A Brother's Love (Bromance) CHAPTER 15
"Ano bang problema mo Ken. Bakit ka ba nagkakaganyan! Hindi na kita maintindihan Pare." Galit niyang sabi sa akin. Ito na nga siguro yung tamang oras para sabihin ko sa kanya yung nararamdaman ko. "Hindi mo kasi ako naiintindihan. Hindi mo alam yung nararamdaman ko!" Diin kong sabi sa kanya. "Sabihin mo na kasi Pare. Ano bang dapat kong malaman. Nagtataka na ako sa mga sinasabi at mga kinikilos mo." Sabi niya. "Nagseselos ka ba? Nagseselos ka ba sa kapatid ko?" Bigla akong napatahimik at napatingin sa kanya. "Sumagot ka Ken. Totoo ba?" Sigaw niya. "Oo Andrei. Nagseselos ako!" Nandilat ang mata niya sa sinabi ko. "Kahit nung kayo pa ni Trixie, selos na selos at inggit na inggit ako sa kanya! Pati kay Jonas, gusto kong magalit o magtampo sayo dahil siya pa ang tinuring mong bestfriend! Tapos ngayon, yung kapatid mo naman!" Pagbubunyag ko sa kanya. Nakikita ko sa kanyang mukha na gulong-gulo siya sa mga sinabi ko. "Deretsuhin mo na nga ako Ken." Sabi niya. "Kaya ako nagkakaganito kasi... matagal na kitang mahal Andrei!" Napanganga siya sa gulat nang marinig ang rebelasyon ko. "Ken. Bakit ngayon mo lang sinabi 'to?" Lumapit siya sa akin pero dumistansya ako sa kanya. "Kasi alam kong wala akong karapatan para sabihin 'yon! Kasi alam kong kaibigan lang ako! Kaibigan mo lang ako Andrei." Hindi ko na mapigilang ilabas yung tunay kong nararamdaman. Hindi ko na inisip kung ano ang kanyang sasabihin basta mailabas ko na sa kanya ang lahat ngayon. "Ken." Sabi niya pero umiwas ako sa paglapit niyang muli. "Ang hirap-hirap itago nung nararamdaman ko. Halos araw-araw akong nagdurusa. Nasasaktan ako kapag may nakakasama kang iba tapos nagiging masaya ka sa piling nila. Gusto ko kasi ako lang Andrei, ako lang yung palagi mong kasama. Ako lang yung magpapatawa sayo, ako lang yung dadamay sa tuwing malungkot o umiiyak ka pero alam ko namang hindi yun mangyayari." Lumapit pa siya sa akin at niyakap ako nang mahigpit. "Ken, sorry. Sorry kung nasasaktan na kita." Sabi niya. Biglang gumaan ang pakiramdam ko. Ganito pala kapag nailabas mo na ang gusto mong sabihin sa taong mahal mo. Hindi ko alam kung ano na ang mga susunod na mangyayari pagkatapos kong umamin sa kanya. Tumingin ako sa kanyang mga mata. Mata sa mata ko siyang kinausap. "Hindi mo ba talaga ako kayang mahalin? Andrei, wala ba akong puwesto diyan sa puso mo?" Kasabay nang pagtanong ko ang pagbilis ng tibok ng puso ko. Natatakot akong malaman ang kanyang isasagot pero mas magandang malaman ko na nang maaga kung may pagtingin din siya sa akin para hindi na ako umasa pa sa wala. "Ken." Hinawakan niya ang magkabila kong pisngi. "Alam mo naman ang sitwasyon ko. Hindi ko pa alam yung nararamdaman ko pero isa lang yung gusto kong malaman mo. Ayaw kitang mawala Ken. Ayaw kong layuan mo ako kasi malulungkot ako." Pinunasan niya ang mga luhang pumapatak sa aking pisngi. "Maraming nagmamahal sayo at marami pang magmamahal sayo." Pagkatapos niyang sabihin yon ay hinalikan niya ako sa noo.
---
ANDREIs POV
Gabi na nang makarating ako sa ospital. Hindi ko pa rin lubos maisip na may gusto sa akin si Ken. Umamin siya kanina at gulat na gulat ako nang malamang mahal niya pala ako... matagal na. Natutuwa ako dahil may nagmamahal pa pala sa akin. Alam kong paminsan-minsan ay pangit yung ipinapakita kong ugali pero hindi ako kailanman hinusgahan ni Ken. Napaka-swerte ko kung maituturing dahil mahalaga ako sa kanya pero hindi ko alam kung masusuklian ko ang pagmamahal niya. Pagbukas ko ng pinto ay bumungad sa akin si Papa. "Anak, narito ka na pala. Bakit hindi mo agad sinabi sa akin na nagkamalay na si Manang?" Sabi niya. "Hindi na kailangan at may ipapakiusap sana ako Papa. Kahit itong bagay lang na 'to, ibigay mo sakin." Seryoso kong sabi na labis niyang ipinagtaka. "Anything. Ano ba yun anak?" Tanong niya. "Ikaw at ako lang makakapasok sa kwartong ito. Ayaw ko na may ibang papasok dito maliban sa atin." Sagot ko sa kanya. "Sige, kung yan ang gusto mo, pagbibigyan kita." Sabi naman niya. Walang dapat makapasok maliban sa amin ni Papa lalong-lalo na ang kanyang kabit. Malakas ang kutob ko na mayroon siyang binabalak na masama. Kapag tuluyan nang nakapagsalita si Manang ay malalaman ko na rin ang mahalagang kanyang sasabihin. "Aalis na muna ako." Sabi niya. "Dito muna ako matutulog. Ako ang magbabantay kay Manang." Pagkatapos niyang marinig yun ay lumabas na siya ng kwarto. Lumabas muna ako ng kwarto para bumili ng pagkain. Pagbalik ko ay nagulat ako nang makitang gising si Manang, agad ko siyang nilapitan. "Manang. Gising ka na talaga. Magpalakas ka pa para tuluyan ka nang gumaling." Masaya kong sabi. Iginalaw niya ang kanyang kamay at dahan-dahang hinawakan ang kamay ko. Tumingin ako sa kanyang mga mata. "Manang. Magpalakas ka po para gumaling ka na." Sabi ko. Tanging ungol lang ang naririnig ko mula sa kanya. May gusto siyang sabihin pero hindi ko maintindihan ang kanyang sinasabi. "Huwag niyo po munang piliting magsalita. Hindi mo pa kaya Manang." Sabi ko sa kanya. Nakita kong may tumulong luha sa kanyang mga mata. "Manang, wag kang umiyak. Dapat matuwa ka dahil nagising ka. Masaya po ako Manang at sana magtuloy-tuloy na ang paggaling mo." Sabi ko sa kanya pagkatapos nun ay niyakap ko siya. Masaya ako dahil sa wakas ay nagkamalay na siya. Hihintayin ko na lang na gumaling na si Manang para masabi na niya sa akin ang bagay na kanyang gustong sabihin. Biglang may kumatok sa pintuan. May nakalimutan kaya si Papa kaya siya bumalik. Ngunit nang buksan ko ang pinto ay hindi si Papa ang nakita ko kundi si Christian. "Kuya." Niyakap niya ako. "Bakit ka nandito? Gabi na bakit hindi ka pa natulog?" Sabi ko sa kanya. "Gusto ko kasing bisitahin si Manang. Dito ka ba matutulog? Kuya ako din, sasamahan kita." Akma siyang papasok pero iniharang ko ang aking katawan. "Bakit?" Taka niyang tanong. "Kami lang ni Papa ang puwedeng pumasok at bumisita kay Manang." Sabi ko sa kanya, bigla namang lumungkot ang kanyang mukha. "Bakit bawal? Pati ako Kuya?" Tumango ako. Gustuhin ko man na payagan siya ay hindi maaari. Kailangan kong mag-ingat at ingatan si Manang. "Kuya naman. Kahit ngayon lang please." Nagmakaawa siya sa akin. "Sige, hanggang ngayon nalang bunso. Pagbibigyan kita ngayon." Sagot ko na ikinatuwa niya. Pinapasok ko na siya sa loob nang biglang... "G-gising na pala si Manang..." hindi makapaniwala niyang bigkas. Tumingin ako kay Christian, biglang nanginig ang kanyang tuhod at mga kamay nang makitang gising na si Manang. Nilapitan ko siya. "Okay ka lang ba bunso?" Taka kong tanong. "O-okay lang Kuya. Masaya ako at nagising na si Manang." Ngumiti siya pero alam kong hindi siya nagsasabi ng totoo. Parang may itinatago siya sa akin. Bakit ganun na lamang ang kanyang reaksyon nang makitang gising na si Manang? Lumapit siya kay Manang at nabigla kaming dalawa sa sumunod na nangyari. Ungol ng ungol si Manang habang nandidilat ang kanyang mga mata. Parang takot na takot ito at may guston sabihin. "Manang. Bakit po? Ano pong nangyayari sa inyo?" Taranta kong sabi at nilapitan siya. Dahan-dahan niyang itinaas ang kanyang kamay at itinuro si Christian. Nagulat pa si Christian sa ginawa ni Manang at ako naman ay nagtataka kung ano ang ibig sabihin nun. "Manang..." kasunod nun ang pagkawala ng kanyang malay.
