Chapter 32

276 2 0
                                    

A Brother's Love (Bromance) CHAPTER 32

"GABI NG REBELASYON."

Ken's POV

Pagmulat ng mata ko ay nasa isang malaking kwarto ako. Tumayo ako at nilibot ang aking paningin. Malaki ang ipinagtataka ko kung bakit ako napunta sa lugar na ito. Halos kulay puti ang nakikita ko at walang kahit anumang bagay ang narito. "Hello. May tao po ba dito?" Sigaw ko pero umalingawngaw lang ang boses ko. Sa paglalakad ay may nakita akong isang pintuan. Agad ko iyong nilapitan at binuksan. Pagbukas ng pintuan ay hindi ko inaasahang makita si Andrei sa may dulong bahagi ng kinatatayuan ko. Nakasuot siya ng puting damit, puting pantalon at sapatos habang nakatalikod sa akin. "Andrei." Tinawag ko ang kanyang pangalan. Nilingon lang niya ako pagkatapos ay naglakad siya patungo sa isang silid. Agad ko siyang hinabol at sinundan. Pumasok ako sa kwartong pinasukan niya kanina. Pagbukas ko ay sakto naman ang paglabas niya sa kwartong pinasukan ko. Hinabol ko na naman siya at sinundan. Hindi ko na alam pero parang may kakaiba kay Andrei. Hindi ko rin alam kung paano kami napunta sa lugar na ito. "Andrei." Sigaw ko habang papalabas sa kwartong pinasukan ko. Paglabas ay nakita ko na naman siyang pumasok sa isang kwarto. Napaupo ako habang hinahabol ang paghinga sa sobrang pagod sa pagtakbo. Tumakbo muli ako sa kwartong pinasukan ni Andrei. Pagbukas ko ng pinto ay napatigil ako ng makita ang isang bagay sa sahig. -dugo, patak ng dugo ng isang tao ito kung hindi ako nagkakamali. Sinundan ko ang bakas ng dugo habang pigil-hininga sa paglalakad. Halos sumabog na ang puso ko sa sobrang bilis ng pagtibok nito. Nakarating ako sa dulo ng kwarto pero nawala na ang bakas ng dugo. Nilibot ko ang paningin pero hindi ko nakita si Andrei. "Andrei? Nasaan ka? Magpakita ka sa akin." Sigaw ko pero tulad kanina ay umalingawngaw lang ulit iyon. Sa paghakbang ko paatras ay naramdaman ko sa likuran ang pagbukas ng pintuan. Paglingon ko ay may nakita akong taong nakahiga... habang naliligo sa kanyang sariling dugo. Nandilat ang mata ko nang makilala kung sino ang taong iyon. "Andrei..." agad kong nilapitan ang kanyang katawan. "Andrei, gumising ka. Andrei!" Ilang beses kong niyugyog ang kanyang katawan pero hindi siya gumigising. Hindi na ito maganda, hindi na ito magandang biro! Wala ng pulso si Andrei. Hindi na siya humihinga. Paano nangyari ito? Patay na siya! "Hindiiiiiiiiiiiiiii." Sigaw ko.

-

"Anak. Gumising ka. Ken!" Nagising ako sa pagyugyog ni Papa sa aking katawan. Pawis na pawis ako at hinahabol ang aking hininga. "Binabangungot ka. Mabuti na lamang at pumasok ako dito sa kwarto mo." Sabi niya. "Oo Papa. Nanaginip ako ng masama. Napakasamang panaginip." Pagkatapos kong sabihin yun ay niyakap ko siya. "Wag mo na lamang isipin yun. Magpahinga ka muna bago lumabas ng kwarto pagkatapos ay pumunta ka na ng kusina para sabay na tayong kumain." Sabi niya pagkatapos ay lumabas na sa aking kwarto. Masamang panaginip. Ano kaya ang ibig sabihin ng panaginip na yun? Kung totoo man iyon ay parang hindi ko kakayanin!

-

"Anak, gusto mo na bang lumipat tayo ng bahay?" Napatigil ako sa pagsubo ng pagkain at napatingin kay Papa. "Hindi ko pa po alam Papa." sabi ko. Hindi ko talaga alam ang gagawin. Tuluyan ko na bang iiwasan at lalayuan si Andrei? Unti-unti ko ng natatanggap sa aking sarili na hanggang magkaibigan na lang kami. "Mahal mo parin siya?" Napatingin muli ako sa kanyang itinanong. Hindi naman nawala sa puso ko si Ken. Kailangan ko lang tanggapin na hanggang dito lang kami. "Oo Pa. Hindi ako titigil na mahalin siya kahit wala siyang nararamdaman sa akin. Tanga na kung tanga basta gusto ko yung ginagawa ko." Sagot ko na ikinatuwa niya. "Bilib ako sa pagmamahal mo Ken." Hinawakan niya ang kamay ko. "Balang-araw, mahahanap mo rin ang taong nakalaan para sayo. Yung hindi ka paiiyakin, yung hindi ka sasaktan! Yung mamahalin ka katulad ng pagmamahal na ibinibigay mo." Sabi ni Papa. "Hindi ko naman hinihiling na dumating ang araw na yun Papa pero umaasa narin ako kasi gusto ko lang naman maging masaya. Gusto ko din maranasang lumigaya." Paliwanag ko. Tumayo ako at niyakap si Papa nang biglang tumunog ang doorbell. Inaasahan kong si Darwin ang darating dahil may mahalaga siyang sasabihin sa akin ngayon. Pagbukas ko ng gate ay tama ang hinala ko. Si Darwin nga. "Pasok ka sa loob." Sabi ko. "Dito na lang. Hindi rin naman ako magtatagal." Sabi niya. "Sige. Ano bang dapat kong malaman Darwin?" Hindi ko maipaliwanag pero nakaramdam ako ng kaba habang hinihintay ang kanyang sasabihin. "Nagkaroon kami ng relasyon noon ni Andrei..." nandilat ang mata ko sa sobrang pagkabigla. "Iniwan ko si Trixie para sa kanya pero ako ang naloko. Nalaman kong niloloko lang nila ako ng malaman kong naging sila ni Trixie habang kami ni Andrei." Paliwanag niya sa akin. Hindi ako makagalaw at makapagsalita. Hindi ko inaasahan ang kanyang mga sinabi ngayon. "Isa pang dahilan kung bakit ako nakipag-kaibigan sayo ay dahil gagamitin sana kita sa paghihiganti ko kay Andrei." Isang malakas na sampal ang natanggap niya mula sa akin. "Paano mo nagawa sa akin 'to Darwin?" Nanginginig ako sa sobrang galit sa kanya! Hindi ko alam na plano lang pala niya ang lahat ng ito. "Kaya ko sinabi sayo 'to kasi gusto kong maging totoo sayo Ken!" Paliwanag niya pero huli na. "Maging totoo? Nagsinungaling ka na sa akin at balak mo pa akong gamitin para sa paghihiganti mo! Wala kang awa Darwin. Akala ko mabait ka! Nagkamali ako." Galit kong sabi sa kanya. "Patawarin mo ako Ken. Mahal kita Ken kaya ko sinabi sayo 'to lahat." Tumawa ako ng malakas ng marinig yun. Mahal? Alam pala niya ang salitang iyon. Hindi ako naniniwala dahil alam kong nagsisinungaling na naman siya. "Umalis ka na Darwin. Ayaw na kitang makita kahit kailan." Pagkatapos kong sabihin yun ay isinarado ko ang gate. Napabuntong-hininga ako pagkatapos ng pag-uusap namin. Hindi ko lubos maisip na kayang gawin sa akin ni Darwin ang bagay na ito. Kasinungalingan lang ang lahat ng ipinakita niya sa akin! Papasok na sana ako sa loob ng bahay nang biglang sumagi sa isip ko si Andrei. Bigla kong naalala ang sinabi ni Manang sa akin sa Ospital noon, iyon ang kanyang lihim! Dali-dali kong binuksan ang gate at mabilis na tumakbo papunta sa bahay nila Andrei. Ito na ang tamang panahon para malaman niya ang bagay na iyon. Ayaw ko mang gawin ito ay alam kong karapatan din ni Andrei na malaman ang bagay na iyon. Pagdating ko sa tapat ng bahay nila ay agad kong tiningnan ang oras sa aking cellphone. "4:30 palang. Mamaya pa ang uwi ni Andrei." Sabi ko pero nagbaka-sakali ako na hindi siya pumasok ngayong araw. Pinindot ko ang doorbell. Maya-maya'y biglang bumukas ang gate at bumungad sa harapan ko si Andrei. "K-Ken?" Gulat pa niyang bigkas. "Nagpunta ako dito kasi may dapat kang malaman." Sabi ko. "Anong ibig mong sabihin? Ano ang dapat kong malaman Ken?" Pagtataka niya. Bumuntong-hininga muna ako bago magsalita. "Andrei, hindi nagpakamatay ang..." "Ken, nandito ka pala. Pumasok ka sa loob." Hindi ko naituloy ang sasabihin ng biglang dumating si Manang. "Ituloy mo ang sasabihin mo Ken. Ano ang kailangan kong malaman!" Nag-iba na ang tono ng pananalita ni Andrei. Lumapit sa akin si Manang at hinila ako papasok sa loob ng bahay. "Ken, nasaan ang pinag-usapan natin? Bakit gusto mo nang ibulgar ang lahat kay Andrei. Hindi niya dapat iyon malaman!" Galit na sabi ni Manang sa akin. "Manang, ayaw ko na pong ilihim kay Andrei yun. Karapatan niya rin po itong malaman." "Sabihin niyo sa akin... ano ang dapat kong malaman. May itinatago ba kayo sa akin?" Kita ko sa mukha ni Andrei ang pagdududa. "Ken, nakikiusap ako. Huwag mong sabihin iyon." Napatingin ako kay Manang na nagmamakaawang huwag kong sabihin ang matagal na niyang itinatago. "Ken. Sabihin mo sa akin! Magsalita ka!" Galit na galit niyang sabi. "Ken, makinig ka sa akin. Hindi dapat malaman ni Andrei ang bagay na yun nakikiusap ako." Pagmamaka-awa ni Manang. "Manang, may itinatago ka ba sa akin? Bakit hindi ko kailangang malaman? Bakit?" Lumapit si Andrei kay Manang. "Anak, kalimutan mo nalang ang sinabi ni Ken. Wala lang yun." Sabi ni Manang. "Andrei... hindi nagpakamatay ang Mama mo." Hindi ko na napigilang sabihin ang katotohanan. Tumingin siya sa akin at nakita ko ang mukha niyang hindi maipinta. "A-anong ibig mong sabihin? Hindi nagpakamatay si Mama?" Tumango lang ako. Napa-atras naman siya sa sobrang pagkabigla. Si Manang naman ay nakita kong napaupo sa sofa. "Tama ang sinabi ni Ken, Andrei. Hindi nagpakamatay ang Mama mo. Pinatay siya, may pumatay sa kanya!" Nagulat pa ako dahil si Manang na mismo ang nagkwento kay Andrei. "Manang, bakit ngayon mo lang ito sinabi sa akin? Bakit Manang?" Sigaw ni Andrei. "Dahil iyon ang nararapat. Ayaw kong malaman mo ito dahil alam kong kamumuhian mo ako, kasusuklaman. Andrei, sobrang laki ng kasalanan ko sayo. Patawarin mo ako anak." Lumuhod si Manang sa harapan ni Andrei habang umiiyak. Nakita ko naman sa mukha ni Andrei ang pagtataka. Hindi pa niya siguro lubos maintindihan ang ibig sabihin ni Manang. "Manang..." "Andrei. Ako ang pumatay sa Mama mo. Pinatay ko siya!" Sa sobrang pagkabigla ay nawalan ng balanse si Andrei. Nakita kong nanghina ang kanyang tuhod at hindi makapaniwala sa mga nalaman. "T-totoo ba ang mga sinabi mo Manang? Bakit? Bakit mo nagawang patayin si Mama? Bakit? Sagutin mo ang tanong ko!" Niyuyugyog ni Andrei ang balikat ni Manang. "Balak ka niyang ilayo sa akin noon Andrei. Gusto niyang pumunta sa Amerika at dadalhin ka roon." Paliwanag ni Manang. "Yun lang ang dahilan? Yun lang kaya mo siya pinatay? Manang, pinagkatiwalaan ka ni Mama pati ako. Bakit mo nagawa sa akin ito?" Galit na galit na sabi ni Andrei. Wala akong nagawa kundi ang panoorin lamang sila. Hindi ko kailangang mangialam dahil wala ako sa lugar para gawin yun. "Bakit? Bakit Manang..." nakita kong umiiyak na rin si Andrei. Gusto ko siyang yakapin pero hindi ko magawa. Alam kong labis-labis ang sakit na kanyang nararamdaman ngayon. "Dahil ayaw kong malayo ka sa akin Andrei. Napamahal ka na sa akin anak. Andrei, patawarin mo sana ako." Akma niyang hahawakan si Andrei pero bigla itong tumakbo palabas ng bahay. "Andrei. Patawarin mo ako anak... patawarin mo ako." Gusto ko sanang habulin si Andrei pero hindi ko na ginawa. Hahayaan ko muna siyang makapag-isa ngayon. Nilapitan ko si Manang. "Manang..." tinangka ko siyang hawakan pero pinigilan niya ako. "Kasalanan mo ito Ken. Kasalanan mo ito." Sabi niya. Kasalanan ko ba ang lahat? Sinabi ko lang naman ang nararapat. Sinabi ko lang naman ang katotohanan at walang masama doon. Bago ako tuluyang lumabas ng bahay ay tiningnan ko muna ang kaawa-awang kalagayan ni Manang. Kung sino man ang may kasalanan ng lahat ng ito ay hindi ako ang taong iyon, kundi si Manang...

A Brother's Love (Bromance) ~°Completed°~Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon