Chapter 23

338 3 0
                                    

A Brother's Love (Bromance) Written by: Cris Morata No copyright | ARR 2015 CHAPTER 23 KEN's POV Malalim na ang gabi pero hindi pa rin ako dinadalaw ng antok. Siguro dahil nasa isipan ko si Andrei. Nag-aalala parin ako sa kanya. Gusto ko siyang puntahan para makausap pero bibigyan ko muna siya ng panahon para sa kanyang sarili. Biglang bumukas ang pintuan ng aking kwarto at nakita kong pumasok si Papa. "Anak. Bakit hindi ka pa natutulog?" Lumapit siya at tumabi sa akin. "Hindi pa po ako inaantok." Sagot ko naman. "Sino ba ang iniisip mo? Si Andrei ba?" Tumango lang ako. "Bilib ako sayo anak. Kahit sobrang nahihirapan ka na ay hindi mo pa rin siya iniiwan. Kahit nasasaktan kana ay hindi ka pa rin sumusuko." Napatingin ako kay Papa. Siguro kaya ko iyon ginagawa dahil sanay na ako na palaging umalalay kay Andrei. Kapag nahihirapan at nasasaktan siya ay ganun din ang nararamdaman ko. "Mahal ko po kasi siya Papa. Mahal ko po si Andrei." Sagot ko sa kanya. Niyakap niya ako nang mahigpit. "Susuportahan kita sa kahit anong gagawin o desisyon mo sa buhay. Nandito lang ako palagi para sayo anak. Mahal na mahal kita." Ramdam na ramdam ko ang pagmamahal ni Papa. Maswerte ako dahil siya ang naging Ama ko. Bata palang ay tanggap na niya kung sino ako at hindi niya ako kailanman hinusgahan sa kung ano ako at kung sino ako. Mas inalagaan at binantayan niya akong lumaki at hindi pinabayaan. Hindi niya ako sinaktan dahil mahal na mahal niya ako. Malaki ang pasasalamat ko dahil siya ang binigay ng Diyos na maging Papa ko. Si Papa lang ang nag-alaga sa akin simula pagkabata dahil iniwan kami ni Mama nung ako'y kanyang isilang ayon sa kwento ni Papa. Hindi ko kailanman nakita o nakilala ang Mama ko pero hindi ko na siya hinanap pa. Kuntento na ako sa aking Ama na mabait, maunawain at mapagmahal. "Papa. Mahal na mahal ko din po kayo. Salamat sa lahat." Hinalikan niya ako sa noo pagkatapos nun ay lumabas na siya sa aking kwarto. Nagpasiya akong lumabas ng kwarto at pumunta sa kusina. Iinom na lamang ako ng gatas para ako'y makatulog nang bigla akong nakarinig ng ingay mula sa labas. "Ken." Pagtawag sa akin. Bigla naman akong nabuhayan nang makilala kung kanino ang boses na 'yon. Paglabas ay hindi nga ako nagkamali. Nasa labas si Andrei at... "Lasing ka ba?" Tanong ko sa kanya. "Pare, ang sakit-sakit. Ang sakit-sakit na." Lumapit siya at niyakap ako. Siguro ay dahil ito sa kanyang Ama. Naiintindihan ko nararamdaman niya. Pareho nang wala ang kanyang mga magulang at bilib ako kay Andrei dahil nagpapakatatag siya para sa kanyang sarili. Mahirap mawalan ng magulang. Walang mag-aalaga at gagabay sayo kaya ramdam na ramdam ko ang kanyang paghihinagpis. "Andrei naman. Kaya mo 'to diba? Hindi ka naman nag-iisa. Nandito kami... nandito ako para sayo!" Sabi ko sa kanya. Tumingin siya sa mga mata ko. "Niloko nila ako. Nagsinungaling siya sa akin." Sigaw niya. Hindi ko naman maintindihan kung ano ang mga sinasabi niya. "Sino? Hindi kita