MR. GHOST OR MR. REAL?
By: TrenzEbor
Chapter 32
"Yuls!" Dumagundong ang boses ni Vince sa buong opisina ng kaibigan. Hindi na kasi nya matagalan ang pagiging aligaga ng kaibigan. Marahas na napabuntong hininga si Yuls at hinarap si Vince. "Kalma lang! Ano bang nangyayari? Ganyan ka na dun palang sa mga Alcarante. Pagdating dito, hindi kana magkandatuto sa pagdutdot d'yan sa mga computers mo! Pag-usapan muna natin yan!"
"Vince..."
"Ano?" Mataas padin ang boses ng prinsepe ng Chimeria. Alam nya kasing may hindi magandang nangyayari. "Gusto kong malaman lahat!"
"Naramdaman ko ang kapangyarihan ni Zafiro sa bahay na yon..."
"Sana sinabi mo agad nang naharap natin sya!"
"Kasanib ng pwersang iyon ang kapangyarihan ni Meree."
Hindi agad naapuhap ni Vince ang kanyang boses. Naiintindihan na ngayon ni Vince ang ikinatatakot ng kaibigan. Isa lang ang ibig sabihin nun. Maaaring napatay na ni Zafiro si Meree.
"B-buhay pa si Meree..." Napalingon ang dalawa kay Rai na biglang sumulpot. Agad nila itong dinaluhan ng bumagsak ito sa sahig.
"Rai, anong nangyari? Napalaban ka pala bakit hindi ka humingi ng tulong?" Galit na tanong ni Vince.
Samantala, iba ang concern ni Yuls. "Anong ibig mong sabihin?"
"Walanya ka Yuls, hindi na nga makatayo 'tong isang ito, uunahin mo pa yan?" Galit na baling ni Vince kay Yuls.
"Mamamatay din tayong lahat kapag tuluyang maangkin ni Zafiro ang kapangyarihan ni Meree!" Sigaw ni Yuls.
"Tumigil kayo. Ngayon pa kayo mag-aaway?" Sita ni Rai. Pinilit nitong tumayo. Tangkang aalalay ang dalawa. Sumenyas sya ng 'wag na'. "Ayos lang ako. Hindi ko lang napaghandaan ang pag-atake ni Trenz. At natalo ako ng aking emosyon."
"Nagpang-abot kayo ni Trenz?" Hindi makapaniwalang tanong ni Yuls.
"Lintek na yon! Igaganti kita --"
"Vince --" Sansala ni Rai sa kaibigan. "Taglay ni Trenz ang kapangyarihan ni Zafiro... at Meree."
"Paanong nangyari yon?" Halos pabulong iyon mula kay Yuls.
"Sinasabi ko na. Ano pa ba ang aasahan natin? Saan pa sya kakampi kundi sa kauri nya! Sa pamilya nya." Nangangalit na saad ni Vince.
"Rai, si Meree? Nasaan si Meree?" Kinakabahang tanong ni Yuls.
"Hanapin mo sya. Sa lalong madaling panahon, kailangan syang makita."
"Okay. Gagawin ko yan." Bumaling si Yuls kay Vince. "Papuntahin mo si Emman. Kailangan natin sya. Magiging abala ako sa paghahanap kay Meree."
"Areglado." Saad ni Vince na agad nagpalit anyo. Naging maliit na bola ito umiikot ng pagkabilis bilis, ang mabilis na pag-ikot na iyon ay naglikha ng priksyon. Nagliwanag ito kasabay ng paglaho.
"Rai, magpahinga ka muna sa nakalaang kwarto para sayo. Hindi mo pa ata iyon nagagamit." Suhestiyon ni Yuls na ang tinutukoy ay ang nakalaang kwarto para sa mga myembro ng kanilang organisasyon. Tinanguan sya ni Rai na piniling hindi na muna gumamit ng kapangyarihan kaya nagkasya sya sa paglalakad palabas.
Pagkalabas ng kaibigan ay agad na humarap si Yuls sa kanyang mga computers upang hanapin ang aura ni Meree.
Hindi birong oras ang iginugol niya sa paghahanap. Ika nga, kapag may tyaga, may nilaga. Napatayo syang nagliliwanag ang mga mata nang sa wakas ay matagpuan nya ang kakarampot na aura ni Meree. Malabo ang dating ng kulay berdeng ilaw sa isang bahagi ng computer. Patunay na hindi basta basta matatagpuan ang ganung kahinang aura kung hindi sa masusing nyang pagkalkula.
Nagpipindot pa s'ya sandali nang nakayuko bago tumayo ng tuwid at naglaho.
Hindi nagtagal ay sumulpot s'ya sa isang lugar na pamilyar sa kanya. Ang dating bahay ni Meree.
Ang kaibahan lang ngayon ay nababalot ang buong paligid ng napakalakas na itim na kapangyarihan. Alam na n'ya ngayon kung bakit hindi niya agad nahanap si Meree. Inilibot nya ang mata sa buong paligid. Natanaw nya ang isang bukas na bintana. Walang pagdadalawang isip na nilapitan nya ito. Na-curious kasi sya kung ano ang nasa labas. Upang mapaatras lang dahil tila nalula siya sa walang hanggang kadilimang natanaw.
"Y-Yuls..." Alanganing tawag ni Meree na ikinalingon niya.
"Yuls." Bulalas ng dalaga nang makasiguro. Pasugod nyang niyakap ang bagong dating.
"Meree, madami akong gustong malaman pero uunahin ko munang maialis ka dito." Saad niya habang hinahagod ang likod ng dalaga na umiiyak na sa kanyang balikat."Hindi maganda ang pakiramdam ko sa lugar na ito."
Kumalas si Meree at hinarap nya ang kaibigan. "Yuls, si Tranz ang iligtas mo. Kayong dalawa ang kailangang umalis na dito." Lumuluhang sabi nito.
"Andito si Tranz?" Gulat na tanong niya. Tumango ang dalaga, kasunod ay ang pagtalikod nito. Tinahak ang direksyon ng kwarto na pinagdalhan kay Tranz. Sumunod siya dito.
Bumulaga sa kanya ang nakahigang si Tranz. Hindi niya alam kung ano ang magiging reaksyon o mararamdaman para sa nakahigang kaibigan. Nakadilat ito subalit pirming nakatitig lang sa isang direksyon, hindi man lang kumukurap. Ang mas nakagigimbal pa ay ang itsura nito. Halos naaagnas na ang katawan. Lalo na sa parteng pisngi at leeg. Maging ang mga braso nito. Humuhulas na ang mga laman. Ang masaklap pa, iba't ibang insekto na ang namamahay sa katawan ni Tranz. Nagmistulang bangkay na literal na inuuod na ito, lamang ay hindi pa nakabaon sa lupa. Hindi alam ng dalawa kung dapat ba nilang ipagpasalamat na humihinga pa ito, bagama't nahihirapan na. Buhay na patay ang maitatawag kay Tranz.
"A-anong nangyari?" Baling nya kay Meree. Bakas naman sa mukha ng dalaga ang labis na pagkabigla. Pasugod s'yang lumapit kay Tranz. Hindi magkandatuto kung paano n'ya hahawakan ito. "H-hindi sya ganito kanina."
"Aalis tayo dito!" Determinadong saad ni Yuls.
"Mauna na kayo. Importanteng maialis muna si Tranz dito. Baka dahil sa kapangyarihang nakapalibot dito ang ipinagkaganyan nya. Yuls, uubusin tayong lahat ni Trenz. Nakaisip na ako ng paraan para hindi sya magtagumpay."
"Ano? Paano? A-alam na naming wala ka nang kapangyarihan --"
"Pero nakatanim pa sa puso ko ang hiyas na kailangan nila. At dahil sa pagtibok ng puso ko, nananatiling buo ang hiyas."
"Hindi mo binabalak na kitlin ang sarili mong buhay Meree!"
"Nasa kanila man ang lahat ng kapangyarihan, hindi nila masasakop ang Eternalandia kapag wala ang hiyas na ito."
"Hindi Meree!"
"Umalis na kayo, please Yuls."
"Aalis kaming kasama ka!"
---
"Carolina!"
Halos mapatid ang litid sa leeg ni Trenz kung makatawag. Nakatayo sya sa gitna ng sala ng kanyang bahay. Nakatingala sa direksyon ng hagdan. "Carolina!"
Nagkukumahog naman sa pagbaba si Lin. Natataranta, dahil na din sa paraan ng pagtawag sa kanya.
"M-may problema ba?" Kinakabahang tanong ni Lin habang palapit sa binata.
Malalaking hakbang naman ang ginawa ni Trenz upang salubungin ang dalaga. Pagkuwa'y marahas na hinaklit ito sa braso ng makalapit.
"Sumira ka sa usapan natin!" Mariing pahayag ni Trenz.
"A-anong s-sinasabi mo? W-wala akong alam T-Trenz." Halos pabulong na usal ni Lin. Bakas ang pagkatakot.
Kung tutuusin, maaaring lumaban si Carolina. Bagama't tinalikuran n'ya ang pagiging babaylan at hindi naisalin ang marapat na kapangyarihang nakalaan sa kanya. May taglay pa din s'ya na maaaring magamit para ipangtanggol sa kanyang sarili. Gatuldok iyon kung ikukumpara sa kapangyarihan ni Trenz pero s'ya 'yung tipong nananaising mamatay nang lumalaban. Ngunit, dahil sa sitwasyon ngayon. Wala s'yang magawa kundi ang magpahinuhod sa kaharap na inaakala n'ya noong magtatanggol sa kanilang lahat.
"May nakatunton kina Meree!"
"W-wala akong alam. W-wala akong p-pinagsabihan. T-Trenz, n-nasasaktan ako."
