Clarity's POV
Imbes na saya ang maramdaman ko ngayon dahil sa nanalo kami at ako pa ang napiling Player of the Game, inis at galit ang nangingibabaw sa dibdib ko. Kulang na lang ihagis ko sa pagmumukha ni Allison ang bolang hawak-hawak ko kanina! 'Yong makapal na mukha niya sana ang gagawin kong ring, bagay na bagay na sumalo sa three-points ko! Please Lord, sana po bigyan niyo ko nang konti pang pasensya at baka masakal ko na talaga 'yan!
"Clang! Great game!" Inakbayan ako ni Idol Kurt at may kung sinong nginitian, nagpeace sign pa siya. "Uy, magsmile ka naman!" natatawang hirit pa nito na hinigpitan pa ang pagkaka-akbay sa akin.
Nagawa ko na ring ngumiti, pero pilit naman, sana lang hindi nila nahalata. May camera na pa lang nakatutok sa'min, kaka-isip ko sa nangyari kanina 'di ko na namalayan. Naka-ilang kuha rin ang sa tingin ko ay photographer ng school. Napapatawa pa siya at ang mga kolokoy ko na teammates ay busy sa pagphotobomb sa'min. Kasabay niya na nagpaalam si Idol at 'di pa nakakalayo ay dinumog na ng mga estudyante na fans din. Napasimangot na lang ako nang maalala na naman ang nangyari kanina. Tsk.
"Clarity!"
Agad akong sinunggaban ni Indie ng yakap, ang higpit-higpit na feeling ko ay kakapusin na ko sa hangin at hindi na makakahinga. Kahit sobrang dami ng tao ay nagawa niya agad lumapit sa'min dito sa court. Sa bagay, Top 1 siya ng Hierarchies at sino ba naman ang hindi nakakakilala sa kanya? Kung ako man ay hamak na estudyante lang dito at may pagpahalaga sa buhay ko, tatabi at tatabi ako para makadaan siya.
"I'm so proud of you! Ang galing-galing mo," nakangiting puri niya sa akin. Lalo rin siyang gumaganda 'pag ganitong masaya siya.
Hay, nandito na naman ang pamilyar na pagsikdo ng puso ko. Ang dami kayang napalingon sa'min, tapos biruin mo, isang Indigo Jade Delabuella pa ang magsasabi na proud siya sa'yo? Jusko! Hoy heart, ba't ka naman nabuwal, tsaka agad-agad? Ibilang na rin na suot-suot niya 'yung "couple hoodies" namin na pinaresan niya ng itim at may kupas-kupas na jeans at 'yung uso na Adidas sneakers. Nakaponytail ang mahaba niyang buhok na may iilang pasaway na hibla malapit sa mukha, litaw tuloy ang kamestizahan ni Topak. Naisip ko na baka ganun talaga kapag may karanasan na sa pagmomodelo, na kahit anong ipasuot sa kanila, kering-keri nila irampa kahit naglalakad lang diyan sa kalye at magmukha itong mamahalin.
"S-salamat Indie." Nakaramdam ako ng konting pagkahiya sa kanya dahil pawisan na nga ko, feeling ko ang baho-baho ko pa, samantalang siya fresh pa ang amoy. Eh kailan ba naging hindi kanais-nais ang amoy niya, h'm?
"Always welcome."
Hindi ko alam kung anong meron sa moment na 'yon, pero nung nagkatitigan kami ni Indie, pareho naming alam kung anong susunod at dapat na mangyari. Siya ang unang naglapit ng mukha at sumunod na ko para tagpuin siya--
"Congrats Clarity."
Mabilis pa sa alas kwatro akong napatingin sa likuran niya, at ganun din kabilis na napataas ang isang kilay ko sa nakita. Kahit kailan, ang pangit talaga ng pagka-angas niya. Hindi naman siya naka-all out na pormang panlamay ngayon, punit-punit na pantalon at Converse na sapatos lang ang itim. Tapos nakasuksok pa 'yung mga kamay niya sa bulsa ng jeans niya.
Allison.
Ano pa at eeksena ang magaling at mahilig umeksena. At kailangan ba na palagi siyang nakasunod kay Indigo? Sumasideline ba siyang bodyguard nito? Tinanguan niya ko na akala mo matagal na naming ginagawa 'yon bilang magkaibigan. Nakakabuwisit lang! So ngayon, gusto niya 'yung ano ba, porgib and porget na lang? Na kunwari walang naging away sa amin noon? Baka nakakalimutan na ng babaeng 'to kung paano niya ko sinuntok, sinabunutan at tinapilok? Hindi agad ako sumagot at tiningnan muna si Indie. Siyempre, ang laking gandang tanawin naman ni Topak kaysa sa kanya noh. Kita ko ang pag-aalinlangan sa mukha niya, marahil naramdaman din niya ang tensiyon sa pagitan namin ni Allison. Unti-unti niyang inalis 'yung mga braso niya na nakakapit sa leeg ko dahil sa pagyakap niya kanina.
BINABASA MO ANG
Kiss Cam! (GirlxGirl)
Teen FictionPaano kung isang gabi mahalikan mo nang hindi mo ginugusto ang babaeng kinaiinisan mo sa balat ng lupa? 'Yung kulang na lang ay sabunutan mo na ang sarili mo dahil sa kaartehan, kayabangan, kasungitan? Huwag natin kalimutan na matapobre pa. Maaapekt...