A Brother's Love (Bromance) CHAPTER 2
Papasok na sana ako sa loob nang biglang may tumawag sa pangalan ko. "Andrei." Hindi ko siya nilingon dahil kilala ko kung kanino ang boses na 'yun. "Bestfriend, mag-usap naman tayo." Sabi niya ulit. Doon ay nilingon ko na siya. "Bestfriend? Gago ka ba, wala akong bestfriend na ahas!" Sigaw ko sa kanya. Halo-halo na ang emosyon na nararamdaman ko. Sa pagkamatay ni Mama, sa pagtataksil nina Trixie at Jonas tapos dumating pa sa bahay si Papa kasama nang bago niyang pamilya! Hindi ko na alam ang gagawin ko! "Pinagsisisihan ko 'yun. Lalaki lang din ako, Andrei. Natukso lang ako." Paliwanag niya. Gusto ko siyang suntukin at bugbugin ngayon pero pinipigilan ko ang sarili ko. "Oo alam ko yun. Pero bakit siya pa... bakit si Trixie pa na girlfriend ko? Porket sikat ka sa school, ganyan kana. Alam ko namang nakukuha mo lahat pero sana... hindi yung girlfriend ko!" Galit na galit kong sabi sa kanya. Kaya ako ganito dahil sobrang bigat na ng nararamdaman ko. Galit ako sa mundo at bakit ginaganito ako. Hinding-hindi nila malalaman ang tunay na bigat at sakit na nasa puso ko. "Ayaw ko na nagkakaganito tayo. Bestfriend." Lumapit siya sa akin pero itinulak ko siya. "Inisip mo sana yun bago niyo ako pagtaksilan. Alam mo Jonas, tinuring na kitang kapatid. Sayang dahil sinayang mo lang. Umalis kana dahil wala na akong pakialam sa inyo." Pagkatapos kong sabihin 'yun ay pumasok na ako sa loob pero nagulat ako nang makita ko si Christian. Nagkatinginan kami sa mata. Narinig niya kaya ang pag-uusap namin ni Jonas? Ano bang pakialam niya kung malaman man niya! Pumasok na ako sa loob at nakahanda na ang pagkain. Nakaupo na si Papa katabi ang kabit niya. Ako naman ay umupo kaharap sila. "Andrei, alam kong galit ka sa akin pero sana..." hindi pa man naitutuloy ni Papa ang pagsasalita nang bigla akong sumingit. "Alam mo naman pala Papa. Wag na lang kayong magsalita." Sabi ko pagkatapos ay dumating si Christian at umupo sa tabi ko. "Andrei, nakapag-usap na ba kayo ng anak ko... ng kapatid mo." Tiningnan ko siya ng masama pagkatapos ay sumunod si Christian. "Mama, mukhang mainit ang ulo ni Andrei, kumain na lang po tayo." Narinig kong sabi niya. Lalagyan ko na sana nang kanin ang aking plato nang biglang kunin ni Christian ang lagayan nito at siya na ang sumandok at nilagyan ng kanin ang plato ko. "Ako na." Inagaw ko sa kanya pero patuloy parin siya sa paglalagay. "Ano ba? Hindi mo ba ako narinig?" Nagdabog ako na ikinagulat nilang lahat. Ang ayaw na ayaw ko ay yung hindi marunong umintindi! "Andrei." Pinandilatan ako ng mata ni Papa. "Papa, wag niyo na pong pagalitan si Andrei. Kasalanan ko naman po." Sabi niya. "Kung hindi mo sila kayang tanggapin, sana man lang anak... i-respeto mo sila." Sabi ni Papa. "Bakit Pa? Ako ba, nirespeto mo yung nararamdaman ko? Dinala mo dito yung ibang pamilya mo na dahilan ng pagkamatay ni Mama. Hindi mo ba alam kung gaano kasakit sakin 'to?" Pagkatapos kong sabihin iyon ay tinalikuran ko sila. Kulang pa ang lahat ng mga dapat kong sabihin kay Papa. Hindi ko pa siya kayang patawarin sa ngayon.
-
Dumiretso ako sa bahay nila Ken. Tinawagan ko sila para maglabas ng sama ng loob. Silang dalawa lang ang pinagkakatiwalaan ko kaya naihahayag ko sa kanila ang bigat at sakit na nararamdaman ko. "Pare, anong plano mo?" Tanong ni Ken habang nakaupo kami sa sala. "Hindi ko alam Ken. Hindi naman ako pwedeng umalis ng bahay, wala akong matitirhan at hindi ako papayag na angkinin ng bagong pamilya ni Papa ang bahay na pinangarap ni Mama." Sabi ko sa kanya. "May kalaban ka pa niyan sa mana pag nagkataon." Napatingin ako sa kanyang sinabi. May punto siya pero... "Wala naman akong pakialam sa mana. Pero hindi ako papayag na mapupunta sa kanila ang lahat ng para sa akin." Sabi ko. "Ano, ready na ba kayo? Inom na tayo." Dumating si Miggy na may dalang alak at pulutan. Ganito lang ako maglabas ng sama ng loob. Alak lang ang katapat dahil sa pag-iinom ng alak, parang nawawala ang problema ko, nawawala ang iniisip at sakit na nararamdaman ko. "Kumusta naman ang kapatid mo?" Tanong ni Miggy. "Matangkad ako sa kanya, magkasing-edad lang yata kami. Ganun katagal sinaktan ni Papa si Mama." Sabi ko sa kanila. "Lalaki diba? Naku, parang hindi kayo magkakasundo nun." Sabi ni Ken. Hindi ko na iisipin kung magkakasundo kami o hindi. Hindi ko na lamang sila papansinin at iisipin ko na lang na wala sila sa bahay. "Alam niyo bang pumunta ang gago kong bestfriend sa bahay kanina at humihingi ng sorry." Sabi ko sa kanila. "Naku, dapat dun binubugbog. Traydor eh" sabi ni Miggy. Kung sa akin lang ay hindi na kailangan, hindi na dapat patulan ang mga walang kwentang mga taong nanloko. "Wala na ba talaga kayong pag-asa ni Trixie?" Tanong sa akin ni Ken. Napaisip ako bigla. Inaamin ko na minahal ko si Trixie pero dahil nakagawa siya ng kasalanan, patatawarin ko siya pero hindi ibig sabihin nun na babalik na sa dati ang lahat, sinira na niya ang tiwala ko. "Hindi na. Magsama na lang sila nang magaling kong bestfriend." Sagot ko sa kanya.
---
CHRISTIAN's POV
Simula nang pagtuntong namin sa bahay ng aking Papa ay hindi na naging maganda ang pagtrato ni Andrei sa amin ni Mama. Hindi ko naman siya masisisi. Alam kong galit siya sa amin dahil kami ang sinisisi niya sa pagpapakamatay ng kanyang Ina. Lumabas ako ng bahay, gusto kong magpahangin. Aabangan ko na rin ang pag-uwi ni Andrei. Kanina pa si Papa nag-aalala... pati ako. Kumain na kaya siya? Saan kaya siya nagpunta? Kabaliktaran ng ugali ni Andrei ang ugali ko. Masungit, suplado, laging galit... iyon ang ipinapakita niya sa amin. Iniintindi ko na lang siya, wala naman akong magagawa, malalim ang kanyang pinaghuhugutan. Mula sa pagpapakamatay ng kanyang Ina at sa pagtraydor ng kanyang kaibigan. Aksidente kong napakinggan ang kanilang pag-uusap ng kanyang matalik na kaibigan kanina. Mas lalo kong naintindihan ang kanyang sitwasyon. "Anak." Nilingon ko si Mama na may dalang baso ng gatas. "Inumin mo bago ka matulog." kinuha ko ang baso sa kanya. "Ma, tama ba 'tong ginagawa natin?" Nagulat naman siya sa tanong ko. "What do you mean, Christian?" Balik niyang tanong sa akin. "Kung bumalik na lang kaya tayo sa Amerika. Doon nalang tayo tumira." Sabi ko. Natawa naman siya nang marinig iyon. "Are you out of your mind? Christian naman, nandito na tayo, ngayon pa ba tayo aatras?" Sabi niya. "Naaawa lang ako kay