Chapter L
Another Has FallenAuriel
“ASSASSINATION Report: Rank 13 claimed by Jewel San Jose of Bloodlust.”
Napahinto ako sa pagsubo. Hindi ko napigil ang makaramdam ng inis dahil sa narinig galing sa speaker. Nasundan pa 'yon ng mga bulungan sa loob ng cafeteria na nakadagdag lang sa nararamdaman ko.
“Shocks, pang ilang kill na ng Bloodlust 'to ngayong linggo?”
Iritado akong tumayo at tinungo ang pinto para lumabas. Wala na 'kong gana.
“Assassination Report: Rank 20 claimed by Lorenz Arsenia of Bloodlust.”
“Inaagaw ng Bloodlust lahat ng posisyon sa ranking!”
Huli kong narinig galing sa speaker at maiingay na mga bunganga.
Habang naglalakad sa isa sa mga school wing, namataan ko ang ilang Bloodlust na nakahilerang tumatakbo at pinangungunahan ng isang miyembro nilang nasa ranking. Iba na ang dating ng mga 'to ngayon, puno na ng tigas ang mga ekspresyon nila. Iba na rin sila kung tumitig.
Araw-araw silang tumatakbo paikot sa buong campus. Takaw- pansin na ang karamihan sa kanila ay may mga sugat o hiwa sa kamay. Kabilang na ro'n si Janina na alam kong nakita ako pero nag-iwas lang ng tingin at yumuko.
Bukod sa pagpuntirya sa mga nasa rank, halos araw-araw may pinapatay ang Bloodlust at nagdadagdag ng puntos.
“Para na silang mga sundalo,” singit ni Kiel na inaasahan ko nang susulpot. Nitong mga nakaraang linggo siya na kasi ang madalas kong nakakasama. “Why the long face, Auriel?”
“Kumusta si Canary?” pag-iiba ko sa usapan.
“Sinilip ko siya sa student council office kanina,” panimula niya na sumasabay na sa paglalakad ko. “Tambak ng mga papel ang mesa niya. She looks satisfied though, being part of the student council,” nakangiti niyang pagkukuwento na ikinangiti ko na rin.
Masaya ako para kay Canary na siya nang bagong secretary.
“Off limits ka pa rin ba sa office, Auriel?” tanong na ni Kiel sa 'kin.
“Hindi naman sa off limits. Ayaw lang siguro ng presidente na may istorbo,” isinagot ko kahit na alam kong inilalayo lang ako ni Luciel sa kung ano.
Nagpatuloy ang kuwentuhan namin hanggang sa makaakyat na kami sa third floor kung saan malapit na ang magkaiba naming klase. Hindi halata pero natural na madaldal si Kiel kaya naaaliw akong kausap siya. Nakakalimot ako dahil sa kanya.
“Teka, wala yata 'yong project na ipapasa ko.” Paghinto niya bigla habang hinahalughog ang bag na kulang na lang ikalat niya sa sahig ang lahat ng laman.
“Baka naiwan mo sa dorm?”
“Sana nga,” problemado niyang sagot.
“Kunin natin.” Nakangiting mungkahi ko na nakapagpangiti sa kanya kahit papaano.
“Halika, may alam akong mas mabilis na daan.”
Sinundan ko na lang siya na mabilis nang tumatakbo. Nag-echo sa sahig ang mabibigat na yabag ng mga paa namin. Walang ka-tao tao sa pasilyo dahil ang mga estudyante ay nasa mga klase na nila.
Napatigil lang ako sa pagtakbo nang mapansin ang sintas kong hindi na pala nakabuhol. “Sandali lang, Kiel!” tawag ko sa kanya na mukhang hindi niya narinig. Hindi niya 'ko nilingon.
Mabilis sana akong matatapos sa pagsisintas kundi lang sa lalaking biglang bumalya at kumaladkad sa 'kin pababa sa hagdan. Nanlaki na lang ang mga mata ko sa sakit nang ihampas ni Stephan ang katawan ko sa pader saka niya itinakip ang kamay sa bibig ko.
Sa lapit ng galit niyang mukha sa 'kin, kitang-kita ko kung ga'no siya kagigil.