---
CHRISTIAN's POV
Agad isinugod sa Emergency room si Manang. Si Andrei naman ay hindi mapakali at ako naman ay takot na takot sa nangyari. Hindi ko naman alam na nagkamalay na pala si Manang. Malamang ay nagulat ito nang makita ako. Gusto niya sigurong sabihin na ako ang nagtulak sa kanya sa hagdan. Hindi ko naman iyon ginustong gawin. Aksidente lang ang pagkakahulog niya sa hagdan. Mabilis akong napunta sa banyo at tinawagan si Mama. "Anak, napatawag ka? May nangyari ba?" Nanginginig ang tuhod at mga kamay ko sa sobrang kaba at takot. "M-Mama. Si Manang nagkamalay na pala pero ngayon ay dinala siya sa Emergency room." Sabi ko. "Ano?" Gulat niyang sabi. "Kailan pa? At bakit nasa emergency room siya ngayon?" Tanong niya sa akin. "Nakita niya ako Mama, inatake yata sa takot. Baka pag nagising siya ulit ay sabihin niyang ako ang nagtulak sa kanya sa hagdan." sagot ko sa kanya. "Hindi mangyayari yan anak. Ipagdarasal ko na huwag nang magising ang matandang yan. Kumalma ka lang, pupunta na kami ng Papa mo diyan." Pagkatapos ay ibinaba ko na ang tawag. Dahan-dahan akong lumabas sa banyo na parang may mabigat na pasan sa aking likuran. Nanginginig parin ang katawan ko. Hindi ako dapat matakot baka magtaka si Andrei sa kinikilos ko. Kailangan kong gumalaw ng maayos. Nakita ko si Andrei na nakaupo sa may labas ng Emergency room habang umiiyak. Biglang bumilis ang pagtibok ng puso ko. Dahan-dahan akong lumapit kay Andrei na patuloy parin ang pag-iyak. "K-Kuya." Akma ko siyang hahawakan pero pinigilan niya ako. Bigla siyang tumayo habang sinusuntok ang pader. Agad ko naman siyang pinigilan na gawin iyon. "Kuya. Itigil mo yan. Ano na bang nangyari kay Manang?" Tanong ko. Humarap siya sa akin at nakita ko ang kaawa-awa niyang mukha. "Si Manang..." napaluhod siya nang banggitin niya iyon. Napahawak naman ako sa aking bibig. Ano ang ibig sabihin nito? May nangyari bang masama kay Manang? Lumuhod din ako at niyakap si Andrei. Patuloy parin ang pag-iyak niya sa balikat ko. Ramdam na ramdam ko ang pait ni Andrei. Nakakaawa!
BINABASA MO ANG
A Brother's Love (Bromance) ~°Completed°~
Ficción GeneralAn original work of Cris Morata posted in M2M Love Story facebook page. Published on wattpad by Shin Eun Ki. This is a work of fiction. Names, characters, places and incidents are product of the author's imagination, or, it real are used fictitiousl...