanteng napabibilang sa 10-D, ngunit ang mismong seksyon? Sa hindi mawaring kadahilanan, ang mga buhay ay isa-isang naglalaho. Sino nga ba ang nagkukubli sa likod ng mapaglarong maskara...