A Brother's Love (Bromance) CHAPTER 6
CHRISTIAN's POV
Nagpaalam na si Jonas para umalis. Wala naman akong magagawa kung ayaw makipag-usap ni Andrei sa kanya. Umakyat narin si Andrei sa kanyang kwarto at ako naman ay naiwan sa sala. Biglang dumating si Mama na may dala-dalang mga tela at kung anong mga disenyo. "Para saan yan Ma?" Taka kong tanong. "Ang pangit naman kasi ng mga dekorasyon dito. Papalitan ko lang." Pagkatapos niyang sabihin yun ay tinanggal niya ang mga kurtina at binago ang mga ayos ng kagamitan sa sala. "Alam ba ito ni Papa? Baka magalit siya Mama." Alala kong sabi. "Hindi ko na kailangang sabihin. May karapatan naman tayo dito anak, lalo na at ako na ang magiging asawa ni Carlo." Pagmamalaki pa niya sa akin. "Nasaan pala si Papa?" Tanong ko habang pinapanood siyang ayusin ang mga gamit sa sala. "May inasikaso lang. Christian, nararamdaman kong mapapasatin na ang lahat." Nakangiti niyang sabi. "Kapag ikinasal na kami ni Carlo, ang susunod kong gagawin ay sisiguraduhin ko na malilipat sa pangalan mo ang lahat ng kayamanan ng Dela Paz." May gumuhit na ngiti sa aking labi pero kasunod nun ang pagkabahala. Tama ba itong ginagawa namin ni Mama? Hindi ko na dapat isipin yun, inaalala lang naman niya ang kapakanan at magiging kinabukasan ko. Natapos ang pag-aayos ni Mama sa sala. Bagong kulay ng kurtina, bagong pwesto ng mga upuan at mga kagamitan. "See. Mas maganda na ngayon kesa dati." Malapad ang kanyang mga ngiti. Nagustuhan ko rin ang bagong set ng aming sala pero hindi ko nasisigurado na magugustuhan ito ni Andrei. "At itong mga larawan na ito." Ipinakita niya sa akin ang hawak niyang picture frame. Mama iyon ni Andrei. "Itinatapon na dapat ito." Pagkatapos niyang sabihin yun ay inihagis niya ang picture frame sa basurahan. "Mama." Gulat kong bigkas. "Wala na siya dito kaya dapat mawala na rin ang kanyang alala dito sa bahay." Sabi ni Mama. Sumang-ayon naman ako sa kanya. "May punto ka rin Mama." Nakangiti kong sabi. "Manang." Pagtawag ni Mama at agad namang dumating si Manang. "Ano po iyon Ma'am?" Sagot ni Manang. "Itapon mo ang mga basura na yan!" Sabi ni Mama at itinuro ang mga picture frame ng Mama ni Andrei. "K-kasi po baka magalit si Andrei. Mahalaga po sa kanya ang mga ito." Sagot niya. "Wala akong pakialam." Galit na sabi ni Mama. "Hindi ko po kayo mapagbibigyan." Napayuko si Manang. Lumapit ako kay Mama. "Hayaan nalang natin Mama." Sabi ko. "Hindi. Gusto ko, itapon mo yan ngayon Manang kung hindi..." pagbabanta ni Mama. "Paaalisin niyo ako? Buong buhay ko dito ko na ibinuhos, hindi niyo ako mapapaalis hanggat narito si Andrei." Matapang na sabi ni Manang. "Aba, sumasagot ka pang matanda ka. Katulong ka lang dito!" Sigaw ni Mama sa kanya. "At ikaw, anong tawag mo sa iyong sarili?" Napanganga si Mama sa tanong ni Manang. Alam kong nabigla din siya rito. "Manang, sige na po, ako nang bahala dito." Sabi ko sa kanya pagkatapos ay umakyat siya papuntang kwarto ni Andrei. "Mama. Baka magsumbong yun kay Andrei. Dapat di niyo nalang kasi pinatulan." Sabi ko sa kanya. "Nanggigigil ako sa matandang yan. Kapag ikinasal kami ni Carlo, humanda siya, ako mismo ang magpapatalsik sa kanya dito sa mansyon!" Gigil na gigil pang sabi ni Mama. "Huminahon ka na Mama. Tama na." Pinaupo ko siya sa sala at bigla naming nakita si Andrei at Manang habang bumababa ng hagdan. Gulo na naman ito, nararamdaman ko. "Anong sinasabi ni Manang sa akin..." napatigil siya nang makita ang bagong set ng sala. Napakunot ang kanyang noo. "Sino ang nagbago ng ayos ng sala! Sino?" Galit na galit na sabi ni Andrei. "Anak, huminahon ka." Hinawakan ito ni Manang at napatayo naman si Mama sa upuan. "Andrei. Ako ang nag-ayos." Sabi ni Mama. "Anong karapatan mong pakialaman ang mga gamit dito sa bahay?" Sigaw nito kay Mama. Nakita ko naman ang takot sa mukha ni Mama. "K-kasi..." nabitin si Mama sa kanyang sasabihin nang biglang magwala si Andrei. "Ibalik niyo sa dati ang ayos ng sala! Wala kayong karapatang baguhin ito!" Sinasabi niya iyon habang hinahagis ang bawat makita niyang gamit sa sala. "Andrei, tumigil ka na anak." Pinigilan ito ni Manang. "Kapag hindi niyo ito babalik sa dati, humanda kayo sakin!" Tinitigan pa niya ng masama si Mama bago umalis. Sa sobrang pagkagulat ay napatulala na lamang si Mama. "Andrei." Tinawag ko ang pangalan niya pero hindi niya ako nilingon. Ngayon ko lang din nakitang magalit nang ganun si Andrei. Galit na galit ito. Sinasabi ko na nga ba at ganito ang kanyang magiging reaksyon. "Ma, okay ka lang ba?" Tumango siya. Alam kong nagulat din siya sa ginawa ni Andrei. Umalis na si Mama at pumasok sa kanilang kwarto ni Papa. Tinulungan ko naman si Manang na iligpit ang mga gamit na mga nabasag at nagkalat at ibalik sa dating ayos ang mga gamit sa sala.
BINABASA MO ANG
A Brother's Love (Bromance) ~°Completed°~
General FictionAn original work of Cris Morata posted in M2M Love Story facebook page. Published on wattpad by Shin Eun Ki. This is a work of fiction. Names, characters, places and incidents are product of the author's imagination, or, it real are used fictitiousl...