A Brother's Love (Bromance) CHAPTER 14
ANDREI's POV
Paggising ko ay kayakap ko pa rin si Ken. Alam ko ang ginawa niya kagabi pero hinayaan ko lamang siya. Nagising ako nang bigla niya akong halikan sa labi. Nagulat pa siya nang imulat ko ang aking mga mata at tinawag niya ang pangalan ko. Nung mga oras na iyon ay nakikita ko sa kanya ang mukha ni Christian, ang aking kapatid. Niyakap ko siya at hinalikan sa noo pagkatapos nun ay nakatulog na ako. Naging malakas na ang kutob ko sa nangyari kagabi. May gusto kaya sa akin si Ken? Bakit niya ako hinalikan kagabi? Hindi gawain ng isang lalaki yun sa kapwa niya lalaki lalo na sa akin, lalo na sa akin na matagal na niyang kaibigan at nakakasama. Kailangan kong malaman ang totoo. May dapat kaya siyang aminin sa akin? Biglang bumukas ang pinto at bumungad sa akin si Ninong, ang Papa ni Ken. "Gising ka na pala Ken. Hindi ka ba papasok ngayon?" Umiling ako. "Next week na po siguro ninong." Sagot ko sa kanya. "Yang si Ken kapag hindi ka papasok, hindi rin siya papasok." Matawa-tawang sabi niya. "Oo nga po eh. Sabi ko nga baka bumagsak ang mga grades niya kapag hindi siya pumasok gaya ko." Lumapit sa akin si Ninong at umupo sa tabi ko. "Ikaw lang kasi yung nakakasama niya Andrei. Nagpapasalamat ako at nakilala ka niya." Masayang sabi niya. "Naku hindi po, ako dapat ang magpasalamat kasi nakilala ko si Ken. Napakabait na kaibigan. Para ko na nga siyang kapatid." Sagot ko naman. "Basta walang magbabago Andrei." Tinapik niya ang likuran ko. Tumango lang ako at ngumiti sa kanya. Paglabas ni Ninong ay sakto naman ang paggising ni Ken. "Pare, gising ka na pala." Nakangiti niyang sabi. "Kanina pa, nagkausap na nga kami ng Papa mo." Sagot ko sa kanya. "Ganun ba. Tara bumaba na tayo. Kumain muna tayo ng almusal." Sabi niya pagkatapos ay tumayo na sa kama. Akma siyang lalabas nang pigilan ko siya. "Sandali Ken." Lumingon siya pagkatapos ay lumapit sa akin. "Ano 'yun Andrei?" Tanong niya. Hindi ko alam kung dapat ko bang sabihin o itanong sa kanya ang nangyari kagabi pero kailangan ay maliwanagan ang isip ko. "Yung tungkol sa nangyari kagabi." Bigla siyang natahimik sa aking sinabi. "P-Pare kasi..." hindi ko gustong marinig ang kanyang sasabihin kaya pinigilan ko siya. "Wala. Wag mo na palang isipin yun Pare." Singit kong sabi sa kanya. "Andrei." Tumingin siya sa mga mata ko. Parang may gusto siyang sabihin na hindi niya mailabas. "Pare." Inakbayan ko siya. "Tara na, nagugutom na ako." Nakangiti kong sabi. Ibang-iba na ang pakikitungo ni Ken sa akin. Hindi ko alam pero parang may nagbago. Nararamdaman ko iyon. At sa nangyari kagabi, hindi ko na lamang iyon iisipin dahil alam kong walang malisya iyon.
-
Pagkatapos kong kumain ay agad akong dumiretso sa ospital. Gusto kong malaman kung ano na ang balita sa kalagayan ni Manang. Labis parin akong nag-aalala at nalulungot sa nangyari sa kanya. Pagpasok ko sa kwarto ay naabutan kong kumakain si Papa kasama nang kanyang kabit. "Anak. Kumain ka na ba? Sabayan mo na kami dito." Sabi niya pero hindi ko siya sinagot. Tiningnan ko ang kaawa-awang kalagayan ni Manang. Hindi ko mapigilang maging emosyonal dahil mahalaga si Manang sa buhay ko. Hindi ko alam ang gagawin ko kapag nawala siya. Hindi ko talaga kakayanin. "Malakas si Manang, anak. Gigising siya." Hindi ko namalayang nasa likuran ko na pala si Papa. "Alam mo ba Papa na bago maaksidente si Manang ay may gusto siyang sabihin sa akin. Importante daw." Ibinaling ko ang tingin sa kabit ni Papa at bigla itong napatigil sa pagsubo ng pagkain. "Ano naman kaya ang sasabihin ni Manang." Taka niyang sabi. "At nung mismong araw ng kasal niyo ay nakita namin si Manang sa katabi kong kwarto na nakatali ang buong katawan sa upuan at may takip ang kanyang bibig." Nagulat si Papa sa aking sinabi marahil ay hindi niya pa ito nalalaman. "Sigurado ka ba anak? Sinong gagawa nun kay Manang?" Tanong niya. "Oo nga, wala namang ibang tao sa mansiyon kundi kami ni Carlo." Singit ng kanyang kabit. "Oo nga. Kayo lang dalawa ni Papa pero sino kaya sa inyong dalawa ang kayang gawin iyon kay Manang?" Nandilat ang mata niya sa aking sinabi. "What do you mean? Pinagbibintangan mo ba ako?" Sabi niya. "Sino pa ba ang gagawa nun? Wag mong sabihing si Papa pa ang gagawa nun kay Manang?" Diin kong sabi. "Tama na 'yan. Wag na natin yung pag-usapan." Singit ni Papa. "Carlo, pagsabihan mo 'yang anak mo." Sigaw niya pagkatapos ay lumabas siya ng kwarto at sinundan agad ni Papa. Malakas ang hinala ko na ang babaeng iyon ang may gawa noon kay Manang. Ang malaking ipinagtataka ko lang, bakit niya itinali si Manang? May lihim kayang nalaman si Manang sa kanya kaya niya nagawa iyon at ang importanteng bagay na sasabihin ni Manang sa akin ay ang bagay na kanyang natuklasan. Tama! Nasisigurado kong iyon nga ang dahilan. Masama ang tingin ko sa Mama ni Christian. Nararamdaman kong may mga binabalak siya at iyon ang tutuklasin ko! Lumapit ako kay Manang at hinawakan ang kanyang kamay. "Manang, kayanin mo. Malakas ka diba? Wag mo akong iwanan. Gumising ka na Manang please." Sabi ko. Nakakaawa at para bang pinaglalaruan ako ng tadhana. Lahat nalang ba ng mahahalagang tao sa buhay ko ay mawawala sa akin! Hawak-hawak ko ang kamay ni Manang nang biglang tumulo ng aking luha. Ngayon nalang muli ito pumatak simula nung nagpakamatay si Mama. "Manang. Gumising ka na. Gumising ka na please." Sinasabi ko iyon habang hinahalik-halikan ang kanyang kamay. Bigla akong napatigil nang maramdaman kong gumalaw ang kanyang mga daliri. "Manang. Naririnig niyo po ba ako? Igalaw niyo po ulit ang daliri niyo kung naririnig niyo po ako." Pananabik kong sabi. Biglang nabuhayan ang loob ko. Alam kong malakas si Manang, kilala ko siya. Hindi siya basta-basta sumusuko. Tumingin ako sa mukha ni Manang at ilang sandali pa ay dumilat ang kanyang dalawang mata. "Manang." Gulat kong bigkas.
BINABASA MO ANG
A Brother's Love (Bromance) ~°Completed°~
Fiksi UmumAn original work of Cris Morata posted in M2M Love Story facebook page. Published on wattpad by Shin Eun Ki. This is a work of fiction. Names, characters, places and incidents are product of the author's imagination, or, it real are used fictitiousl...