A Brother's Love (Bromance) CHAPTER 16
CARLO's POV
Malalim na ang gabi pero sumugod kami sa ospital ni Maria dahil sa aming nalaman. Isinugod daw si Manang sa Emergency room na labis kong ikinabahala. Pagdating namin ay nakita ko ang dalawang anak ko na magkayakap habang sila'y umiiyak. Nakakaawa silang tingnan. "Mga anak." Lumingon sila sa akin at nakita ko ang kaawa-awa nilang mukha lalong-lalo na si Andrei. Alam kong siya ang mas apektado sa pangyayari ngayon. Nasasaktan ang puso ko kapag nakikita kong nahihirapan si Andrei. Alam kong hirap na hirap na siya sa mga nangyayari. "Mama. Papa." Lumapit sa amin si Christian at niyakap kami ni Maria. "Si Manang po. Si Manang..." sabi niya. Pinapagaan ko naman ang kanyang kalooban. "Malalampasan ito ni Manang anak. Kaya niya... malakas si Manang." Sabi ko. "Hindi pa ba lumalabas ang Doktor?" Tanong ni Maria. "Hindi pa Mama. Inaalala ko po si Andrei. Iyak siya ng iyak kanina pa." Sabi ni Christian. Tinitigan ko si Andrei. Gusto ko siyang lapitan pero hindi ko magawa. Gusto kong yakapin ang anak ko pero alam kong malaki parin ang galit niya sa akin. Sinubukan kong lumapit sa kanya pero lumayo siya ng bahagya. "Anak. Wag tayong mawalan ng pag-asa. Kakayanin ito ni Manang. Malakas si Manang diba?" Sabi ko sa kanya. Tumayo siya habang pinupunasan ang luha sa kanyang pisngi at tumingin sa akin ng masama. "Wala na si Manang... wala na siya. Patay na si Manang." Hagulgol niyang muli. Biglang nanghina ang tuhod ko sa kanyang sinabi. Si Manang, patay na! "Anak." Niyakap ko siya. "Lakasan mo ang loob mo." Sabi ko sa kanya kasabay nun ang paglabas ng Doktor. "Dok, buhayin niyo po si Manang. Hindi pa siya patay diba? Parang-awa niyo na buhayin niyo siya." Pagmamakaawa ng aking anak sa Doktor. Nakita ko naman ang reaksyon ng Doktor, totoo nga, wala na si Manang. "Dok. Kami na pong bahala sa katawan ni Manang." Sabi ko pero... "I have a good news." Napatingin kaming lahat sa sinabi ng Doktor. "Ano po 'yun? Dok, sabihin mo na po." Pananabik na sabi ni Andrei. "Himala kung maituturing ang nangyari." Pambibitin ng Doktor. Hindi ko naman agad maintindihan ang ibig niyang sabihin. "Ano pong ibig niyong sabihin?" Pagtatakang tanong ni Christian. "Kanina ay wala nang pulso ang pasyente pero nagulat kaming lahat nang bigla itong nagkaroon ng life line. Malakas ang pasyente dahil lumalaban ito, ayaw pa niya sigurong mawala sa mundo. Masaya ako at nakaligtas ang pasyente, nasa mabuting kalagayan na siya ngayon." Masayang balita ng Doktor. "Talaga po? Salamat po. Salamat po Dok." Masayang bigkas ni Andrei. Tumingin ako sa aking mag-ina. Nakangiti sila sa akin. Alam kong masaya sila sa magandang balita. "Anak." Lumapit siya sa akin at niyakap ako ng mahigpit. Biglang may kumurot sa aking puso. Ngayon ko na lamang muli naramdaman ang mga yakap ni Andrei. Ang yakap ng aking anak. Gustong tumulo ng aking luha pero pinigilan ko iyon. Alam kong malaki ang kasalanan at marami akong pagkukulang kay Andrei. Hindi ko hahayaan na tuluyan niya akong kamuhian at lumayo ang kanyang loob sa akin. Alam ko naman na balang-araw ay magawa niya rin akong mapatawad.
MARIA's POV
Inis na inis akong bumalik ng bahay pagkagaling sa ospital kasama ang aking anak. "Mama. Pano na yan, gising na si Manang baka ibuko na ang plano natin nyan." Sabi ni Christian. "Kanina pa nga ako nanggigigil. Ilang buhay ba mayroon ang matandang yun! Sana namatay nalang siya!" Galit na galit kong sabi habang umuupo sa sala. Sa araw ng kasal namin ni Carlo ay natuklasan ni Manang ang pinaplano ko kaya nagawa kong itali ang katawan niya sa upuan para hindi makapag-sumbong kay Carlo. Pipigilan niya ang kasal namin noon pero hindi ako nagpadaig. Tagumpay ako at sinisigurado kong magtatagumgay din ako sa susunod kong gagawin. Kailangan ay mawala na si Manang bago pa niya maibulgar ang aming plano! "Mama naman. Wala naman tayong magagawa eh. Gusto talagang gumising ni Manang para mabulgar yung pinaplano natin. Natatakot tuloy ako Mama." Kabadong sabi ng aking anak. "Huwag kang kabahan diyan! Gagawa tayo ng paraan. Hindi naman pwedeng manahimik nalang ako." Sagot ko sa kanya. "May binabalak na naman ba kayo? Mama..." pagpigil niya sa akin pero kinontra ko siya. "Pabayaan mo na ako anak. Kapag nagsalita si Manang, goodbye na tayo dito sa mansiyon. Gusto mo ba yun? Mawawala lahat ng pinaghirapan natin. Malapit na nating maabot yung inaasam natin." Biglang napaisip ang aking anak sa kanyang narinig. Kung hindi lang sana ako noon pinigilan ni Christian na patayin si Manang ay wala na sana kaming pinoproblema ngayon! "Kahit na. Basta Mama natatakot ako." nilapitan ko siya at niyakap. "Para sayo naman 'tong lahat ng ginagawa ko. Para sayo lang anak." Sabi ko sa kanya. Gagawin ko talaga ang lahat para makuha lang namin ang kayamanan. Kahit sino o anong hadlang pa 'yan ay haharapin at kakalabanin ko para lang makuha ang inaasam ko. Papatay ako ng tao kung kinakailangan... papatay ako para sa anak ko!
BINABASA MO ANG
A Brother's Love (Bromance) ~°Completed°~
Ficção GeralAn original work of Cris Morata posted in M2M Love Story facebook page. Published on wattpad by Shin Eun Ki. This is a work of fiction. Names, characters, places and incidents are product of the author's imagination, or, it real are used fictitiousl...