Hindi na sumagot pa si Trenz. Kasama si Carolina ay naglaho sila.
Nalugmok ang huli ng bitawan sya ng binata nang sumulpot sila sa kinaroroonan ni Meree.
Agad ding tinahak ni Trenz ang kwarto ng dalaga. Wala ito doon kaya ang kwarto naman ni Tranz ang isinunod nya. Naningkit ang kanyang mga mata ng wala din syang madatnan sa kwarto.
Mabilis ang mga hakbang na binalikan nya si Carolina. Napamura sya ng matuklasang wala na doon ang dalaga. Sinubukan nyang hanapin ang tatlo sa buong bahay pero bigo s'yang matagpuan ang mga ito.
---
"Mahina si Trenz. Natakasan s'ya!" Bulalas ni Silhuweto.
Sa pamamagitan pa rin ng pagpasok ni Zafiro sa isip ni Carolina, nalalaman nya ang bawat pag-usad ng mga plano ni Trenz. Katulad ng kasalukuyang nangyayari. Magkakasama si Meree, Carolina at Yuls na pasan si Tranz. Walang humpay ang ginagawang lakad takbo ng mga ito sa walang katapusang kadiliman. Sa kagustuhan makatakas, kahit walang kasiguraduhan ang tinatahak ay patuloy pa din ang mga ito."
"Sa palagay mo, makakatakas sila?" Tanong ni Zafiro.
"Ayan nga at nakatakas na sila." Tugon ni Silhuweto.
"Sigurado ka? Malalaman natin kung tama ang sapantaha mo."
---
"Huminto muna tayo!" Mungkahi ni Carolina na may kasamang pakiusap.
"Pero Lin, alam mong kapag nahuli tayo ni Trenz. Katapusan na natin." Saad naman ni Meree.
Pero tila hindi sya narinig ng kaibigan. Lumapit ito kay Yuls.
"Ibaba mo si Tranz." Utos nito.
"Pero --" Tutol pa sana si Yuls ngunit mapilit si Carolina.
"Ibaba mo sya, pakiusap." Umiiyak at pagmamakaawa nito. Dahilan para sundin ito ni Yuls. Puno ng pag-iingat, ibinaba nya si Tranz. Hindi na nya alintana ang mga insekto kumapit na sa kanyang damit, maging sa kanyang katawan. Halos balewala na sa binata nang pagpagin nya ito.
Umupo si Carolina. "Tumakas na kayong dalawa. Ako nang bahala kay Tranz." Deklara ni Carolina. Ang mga mata ay hindi inaalis sa minamahal.
"Lin, magkakasama tayong aalis." Umiiyak na ding pahayag ni Meree. Umupo din ito sa harap ng kaibigan.
Hinarap s'ya nito. "Meree, iligtas n'yo ang inyong sarili. Sagabal sa pagtakas natin si Tranz. At isa pa, hindi ko na kayang tingnan ang paghihirap nya. Dito na lang kami. Susubukan ko ang kapangyarihan ko sa kanya. At kung mahuli kami... mas gugustuhin kong mamatay ng kasama sya." Pahayag ni Lin. Maging si Tranz na sisigok sigok na ay halata ang pagsang-ayon.
Napapikit ng mariin si Meree. Pagkadilat ay tiningala si Yuls, pagkuwa'y bumaling kay Carolina. "Hindi ko maaatim na iwan kayo! Kaya kung nagpasya kayong manatili. Ganun din ako."
"Mananatili tayong lahat." Segunda naman ni Yuls na umupo na din.
"Simulan mo na syang gamutin Lin." Untag ni Meree sa halos natulalang kaibigan. Na bagama't walang tigil ang pagbukal ng luha ay umaliwalas ang mukha dahil hindi sila iniwan ng dalawa.
"Oo... Oo..." Tatango tango pang sabi ni Lin. Hinarap si Tranz. Itinapat sa ibabaw nito ang dalawang palad na nakalahad.
Nabigla nalang ang magkakaibigan ng may malakas na pwersang humila sa kanila. Hindi nila ito napaglabanan. Wala silang nagawa ng tuluyan silang tangayin. Pabalik -- sa pinanggalingan nila.
---
Napapailing si Trenz na tinahak ang pinto. Napangisi s'ya nang hawakan ang seradura. Pagkaraan ay napapasipol pa syang binuksan ito.
At sa isang iglap, nasa sala na ng bahay ang apat. Hinigop sila ng pwersang nagmumula sa bahay nang walang kahirap hirap.
"Mas madali akong kausap kaysa takasan?" Nakangisi pang tanong ni Trenz. "Pinadali nyo lang ang buhay nyo..."
BINABASA MO ANG
Mr. Ghost or Mr.Real ? [COMPLETED]
ParanormalTo trust is WHO ?? To love is WHO ?? To help is WHO ?? Paano nila alamin kung ano nga ba ang katotohanan sa bawat hiwagang kanilang natutuklasan..