“You killed Yasmin!” Akmang itatarak niya na sa leeg ko ang hawak na patalim nang kagatin ko ang kamay niyang nasa bibig ko.
Napangiwi siya sa sakit. Kinuha ko naman ang pagkakataon at hinatak siya sa magkabilang balikat bago ko siya buong puwersang tinuhod sa sikmura. Napaluhod siya sa sahig sapo ang parteng nananakit.
Wala na 'kong balak na hintayin na lang ang kung sinuman na saktan ako ng walang laban.
“Hindi ako ang pumatay kay Yasmin!” Ipinagdiinan ko 'yon kay Stephan saka ako dali-daling umakyat pabalik sa palapag na pinanggalingan ko.
Tinahak ko ang pasilyo kung saan alam kong maaabutan si Kiel. Pero napahinto na lang ako sa kinatatayuan nang mapansin ang papel kung saan nakaguhit ang isang punyal na nililingkis ng dalawang ahas— ang marka ng Bloodlust.
Sa di kalayuan, narinig ko ang ilang yabag ng mga paang naglalakad palayo.
Natutop ko na lang ang bibig dahil sa sunod na nakita— si Kiel na nakaupo sa sahig at hindi na humihinga. Umaagos ang dugo na hindi ko alam kung saan mismo nanggagaling. Naramdaman ko ang panginginig ng buo kong katawan. Nanlalabo na rin ang mga mata ko dahil sa luha.
“Assassination Report. Rank 10 Kiel Sandoval was assassinated by Captain Eunice Ferrer. Rank 10 free slot for Bloodlust.”
Napapikit ako dahil sa pangalang narinig. Pagdilat ko, matinding galit na ang sunod kong naramdaman. Hahakbang na sana ako patungo sa direksyon kung saan ko narinig ang mga yabag kanina, pero may kamay na humila sa 'kin palayo. Palayo kay Kiel at kay Eunice na napakademonyo!
Canary
Dahil sa announcement, mabilis kong sinundan ang yabag ng mga paang narinig ko kanina eksaktong napadaan ako sa third floor. Nabitiwan ko ang mga papeles na kumalat sa sahig nang madatnan ang duguang si Kiel habang tahimik na nakatayo si Auriel.
Nang makita kong akmang tatakbo si Auriel, agad ko siyang pinigilan at hinila palayo. Hindi nakabubuti sa kanya ang mga nangyayari. Katatapos lang siyang gaguhin ni Eunice tapos, may ganito agad. Hindi niya kakayanin, hindi kakayanin ng katinuan niya.
Walang lakas siyang nagpatangay sa hatak ko. Tahimik siya pero ramdam ko ang matinding galit sa loob niya. Kahit ako, nanggagalaiti.
“'Tang ina ng Eunice Ferrer na 'yan!” malakas kong sigaw, pampigil sa nagbabadya kong mga luha.
Napansin ko mang nakatayo si Stephan sa daraanan namin ay ipinagwalang bahala ko na lang. Wala akong pakialam sa kanya. Kahit ang pagkagulat na nakarehistro sa mukha niya ay hindi ko na binigyang pansin.
“Kasabwat ka ni Eunice?!” pasigaw na tanong ni Auriel bago puwersahang kumawala mula sa 'kin at hinarap si Stephan. Gumuhit ang kuko ko sa braso niya pero halatang hindi niya ramdam 'yon. Dama sa boses niya ang pangigigil at galit.
Lito kong ibinaling ang atensyon kay Stephan. Pa'nong damay siya sa nangyari?
“Don't you fucking accuse me.” Gumanti ng matalas na titig si Stephan. “Wala akong alam sa ginawa niya,” paglilinaw niya bago naiinis kaming nilayasan.
Napalingon ako sa katabi na hindi na mapigil ang galit. Natigilan ako sa nakikitang matinding ekspresyon sa mukha niya. Kulang na lang ay humawak siya ng patalim at sugurin si Eunice.
BINABASA MO ANG
K-High (Korosu High) Under Revision
Mystery / ThrillerA school where killing is the only way for the students to graduate. Four Factions, Four Captains, One weapon. Date Started: March 2017 Date Finished: June 2017