A Brother's Love (Bromance) CHAPTER 25
KEN's POV
Lalabas na sana ako ng bahay nang kausapin ako ni Papa. "Anak, bago ka umalis may sasabihin lang ako." Sabi niya. Lumapit ako sa kanya at seryosong nakatingin sa kanyang mukha. "Anak. Ayaw kong nakikita kang nasasaktan..." pambibitin niya. "Papa, ano bang ibig mong sabihin?" Tanong ko. "Kailangan mong ipaglaban si Andrei. Kailangan mong ipaglaban ang nararamdaman mo para sa kanya." Nandilat naman ang mata ko sa aking narinig mula sa kanya pero bigla akong napayuko. Mahal ko nga si Andrei pero natatakot akong ipaglaban kung ano man ang nararamdaman ko para sa kanya dahil alam kong sa huli... ako ang talo! "Hindi na siguro Papa. Okay na sakin na alam niyang mahal ko siya." Sabi ko. Humawak siya sa braso ko. "Mali. Lahat ng pag-ibig ay dapat ipinaglalaban. Paano mo malalaman kung mahal ka din niya kung hindi mo siya tatanungin? Wala namang masama kung susubukan mo." Napatingin ako kay Papa at napaisip sa kanyang sinabi. "Pag-isipan mong mabuti anak. Ang masaktan, parte lang yan dahil nagmahal ka. Lilipas din yan." Napangiti ako sa sinabing yun ni Papa. Niyakap ko siya ng mahigpit. Kahit kailan talaga ay hindi siya bumitiw para palakasin ang loob ko. Palagi siyang nandiyan para suportahan ako. Napaka-suwerte ko talaga sa kanya. "Salamat Papa." Sabi ko. Tinapik-tapik naman niya ang aking likuran. "Mag-iingat ka pagpasok mo. Mag-aral ka ng mabuti." Ngumiti at tumango lang ako. Pagkatapos kong makapag-paalam ay lumabas na ako ng bahay.
-
Pagpasok ko sa classroom ay nakita ko si Andrei sa may upuan habang nakatulala. Malalim ang kanyang iniisip. "Pare." Nilingon niya ako at ngiti lang ang tugon niya. Umupo ako sa katabing upuang inuupuan niya. "Mukhang malalim ang iniisip mo." Sabi ko tapos tumango lang siya. "Andrei..." ilang minuto niya akong hindi pinansin pero maya-maya'y tumingin siya sa akin. "May sasabihin ka ba?" Tanong niya. Bigla kong hinawakan ang kanyang kamay. Nagulat pa siya nang gawin ko yon pero hindi na ako dapat mahiya sa pagkakataong ito. "Ken..." sabi niya pagkatapos ay inalis niya ang kamay ko sa pagkakahawak sa kamay niya. "Andrei, may sasabihin pala ako sayo. May gusto lang akong malaman." Seryoso kong sabi sa kanya. "Sige Pare. Ano bang sasabihin mo sa akin?" tanong niya. Ito na ba ang tamang pagkakataon para itanong sa kanya ang bagay na dapat kong malaman. "K-Kasi..." "Goodmorning class!" hindi ko na naituloy pa ang sasabihin ko nang biglang dumating ang aming first subject teacher. "Goodmorning Sir." Sabay-sabay kaming tumayo. Pagkatapos namin siyang batiin ay umupo na kami. "Hoy." Bigla akong siniko ni Andrei. "Ano 'yun?" Mahina kong tanong sa kanya. "Ano yung sasabihin mo sa akin kanina?" Medyo napalakas ang pagkaka-sabi nun ni Andrei kaya narinig iyon ng aming teacher. "Mr. Dela Paz. Please keep quit!" Sigaw sa kanya ng aming teacher. "Sorry Sir." Sabi niya. Pinipigilan ko na lamang ang aking pagtawa dahil sa pangyayaring iyon. Habang nagtuturo ang aming teacher ay wala paring tigil si Andrei sa pangungulit sa akin. May iniabot siyang papel sa akin. Napatingin ako sa kanya pero ngumiti lang siya. Nang basahin ko ang nakasulat sa papel... "Sa papel mo na lang isulat ang gusto mong sabihin sa akin." Tumingin muli ako sa kanya. Kaya ko bang itanong sa kanya ang bagay na 'yun? Parang mahirap dahil kapag hindi ko nagustuhan ang kanyang isasagot ay siguradong masasaktan lang ako. Kumuha din ako ng papel at isinulat ko doon na mamayang gabi ko na lamang sasabihin sa kanya pagpunta ko sa kanilang bahay. Pag-abot ko sa kanya ng papel ay nakita ako ng aming teacher. "Andrei at Ken. Please stand up!" Nabigla pa kaming dalawa pero wala na kaming nagawa. "Kanina pa kayo hindi nakikinig sa itinuturo ko. Lumabas muna kayo sa klase at nakaka-istorbo kayong dalawa!" Sigaw sa amin ng teacher. Pinagtinginan kaming lumabas ng aming mga kaklase habang nakayuko dahil sa kahihiyan. "Ikaw kasi Pare, ayaw mo pang sabihin." Pagkatapos niyang sabihin yun ay tumawa siya ng malakas. "Ang kulit mo din kasi. Mamaya nalang gabi, pupunta naman ako sa bahay niyo." Sabi ko habang naglalakad kami papuntang gym. "Pero seryoso nga Ken. Ano ba talaga yun?" Napatigil ako sa paglalakad at tumingin sa kanya. "Andrei. Gusto ko lang malaman kung may nararamdaman ka rin sa akin." Napaatras pa siya sa pagkabigla nang marinig yun. "Ken..." hinawakan ko ang kamay niya. "Andrei, gusto ko lang naman malaman. Ayaw ko kasing umasa." Sabi ko sa kanya. "Mahalaga ka sa akin Ken pero..." napayuko ako sa kanyang sinabi. Sinasabi ko na nga ba. Nararamdaman kong wala talagang pagtingin sa akin si Andrei. Hanggang kaibigan lang talaga ang kaya niyang ibigay, napakasakit! "Kaibigan kita kaya ayaw kong masaktan ka. Gusto kong maging totoo sayo. Hanggang magkaibigan lang talaga ang kaya kong ibigay." Halos madurog ang puso ko sa kanyang sinabi. Binitiwan ko ang kanyang kamay. "Salamat Andrei dahil naging honest ka." Sabi ko sa kanya pero gusto ko nang umiyak sa harap niya pero pinipigilan ko ang sarili ko. "Wala namang magbabago diba? Ayaw kong pagkatapos nito ay lumayo ang loob mo sa akin. Ken. Hindi ko rin kakayanin kapag wala ka kasi mahalaga ka sa buhay ko." Masarap pakinggan ang mga salitang binitawan niya pero mas masarap pakinggan kung may nararamdaman din siya sa akin. "Oo Andrei. Tanggap ko na talaga. Atleast ngayon nalaman ko na." nginitian ko siya. Ngiting pilit. Kung mahina lang ang loob ko ay kanina pa ako umiyak sa harap niya pero nilalakasan ko ang loob ko dahil ayaw kong maging mahina. Ayaw kong magpa-apekto masyado dahil ako na naman ang talo. "Ngumiti ka na Ken. Mas magandang maging magkaibigan nalang tayo. Tingnan mo ngayon, hindi tayo nag-aaway, walang problema. Ayaw ko naman na balang-araw masasaktan ko ang damdamin mo kaya mas pinili kong maging magkaibigan nalang tayo." Paliwanag niya sa akin. "Naiintindihan ko Andrei." Tinapik ko ang braso niya. "Punta muna ako sa banyo, biglang sumakit ang tiyan ko." pagkatapos kong sabihin yun ay mabilis akong tumakbo palayo sa kanya. Gustong sumabog ng puso ko sa sobrang sakit nang nararamdaman ko. Pinilit kong maging maayos sa harapan ni Andrei, gusto kong mapaniwala siya na tanggap kong hanggang magkaibigan lang talaga kami pero hindi ko pala kaya. Sobrang sakit! Hindi ko alam kung saan ako dadalhin ng mga paa ko habang tumatakbo palabas ng school. Wala na akong pakialam kung saan man ako mapunta basta gusto kong mapag-isa. Hindi ko kayang makita si Andrei dahil nasasaktan ang puso ko. Gusto ko munang lumayo at makapag-isip. Napatigil ako sa pagtakbo nang biglang tumunog ang aking cellphone. Pagkakita ko ay si Andrei ang tumatawag. "Hello Ken. Saan ka nagpunta? Wala ka naman dito sa banyo?" Sabi niya. "Andrei. Biglang sumama yung pakiramdam ko. Umuwi na lang ako." Pagdadahilan ko sa kanya. "Sigurado ka ba? Dapat nagpaalam ka muna sa akin para nasamahan kita." Sabi niya. "Kaya ko naman. Yung gamit ko pakibantayan nalang. Sige, ibababa ko na." End of call. Napaupo ako sa may gilid nang kalsada at napayuko. Sa pagkakataong iyon ay hindi na napigilang tumulo ng aking mga luha sa sobrang bigat at sakit ng nararamdaman ko. Hinayaan ko lang ang sariling umiyak at ilabas yung nararamdaman ko. Wala na akong pakialam sa nangyayari sa paligid ko. Rejection. Isa sa pinaka-masakit na pangyayari sa buhay ko. Mabuti na ring nalaman ko na wala siyang nararamdaman sa akin. Hindi ako magagalit, hindi ako magtatampo at magdaramdam dahil hindi ko naman pwedeng ipilit ang sarili ko sa kanya. Maya-maya'y pinunasan ko na ang luha sa aking pisngi. Pagka-tingala ko ay may nakita akong kamay na may hawak na panyo. "Kunin mo ang panyo. Kanina pa kita nakikitang umiiyak diyan." Nagsalita siya. Kinuha ko ang panyo at tumayo na. "Salamat." Sabi ko habang pinupunasan ang luha sa aking pisngi. "Ikaw si Ken Domingo diba?" Pagtingin ko sa kanya ay doon ko lamang nakita ang kanyang mukha. "Oo, bakit mo ako kilala?" taka kong tanong. Ngumiti din siya. May epektong dulot ang ginawa niyang pag-ngiti sa akin. May kakaiba akong naramdaman sa kanya. May kakaiba sa kanya, nasisigurado ko iyon.
BINABASA MO ANG
A Brother's Love (Bromance) ~°Completed°~
General FictionAn original work of Cris Morata posted in M2M Love Story facebook page. Published on wattpad by Shin Eun Ki. This is a work of fiction. Names, characters, places and incidents are product of the author's imagination, or, it real are used fictitiousl...