Andrei." Nakita naman niya ang paglungkot ng aking mukha. "Kaya nga nandito ka... para sa kanya." Tumingin siya sa mga mata ko. "Wag mo lang kalimutan ang dahilan kung bakit tayo nandito." At tsaka ko naalala ang tunay naming pakay kaya kami sumama at tumira dito kasama si Papa. Pumasok na sa loob ng bahay si Mama kasabay nun ang pagparada ng kotse sa tapat ng bahay. May lumabas na dalawang lalaki at inilabas nila si Andrei na hindi makalakad dahil sa... "Ano pong nangyari?" Tanong ko sa dalawang lalaki. "Ikaw ba si Christian?" Tanong ng isa. Amoy na amoy ko ang alak sa kanilang mga katawan. Naglasing si Andrei! "Ako na pong bahala sa kanya." Inakay ko na si Andrei at umalis na ang dalawang lalaki. "Anong nangyari kay Andrei?" Sumalubong sa amin ang kasambahay nila. "Naglasing po yata." Sagot ko, tinulungan ako ni Manang na ipasok si Andrei sa kanyang kwarto. Pagkahiga namin kay Andrei sa kama ay pinalabas na ako ni Manang. "Anak, ako na ang bahala sa kanya. Matulog ka na." Sabi niya pero tumanggi ako. "Manang, ako nalang po ang magbabantay sa kanya. Matulog na po kayo." Ngumiti siya sa akin bago lumabas ng kwarto. Tinitigan ko ang himbing na himbing na pagtulog ni Andrei. Naaawa ako sa kanya, hindi ko alam kung makakaya kong gawin ang sinasabi ni Mama. Nakokonsensiya ako... "Trixie... Trixie..." narinig ko siyang nagsalita. Trixie? Iyon siguro ang kanyang girlfriend na nagtaksil sa kanya. Lumapit ako sa kanya at tinitigan ang kanyang mukha. Hindi ako makapaniwalang kapatid ko si Andrei, sana... sana hindi ko nalang siya naging kapatid! Biglang nanginig ang buong katawan niya, hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa kanya. Hinawakan ko ang kanyang kamay. Malamig na malamig ito. Nanginginig yun habang hawak ko. Kumuha ako ng kumot at ibinalot iyon sa buong katawan niya. Nilalamig siguro siya. "Andrei... kapatid ko, patawarin mo ako kung bakit ka nagkakaganito." Kinakausap ko siya pero alam kong hindi niya ako naririnig. Nakikita kong hindi umuubra ang kumot na binalot ko sa kanya kaya humiga na rin ako sa kama at niyakap siya. Pagkatingin ko sa kanyang mukha ay bigla kong naalala ang bilin sa akin ni Mama. "Alalahanin mo Christian, kaya tayo sumama dito dahil may plano tayo. Kailangan mong mapalapit kay Andrei, ako na ang bahala kay Carlo. Kailangan nating maisakatuparan ang plano. Kukunin natin ang lahat ng yaman nila..." napatayo ako nang bigla iyong sumagi sa isip ko. Totoo, kaya kami sumama dito sa Pilipinas ay dahil iyon ang plano ni Mama. Kailangan naming makuha ang yaman ni Papa. Nung umpisa ay hindi ako pumayag pero wala na akong nagawa. Dalawa kami ni Andrei na magka-agaw sa mamanahin pero alam kong wala naman akong laban. Isa lang akong hamak na anak sa labas at wala din akong pakialam sa kung anuman ang makukuha kong mana. Si Mama lang naman ang may gusto nang lahat ng ito. Napatingin muli ako sa mukha ng aking kapatid. Makakaya ko kayang gawin ang plano? Hindi ko alam kung magagawa ko.
BINABASA MO ANG
A Brother's Love (Bromance) ~°Completed°~
Ficção GeralAn original work of Cris Morata posted in M2M Love Story facebook page. Published on wattpad by Shin Eun Ki. This is a work of fiction. Names, characters, places and incidents are product of the author's imagination, or, it real are used fictitiousl...