A Brother's Love (Bromance) CHAPTER 11
CHRISTIAN's POV
Walang nagawa si Andrei kundi sundin ang sinabi ko. Magpapalipas muna kami ng gabi at bukas ay uuwi na. Hindi dapat malaman ni Kuya na may kasalang magaganap bukas. Kapag nangyari iyon ay sigurado akong masisira ang aming plano. Katabi ko siya ngayon habang kumakain kami ng hapunan. "Salamat Kuya at nakinig ka sa akin. Malakas kasi yung ulan sa labas baka pag umuwi tayo niyan may mangyari pa sa atin sa daan." Sabi ko. Nakikita ko naman sa kanyang mukha ang labis na pag-aalala. Kinuha niya ang kanyang cellphone. "Bwisit, ngayon pa nawalan ng signal!" Asar niyang sabi. "Sino ba yung tatawagan mo Kuya?" Taka kong tanong sa kanya. "Si Ken, makikibalita sana ako kung ano ang nangyayari sa bahay." Bigla siyang tumayo. "Saan ka pupunta? Hindi mo pa naubos yung pagkain mo." Sabi ko sa kanya. "Wala akong ganang kumain. Maghahanap lang ako ng signal." Pagkatapos nun ay umalis na siya. Mabilis ko ding tiningnan ang cellphone ko kung may signal ito pero wala din. Kailangan kong makausap si Mama. Ano kayang nangyayari ngayon sa Mansiyon at biglang napatawag si Manang kay Andrei? Kinakabahan ako na baka alam na ni Manang ang plano namin ni Mama. Malakas ang kutob ko. Kailangan matuloy ang kasal bago pa malaman ng lahat ang plano namin at mawala na sa landas namin si Manang! Pinipilit kong tawagan si Mama pero walang nangyayari, wala pa ring dumarating na signal. "Kailangan matuloy ang kasal." Sabi ko sa aking sarili. Biglang dumating si Andrei. "Ito na, may signal na." Sabi niya. Bigla akong kinabahan habang kinokontak niya si Ken. "Hello Ken. Hello..." nakita ko ang mukha niyang dismayado. "Anong nangyari Kuya?" Tanong ko. "Nawalan na naman ng signal. Badtrip!" Sabi niya. Napabuntong-hininga ako ng malalim. Pumapanig parin ang pagkakataon sa amin ni Mama. Mas mabuti nang hindi makausap ni Andrei si Ken at baka may matuklasan pa silang dalawa. Nag-aalala na ako para kay Mama. Matuloy kaya ang kasal bukas? Sana ay mangyari iyon.
-
Naalimpungatan ako at bigla kong hinanap si Andrei. Wala siya sa kanyang higaan. Napabalikwas ako at nagmadaling lumabas ng kwarto. Tiningnan ko ang orasan at alas-tres na ng madaling araw. Saan kaya nagpunta si Andrei? Hindi kaya siya nakatulog sa sobrang pag-aalala? Nakita ko siya sa labas ng gate at nagulat pa ito ng makita ako. Tumigil na rin pala ang malakas na ulan. "Bunso, masyado pang maaga. Matulog ka ulit." Sabi niya sa akin. "Napansin ko kasing wala ka sa higaan mo. Hindi ka ba makatulog Kuya?" Usisa ko sa kanya. "Oo bunso. Kagabi pa ako hindi mapakali. Malalaman ko din mamaya ang sasabihin ni Manang kasi uuwi na tayo." Lumapit siya sa akin at niyakap ako. "Kuya, kapag ba ikinasal si Mama at Papa magagalit ka?" Kumalas siya sa pagkakayakap sa akin at napaatras sa itinanong ko. "Alam mo namang tutol ako sa pagpapakasal nila." Sagot niya. "Pero Kuya..." pinutol niya ang sasabihin ko. "Wala pang isang taon nang mawala si Mama. Respeto, yun lang ang gusto kong ibigay nila." Emosyon niyang sabi. Sinasabi ko na nga ba. Kapag maaga kaming makauwi bukas ay baka mapigilan pa ni Andrei ang kasal. Hindi dapat iyon mangyari. Sabay kaming bumalik sa loob ni Andrei at natulog. Kinabukasan. Paggising ko ay nakita ko na siya inaayos ang mga gamit namin. "Kuya." Nilingon niya ako. "Uuwi na tayo." Sabi niya. "Agad agad? Kain muna tayo." Sabi ko habang nag-uunat ng balikat. "Sa bahay na tayo kumain. Gusto kong umuwi ng maaga." Sagot naman niya. Nang matapos kaming makapag-ayos ay mabilis kaming umalis ng rest house. Habang nasa biyahe ay nakikita ko sa mukha ni Kuya ang labis na pag-aalala. Kinuha niya ang kanyang cellphone at nadismaya nang malamang lowbat na pala ito. "Badtrip talaga." Inis niyang sabi. Ibinigay ko naman sa kanya ang aking cellphone pero hindi niya iyon kinuha. "Huwag na. Malapit na tayo. Gusto ko na kasing makita si Manang." Sabi niya. Maya-maya'y nakarating na kami at pagbaba palang ni Andrei ay mabilis na itong tumakbo papasok sa loob ng mansiyon. Nakahanap naman ako ng tiyempo para matawagan si Mama. "Hello." Sabi ko. "Anak, mamaya kana tumawag, kinakasal na kami ni Carlo ngayon." Pagkatapos nun ay ibinaba na niya ang tawag. May naipintang ngiti sa aking labi. Kapag nalaman man ito ngayon ni Andrei ay alam kong hindi na niya mapipigilan ang kasal. Pagpasok ko sa loob ay hindi mapakali si Andrei na hinahanap si Manang. "Manang." Paulit-ulit niyang sigaw pero walang nagpapakita. "Kuya. Baka wala dito si Manang. Baka umalis siya." Sabi ko. "Hindi naman aalis yun nang hindi nagpapaalam sakin." Sagot naman niya. Ilang sandali pa ay nakarinig kami ng ingay galing sa taas. Kung hindi ako nagkakamali ay katabi iyon ng kwarto ni Andrei. Nagkatinginan muna kami ni Kuya at mabilis na tumakbo paakyat ng hagdan. Pagbukas namin ng pinto ay nakita namin si Manang... nakatali ang kanyang katawan sa upuan at may nakatakip na tela sa kanyang bibig. "Manang." Nilapitan agad siya ni Andrei at tinanggal ang tali sa katawan. "Sino pong may gawa nito sa inyo?" Pagtatakang tanong ni Kuya. "Mamaya ko na sasabihin sayo ang lahat. Kailangan mo munang pigilan ang kasal ngayon." Nakita kong nagulat si Andrei sa sinabi ni Manang. "K-Kasal?" Nandilat ang kanyang mga mata. "Wala nang oras. Umalis kana anak. Kailangan ay hindi matuloy ang kasal." Mabilis tumakbo palabas si Andrei. Lumabas ng kwarto si Manang pero bago pa siya makababa ng hagdan ay napigilan ko na siya. "Sandali Manang." Humarap siya sa akin. Nakatanggap ako ng isang malakas na sampal galing sa kanya. "Manloloko kayo. Alam ko na ang pina-plano niyo!" Galit niyang sabi na sobrang ikinagulat ko. Paano niya nalaman ito? Walang ibang dapat makaalam nito. "Ano bang sinasabi mo Manang." Hinawakan ko ang kamay niya pero nagpumiglas siya. "Huwag mo akong hawakan. Mga manloloko kayo! Ibubulgar ko ang plano niyo at hindi niyo ako mapipigilan." Galit na galit niyang sabi sa akin. "Manang. Wag po, maawa po kayo samin." Akma siyang bababa nang pigilan ko siya. "Bitawan mo ako Christian." Hanggang sa hindi ko sinasadyang maitulak siya kaya nagpagulong-gulong ang kanyang katawan sa hagdan. "Aaaaaahhhhh." Nahulog si Manang sa hagdan at nawalan ito ng malay. Itinulak ko siya sa hagdan para mahulog! Hindi, aksidente lang ang nangyari. Napatulala ako sa bilis ng pangyayari pero kasunod nun ang pagngiti ko. Tama lang siguro ang nangyari. Para hindi maibulgar ni Manang ang plano namin ni Mama! Patawad Manang, masyado ka nang maraming nalalaman kaya kailangan mo nang manahimik!
---
ANDREI's POV
Galit na galit akong tumakbo palabas ng bahay. Iyon pala ang gustong sabihin sa akin ni Manang kagabi, na magpapakasal na si Papa at ang kanyang kabit! Ang bilis naman yata ng pangyayari na labis kong ikinagalit. Ang hinala ko ay ang Mama ni Christian ang may pakana ng lahat ng ito. Paglabas ko ng gate ay biglang dumating si Ken na nakasakay sa motor. "Tara na." Sabi niya at naintindihan ko naman agad ang ibig niyang sabihin. "Paano mo nalaman?" Tanong ko habang naka-angkas sa kanyang motor sa likuran. "Kay Papa ko nalaman. Buti naman at nakauwi agad kayo. Kagabi pa kita tinatawagan pero di kita makontak." Sabi niya. "Walang signal, ang lakas ng ulan kagabi. Pwede mo bang bilisan Ken, baka maabutan pa natin ang kasal." sabi ko kasunod nun ang pagharurot ng kanyang motor. Muling nanumbalik ang galit sa puso ko. Mas lalong hindi ko mapapatawad si Papa sa kanyang paglilihim sa akin. Nakarating kami sa simbahan pero wala na kaming naabutan doon. Huli na, tapos na ang kasal! "Pare, hindi na natin naabutan ang kasal." Sabi ni Ken. "Hindi ko na alam ang gagawin ko Ken. Ang sakit-sakit nang ginawang 'to ni Papa sakin. Ang sakit-sakit Ken." Bigla niya akong niyakap at pinapagaan ang loob ko. "Kayanin mo. Lakasan mo ang loob mo Andrei. Maging malakas at matapang ka na harapin ang kasalukuyan." Sabi niya. Alam kong tuwang-tuwa sa mga oras na ito ang kabit ni Papa. Kahit kailan ay hindi niya mapapalitan si Mama bilang Ina ko. Hinding-hindi ko siya matatanggap! Kinuha ko ang cellphone ko pero low battery na pala ito. "Pwede bang mahiram ang cellphone mo Ken. Tatawagan ko lang si Christian." Ibinigay naman agad niya ito at mabilis kong tinawagan ang kapatid ko. "Sino 'to?" Bungad niya. "Si Andrei 'to bunso. Nasa bahay ka pa? Gusto kong makausap si Manang!" Sabi ko. "Yun na nga Andrei. Nandito kami sa Ospital ngayon..." bumilis ang tibok ng puso ko. "Bakit, anong nangyari?" Taka kong tanong. "Si Manang... nahulog sa hagdan." Nandilat ako sa ibinalitang iyon ni Christian. Ibinigay ko na ang cellphone kay Ken na labis ang pagtataka. "Pare, may nangyari ba?" Tanong niya. Bigla ko siyang niyakap sa sobrang pagkagulat. Halo-halo na ang emosyon na nararamdaman ko. Parang sasabog ang puso ko!
---
KEN's POV
Bigla akong niyakap ni Andrei pagkatapos niyang makausap si Christian. Nararamdaman kong may hindi magandang nangyari kung bakit ganito kaapektado si Andrei. "Pare, hindi ko na alam yung gagawin ko. Parang gusto ko nang mawala." Nabigla naman ako sa kanyang sinabi. "Pare naman, wag kang magsasalita nang ganyan. Tara na, umuwi na tayo." Hinila ko na siya pero pinigilan niya ako. "Ayokong umuwi sa bahay. Ayokong makita ang pagmumukha nilang dalawa. Gusto kong makalimot Pare. Sawang-sawa nakong masaktan." Sabi niya. Hinawakan ko ang kamay niya at hinila papunta sa motor na dala ko. "Inom tayo sa bahay." Sabi ko sa kanya. Pagdating namin sa bahay ay agad kaming nagsimulang uminom. Hinahayaan ko lang siya sa gusto niyang gawin. Ito lang naman ang katapat ni Andrei kapag nasasaktan. Alak. Kapag nakakainom siya ng alak ay parang nawawala ang lahat ng problema niya. Ilang bote na ang napatumba ni Andrei at siya din ay nakatulog na sa sala sa sobrang kalasingan. Niligpit ko na ang mga bote ng alak na aming nagamit at iba pang mga kalat sa sala. Pagbalik ko ay nakita ko si Papa na binabalutan ng kumot ang katawan ni Andrei. "Papa." lumingon siya sa akin. "Naglasing na naman ang inaanak ko." Sabi niya, lumapit ako kay Papa. "Nalaman na niya Papa." Sabi ko. Pag-uwi ko galing sa rest house ay doon ko nalaman ang kasalang magaganap pero hindi ko sinabi kay Andrei agad dahil alam kong mabibigla at masasaktan siya. "Maswerte siya at palagi kang nandiyan sa kanya. Hanggang kailan ka ba ganito sa kanya anak?" Napatingin ako kay Papa. "Hanggang kailan ka ba mananatili sa tabi niya?" Alam ko ang tinutukoy ni Papa. "Hangga't kaya ko pa Papa." Sagot ko sa kanya at binigyan niya ako ng isang yakap. "Kung saan ka masaya, hindi kita hahadlangan anak. Pero sana... kung sobrang sakit na, bumitaw ka na." Sabi niya pagkatapos ay umalis na. Napatingin ako kay Andrei. Lumapit ako sa kanya at hinaplos-haplos ang kanyang mukha. "Hindi ako magsasawang damayan ka Andrei dahil... mahal kita. Matagal na kitang minamahal, Andrei."
BINABASA MO ANG
A Brother's Love (Bromance) ~°Completed°~
Ficção GeralAn original work of Cris Morata posted in M2M Love Story facebook page. Published on wattpad by Shin Eun Ki. This is a work of fiction. Names, characters, places and incidents are product of the author's imagination, or, it real are used fictitiousl...