maintindihan!" Niyugyog ko ang kanyang katawan. "Mga manloloko sila. Niloko nila ako. Pinagplanuhan nila lahat ito. Ang sakit nung malaman ko 'yun Ken." Niyakap ko na lamang siya kahit hindi ko siya masyadong naiintindihan. Siguro ay tungkol ito sa mag-ina na kanyang tinutukoy. Iyon lang ang pumapasok sa isipan ko na dahilan kaya siya nagkakaganito. "Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko. Hirap na hirap na ako Ken." Sobrang naaawa ako sa kanyang kalagayan. Kung pwede ko nga lang akuin ang lahat ng sakit na kanyang nararamdaman ngayon ay ginawa ko na. Mahirap makitang nagkakaganito siya dahil nasasaktan din ako! "Malalampasan mo din ang lahat ng ito. Makakaya mo 'to Andrei." Sabi ko sa kanya. Pinapasok ko na siya sa loob at agad siyang nakatulog sa aking kama. Hinayaan ko na lamang siyang makapag-pahinga. Lumapit ako sa kanya habang pinagmamasdan ang kanyang mukha. "Nandito lang ako para sayo Andrei. Hindi kita iiwan. Mahal na mahal kita." Sabi ko sa aking sarili. --- CHRISTIAN's POV "Umuwi ka sa bahay. May pupuntahan lang ako. Wag kang aalis nang hindi ko nalalaman." Iyon ang mga salitang sinabi sa akin ni Kuya Andrei bago kami maghiwalay kanina. Hindi ko alam kung may galit ba siya sa akin nung paglabas namin sa kulungan. Wala siyang imik at hindi ako kinakausap. Nabigla siya sa mga nalaman kaya nasisigurado ko na may galit na siya sa akin. Gusto ko sanang magpaliwanag pero natatakot ako. Baka tuluyan na niya akong hindi paniwalaan. Nalulungkot ako hindi dahil sa nalaman na niya ang lahat, nalulungkot ako na baka magbago na naman ang kanyang ugali dahil dito. "Christian. Hindi mo ba talaga alam kung saan nagpunta si Andrei?" Tanong ni Manang pero umiling lang ako. Lumapit siya sa akin at tumabi sa upuan ko. "Ang tahimik mo. May problema ba?" sabi niya. Hindi naman siguro masama kung sasabihin ko kay Manang ang lahat. "Manang, alam na po ni Andrei ang lahat." Sabi ko na ikinabigla niya. "Paano?" takang tanong niya. "Nung dinalaw namin si Mama kanina ay sinabi niya ang lahat kay Kuya. Pinigilan kong magsalita si Mama pero hindi siya nagpatinag. Manang, alam na ni Kuya ang lahat at natatakot ako..." niyakap naman ako ni Manang. "Mabuti na rin nang malaman niya habang maaga. Kasi pag pinatagal pa, mas lalong masakit tanggapin kasi pinaglihiman mo siya." Sabi ni Manang. "Natatakot ako Manang. Ayaw kong bumalik sa dati si Kuya Andrei. Ayaw kong mangyari yun." Hindi ko na napigilan pang umiyak sa harapan niya. Alam kong napakalaki ng kasalanan ko kay Andrei dahil pumayag ako noon sa plano ni Mama. Naging makasarili ako, inisip ko lang ang sarili ko at hindi ko inisip na may masasagasaan ako, na may masasaktan akong tao at iyon ay si Andrei. Huli na... huli na ang lahat! Pinagsisisihan ko na ang mga kasalanan ko. "Maiintindihan din ni Andrei kung bakit mo iyon ginawa. Nabilog lang ang utak mo ni Maria. Christian, wala kang kasalanan at wag na wag mong sisihin ang yong sarili." Sabi ni Manang. Nakakatuwa at nagbibigay lakas ng loob ang mga pahayag ni Manang. Maswerte si Andrei dahil inalagaan siya ni Manang ng mabuti. Inalalayan at iningatan. "Manang. Salamat po. Salamat po sa pagtanggap sa akin kahit may nagawa din akong kasalanan sayo." Tumingin siya sa mga mata ko at hinawakan ang kamay ko. "Mahalaga ka kay Andrei kaya mahalaga ka na rin sa akin. Hindi ka na iba sa akin. Nakita ko naman na mabait ka pala kaya bakit hindi kita tatanggapin. Parte ka ng pamilyang ito. Pamilya tayo anak. Ako, ikaw at si Andrei." Nakangiting sabi ni Manang. Pagkatapos naming mag-usap ay sabay kami kumain ng hapunan ni Manang. Hindi dumating si Andrei. - Hindi pa sumisikat ang araw nang bumangon ako sa higaan. Nakapagdesisyon na ako. Ako na ang kusang aalis dito sa mansyon. Hangga't wala pa si Andrei ay dapat makaalis na ako dahil ito ang nararapat. Alam kong galit si Kuya sa akin kaya kailangan ay umalis na ako para hindi na niya ako makita. Biglang bumukas ang pintuan at nakita kong pumasok si Manang. "Anak, anong ginagawa mo? Saan ka pupunta, bakit mo nililigpit ang mga gamit mo?" tanong ni Manang. "Aalis nalang po ako Manang. Alam ko naman na galit na galit sa akin si Kuya. Ayaw niya siguro akong makita kaya hindi siya umuwi kagabi." Sabi ko. "Wag kang mag-isip ng ganyan. Hindi yan totoo. Mahal ka ng kapatid mo. Alam kong maiintindihan niya kung bakit mo iyon ginawa." Lumapit si Manang at pinipigilan akong mag-impake ng aking mga damit. "Kaya ibalik mo na 'yang mga gamit mo. Hindi ka aalis." Sabi niya. Napangiti ako sa kanyang sinabi pero nakapagdesisyon na ako. "Salamat Manang pero... kailangan ko muna talagang lumayo. Para din naman to sa amin ni Kuya Andrei." sabi ko sa kanya. "Kung hindi ka na talaga mapipigilan ay wala na akong magagawa pa. Basta kapag gusto mong umuwi ay palaging bukas ang bahay na ito para sayo." Ngiti niyang sabi. "Salamat Manang." Niyakap ko siya. Pagkatapos kong ihanda ang mga gamit ay sabay na kaming lumabas ni Manang para ihatid ako sa labas. Palapit na kami sa pintuan nang biglang pumasok si Andrei na ikinagulat ko. "Andrei. Saan ka ba nagpunta anak?" Nilapitan ito ni Manang at niyakap. "Natulog ako sa bahay nila Ken." Pagkatapos niyang sabihin yun ay tumingin siya sa akin... nagtama ang aming mga mata. "Manang. Aalis na po ako." Nakayuko akong naglakad palabas. "Sinabi ko bang umalis ka dito sa bahay?" Napatigil ako nang marinig kong nagsalita si Andrei. Lumingon ako sa kanya. "Kuya." Bigkas ko. "Bakit ka aalis? Saan ka pupunta?" Tanong niya. "K-kasi akala ko galit ka sakin Kuya." Sabi ko sa kanya. "Hindi ako galit. Nabigla lang ako kahapon. Bunso, nangako tayo kay Papa diba na hindi tayo maghihiwalay? Walang lalayo at walang aalis. Panindigan naman natin yun! Kapatid kita kaya hindi kita pababayaan." Sabi niya. Hindi ko mapigilang hindi maiyak sa mga sinabi ni Kuya Andrei. Ang akala ko ay galit siya sa akin at ayaw na niya akong makita pero nagkamali ako. "Kuya. Sorry. Sorry talaga Kuya Andrei." Niyakap ko siya nang mahigpit. --- ANDREI's POV Hindi ko na inisip kung kasabwat si Christian sa kasamaan ng kanyang Ina. Alam ko naman na ginawa niya lang yun dahil kagustuhan yun ni Maria at wala siyang nagawa kundi sundin ang kanyang Mama. Noong umpisa ay may galit akong naramdaman pero iwinaksi ko iyon agad dahil baka lumala pa. Ayaw ko na kasing magtanim pa ng galit dito sa puso ko. Pinatawad ko na si Christian. Kapatid ko siya at hindi puwedeng hindi ko siya kayang patawarin. Araw ng Lunes, sabay kaming pumasok ni Christian. Halos dalawang linggo din ang itinagal bago kami makapasok ulit. "Kuya, hintayin mo ako." Sigaw niya habang hinahabol ako papasok ng gate. "Bilisan mo bunso. Male-late na tayo." Sigaw ko sa kanya. "Kuya." nakalapit na siya sa akin at humawak sa aking braso. "Mamayang lunch break. Sunduin mo ako sa room. Sabay tayong kumain." Sabi niya sa akin. "Walang problema." Sabi ko sa kanya at pumasok na kami sa aming mga silid-aralan. "Andrei." Kinawayan ako ni Ken habang lumalapit sa akin. "Buti naman at pumasok ka na. Anong nakain mo?" Biro niyang sabi sa akin. Pati ibang mga classmates ko ay nagulat din nang makita nila akong pumasok ngayong araw. "Kailangan kong bumawi. Ayaw kong bumagsak." Sabay tawa ko. "Okay ka na ba? Naka-recover na ba sa mga nangyari this past few days?" Tanong niya habang naglalakad kami papunta sa aming upuan. "Okay na okay na ako. 100%" nakangiti kong sagot sa kanya. Ilang oras ang lumipas at lunch break na. "Andrei. Sabay na tayong kumain. Saan ka pupunta?" Tanong ni Ken habang naglalakad palabas ng room. "Pupuntahan ko si Christian. Mauna kana sa canteen at susunod kami." Umalis na siya at ako naman ay pumunta sa room nila Christian. Ilang hakbang lang naman ang gagawin ko at makakarating na ako dahil magkatabi lang naman ang aming mga classroom. Pagdating ko ay sinilip ko agad si Christian sa loob pero hindi inaasahang pangyayari ang masasaksihan ko. May isinusubong pagkain si Jonas kay Christian at nakikita kong masayang-masaya sila sa kanilang ginagawa. "Kuya." Napansin ako ni Christian at lumapit siya sa akin. "Hindi na pala ako sasabay sayo. Naparami na kasi ang kain ko. Binigyan ako ng pagkain ni Jonas." Masayang sabi niya. "S-sigurado ka?" Paninigurado ko. "Oo Kuya. Bukas nalang, sasabay ako sayo." Sabi niya. "Kuya, balik na ako sa loob." Pagkatapos nun ay pumasok na siya at ako naman ay naglakad papuntang canteen. Hindi ako natuwa sa nangyari. Sa totoo lang ay nadismaya ako. "Andrei, bakit hindi mo kasama si Christian?" tanong niya. Umupo ako sa kanyang tabi. "Kumain na daw siya." Sagot ko sa kanya. "Bakit parang badtrip ka diyan?" Matawa-tawa niyang sabi. "A-ako? Hindi noh." sagot ko. "Hindi naman halata Pare. Kumain na nga lang tayo." Pagtatapos niya. Hindi ko rin maintindihan kung bakit biglang nagbago ang mood ko. Hindi ko maipaliwanag kung ano itong nararamdaman ko. Selos? Nagseselos nga ba ako nung makita kong magkasama sina Christian at Jonas?! Hindi ko dapat iyon maramdaman dahil hindi tama at wala ako sa posisyon para magselos.

A Brother's Love (Bromance) ~°Completed°~Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon