Chapter 8

530 10 0
                                    

A Brother's Love (Bromance)  CHAPTER 8 

CHRISTIAN's POV 

Naramdaman kong may nakadagaan sa katawan ko. Pagmulat ng mata ko, nakita ko si Andrei na nakayakap sa akin.  "Kuya." Narinig naman niya ang sinabi ko at nagising siya. "Kumusta, maayos ba ang pakiramdam mo?" Tanong niya, tumango lang ako.  Tumayo siya sa kama habang may sermon na kasama.  "Ang tigas kasi ng ulo mo. Diba sabi ko wag mo na akong sundan dito?" Hindi ko siya sinagot. "Tutulad ka rin sakin na magpapabaya sa pag-aaral. Ang mabuti mong gawin, umuwi kana mamaya pagkatapos ng almusal." Hinawakan niya ang kamay ko para hilahin akong bumangon at hindi ko malaman kung bakit siya nabigla.  Agad niyang dinama ang leeg ko pati na ang aking noo.  "Ang taas ng lagnat mo!" Sabi niya. "Bakit kasi hindi ka pa umuwi kagabi. Ang tigas naman talaga ng ulo mo." Kahit nakakatanggap ako ng galit mula sa kanya ay nararamdaman ko parin ang pag-aalala niya sa akin.  "Gusto lang naman kitang samahan dito Kuya." Sagot ko sa kanya. "Anong napala mo? Nagkasakit ka pa tuloy." Galit niyang sabi. "Sorry na nga." Sagot ko sa kanya.  "Magpahinga ka diyan. Kukuha ako ng bimpo at tubig." bago siya lumabas ng kwarto ay nilagyan pa niya ng kumot ang aking katawan.  Masama ang pakiramdam ko, dahil siguro ito sa napakalakas na ulan kagabi. Tama nga si Kuya, mataas ang lagnat ko at mainit ang aking pakiramdam dahil nabasa ako ng ulan kagabi.  Paglingon ko sa kabilang kama ay hindi ko inaasahang makita si Ken. Nandito rin pala siya. Ang akala ko ba ay mag-isa lang si Andrei dito dahil sabi niya gusto niya munang mapag-isa. Nakakapagtaka!  Bumukas ang pinto at nakita ko si Andrei na may dalang tabo ng tubig at bimpo sa kanyang kamay. Binasa niya ang bimpo sa tabo pagkatapos nun ay kanyang piniga at inilagay sa aking noo.  "Hayaan mo lang ang bimpo sa noo mo, nakakapagpababa ng lagnat yan. Huwag kang mag-alala, aalis ako ngayon at bibili ng gamot para sayo." Sabi niya. "Wag kang tumayo, hintayin mo akong makauwi. Baka suwayin mo na naman ako." Sunod niyang sabi.  "Opo, susundin ko na po ang mga bilin mo Kuya." Nabigla pa siya sa isinagot ko sa kanya.  "Sige na, aalis na ako." Lalabas na sana siya ng kwarto pero pinigilan ko siya.  "Kuya sandali." Nilingon niya ako. "Bakit?" Taka niyang tanong. "Salamat." Ngiti kong sabi sa kanya.  "Wala yun, kapatid kita kaya ko ito ginagawa." Pagkatapos niyang sabihin iyon ay lumabas na siya.  Maya-maya'y biglang tumunog ang aking cellphone.  "Hello Mama." Sabi ko sa kabilang linya.  "Kumusta anak?" Tanong niya.  "Okay naman po." Sagot ko sa kanya. "Bakit parang ang tamlay ng boses mo? May sakit ka ba, masama ba ang pakiramdam mo?" Sunud-sunod niyang tanong.  Hindi niya dapat malaman na mayroon akong lagnat. Nasisigurado ko na pupunta iyon dito dahil sa sobrang pag-aalala.  "Sakit? Wala po. Kagigising ko lang po kasi Mama." Pagdadahilan ko sa kanya.  "Siguraduhin mo lang anak." Paninigurado niya. "Opo, maayos ang kalagayan ko dito." Sagot ko sa kanya.  "Ano nang balita diyan? Ikuwento mo naman sa akin anak." Pananabik niyang sabi.  "Ah kasi... Mama, mamaya ko nalang po iku-kuwento, may gagawin pa po ako dito." Palusot kong sabi sa kanya.  "Osige anak, mag-iingat ka diyan. Wag mo pababayaan ang sarili mo. Mamimiss kita." May konting halong kalungkutan sa kanyang boses.  Alam kong nag-aalala siya sa kalagayan ko lalo na't hindi siya sanay na wala ako sa kanyang tabi. Nasanay kasi kami ni Mama na palaging magkasama.  "Opo Mama. Kayo din ni Papa mamimiss ko. Bye po." End of call.  Tatangkain ko sanang tumayo nang bigla kong makita si Ken.  "Huwag mo nang gawin. Diba sabi ng Kuya mo magpahinga ka lang." sabi niya. "Hindi ko napansin na nandito ka pala Christian. Narinig ko lang yung mga sinabi ni Andrei kanina kaya ako nagising." Nakangiti niyang sabi at lumapit sa akin.  Kinuha niya ang bimpo sa noo ko at binasang muli at piniga. Pagkatapos nun ay ibinalik muli.  "Mataas parin ang lagnat mo. Huwag kang mag-alala, baka pabalik na yun si Andrei." Sabi niya.  "Ano bang gusto mong kainin? Magluluto ako ng almusal natin." Mungkahi niya. "Marunong ka?" Tanong ko. Napatawa naman siya bigla sa tanong ko.  "Oo naman. Chef ang Papa ko kaya marami narin akong alam na mga pagkaing niluluto. Tinuturuan din kasi ako." Nakangiti niyang sabi.  Bigla kong binago ang usapan namin.  "Masuwerte si Kuya at nakahanap siya ng mabait na kaibigan na tulad mo." Napatingin siya sa akin.  "Masuwerte talaga si Andrei nung nakilala niya ako. Kahit laging galit at masungit yun, iniintindi ko nalang." Sabi niya.  "Matagal na ba kayong magkakilala?" Tanong ko. "Oo, kababata ko siya. Classmate ko yun elementary kahit hanggang ngayon." Matawa-tawa niyang sabi. "Napagkakamalan na nga kaming magkapatid dahil hindi kami mapaghiwalay noon." Sabi niya.  "Noon? Bakit may nagbago ba? Kahit naman ngayon close parin naman kayo." Sabi ko sa kanya.  "Simula nung magka-girlfriend siya at makilala niya si Jonas parang nagbago din ang lahat sa kanya. Si Jonas pa ang tinuring niyang matalik na kaibigan kesa sakin pero anong nangyari, pinagtaksilan lang siya nung dalawa." Kwento niya sa akin.  Parang may kakaiba akong nararamdaman kay Ken. Hindi pa ako sigurado pero aalamin ko ito.  "Atleast nandiyan ka parin palagi sa tabi ni Kuya kapag kailangan niya ng karamay." Ngiti kong sabi sa kanya.  "Mahalaga kasi sakin si Andrei. Sige na, magpahinga ka lang diyan at magluluto ako ng almusal natin." Pagkatapos niyang sabihin yon ay lumabas na siya ng kwarto at ako naman ay naiwang nag-iisip.  Sinabi niyang mahalaga si Andrei sa kanya. May iba pa kaya iyong dahilan bukod sa pagkakaibigan?  Totoo ngang may kakaiba kay Ken. Iba ang turing niya kay Andrei at nasisiguro kong higit pa iyon sa kaibigan. 

--- 

ANDREI's POV 

Pagkatapos kong makabili ng gamot ay agad akong bumalik sa rest house.   "Sir, nandiyan po ba ang kapatid niyo? Dumating po kasi dito kagabi, hindi ko na naihatid sa loob dahil malakas ang ulan." Sabi ni Manong sa akin.  "Opo, nagkasakit nga lang kasi naulanan. Pero bumili na po ako ng gamot para sa kanya." Sagot ko naman.  "Sige po Sir."  Pagbukas ko ng pinto ay dumiretso ako sa kusina. Nakita ko si Ken na nagluluto.  "Pare, ano 'yang niluluto mo?" Tanong ko sabay akbay sa kanya pero itinulak niya ako.  "Hindi para sayo 'to. Para kay Christian ito." Sabay tumawa siya.  "Ang bango naman. Oh sige para sa kapatid ko pala yan, okay lang kahit hindi ako kumain." Aalis na sana ako nang hawakan niya ang braso ko.  "Joke lang Pare." Sabay tawa. "Para satin tatlo 'to. Puntahan mo na si Christian at alalayang makapunta dito, ilang minuto nalang maluluto na 'to." Ngiti niyang sabi.  Pagpasok ko sa kwarto ay natutulog ang aking kapatid. Dinama ko ang kanyang leeg at mataas parin ang kanyang lagnat.  "Christian..." ginising ko siya at dahan-dahang dumilat ang kanyang mata.  "Nakabili ka na ba ng gamot Kuya?" Tumango lang ako. "Tara, kumain ka muna para makainom kana ng gamot." Sabi ko pero pinigilan niya ako.   "Dito nalang ako kakain. Puwede ba?" Pinagbigyan ko naman siya sa kanyang gusto.  Pagbalik ko sa kusina ay nakahanda na ang mga plato at kutsara. "Tara, kain na tayo. Bakit hindi mo kasama si Christian?" takang tanong ni Ken.  "Hindi na raw dito kakain ang kapatid ko. Gusto niya dun nalang sa kwarto kumain." Sabi ko sa kanya.  "Ikukuha ko nalang siya nang makakain." Dala-dala ko na ang pagkain ni Christian at may iniwan akong salita kay Ken.  "Hintayin mo akong makabalik Pare. Pakakainin ko muna ang kapatid ko at pagkatapos sabay tayo kakain." ngumiti siya sa akin pagkatapos ay umalis na ako.  Pagpasok ko sa kwarto ay nakaupo na siya sa kama. "Espesyal 'to kasi si Ken ang nagluto." Sabi ko sa kanya.  "Alam ko. Akin na, kakain na ako." Kinukuha na niya ang pagkain na dala-dala ko pero...  "Umupo kalang diyan. Wala kang ibang gagawin kundi ibuka 'yang bibig mo at lunukin ang pagkain." Nagulat naman siya sa sinabi ko.  "Ano?" Gulat niyang tanong.  "Ako ang magpapakain sayo. Aalagaan ko ang bunso kong kapatid." Napangiti naman siya nang marinig ang sinabi kong iyon.  "Nakakahiya Kuya. Ako nalang. Kaya ko naman eh." Napayuko pa siya nang sabihin yun.  "Hiya? Bakit ka mahihiya kapatid mo ako!" Sabi ko sa kanya.  "Oo na, sige na po Kuya." Sabi niya.  Masaya ako sa ginagawa kong ito ngayon. Habang sinusubuan ko si Christian ay masayang-masaya ang kalooban ko.  Anong ibig sabihin nito? Ganap ko na bang tatanggapin si Christian bilang kapatid ko?  Matagal ko nang gustong mag-alaga ng isang kapatid. Ngayong dumating sa buhay ko si Christian ay matutupad na ito.  "Ito na ang huling subo." Nakangiti niya iyong sinubo. "Salamat Kuya." Sabi niya.  "Nabusog ka ba? Gusto mo pa ba?" Tanong ko sa kanya. "Hindi na Kuya. Busog na ako, nasaan na ang gamot ko?" Iniabot ko sa kanya ang gamot at ininom na niya iyon.  "Ililigpit ko muna ang pinagkainan mo. Babalik ako." Lumabas na ako sa kwarto at pagbalik ko sa kusina ay hinuhugasan na ni Ken ang kanyang pinagkainan.  Nakalimutan kong sasabay pala ako sa kanyang kumain. Magtatampo na naman ito sa akin.  "Pare, pasensiya na. Tapos ka na bang kumain?" Lumapit ako sa kanya pero hindi niya ako pinansin.  "Hoy." Siniko ko siya pero wala parin siyang imik.  "Ken." Hinawakan ko ang braso niya pero inalis niya ang kamay ko.  Ano bang problema nito? Nagtataka na ako sa kanyang ikinikilos! Hindi naman siya dating ganito.  Mabilis siyang umalis pero hinabol ko siya. "Ken, ano bang problema? Bakit hindi mo ako pinapansin! Sorry na nga diba?" Sigaw ko sa kanya.  "Wala." Mahina niyang sagot.  "Anong wala? Bakit ka ba nagkakaganyan? Sabihin mo sa akin Pare!" mata sa mata kong sinabi sa kanya iyon.  "Wala nga Pare, bakit ba ang kulit mo?" Napalakas ang boses niya na ikinagulat ko.  "Yan ba ang walang problema? Sabihin mo sakin Ken! May dapat ba akong malaman?" Diin kong sabi sa kanya.  "Gusto mo ba talagang malaman Andrei? Sige sasabihin ko sayo!" Matapang na sabi ni Ken na biglang ikinabilis ng pagtibok ng puso ko.

A Brother's Love (Bromance) ~°Completed°~Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon