Chapter 1

38K 905 223
                                    

Kalilipat lang namin sa probinsyang ito, ang Doña Trinidad na napakalayo sa siyudad.

Nakatanaw ako sa labas ng kotse habang binabaybay namin ang kahabaan ng baku-bakong daan patungo sa nabiling villa ni Mama. Gusto raw niyang mag-move-on at magtago kay Papa. Sumama kasi si Papa sa kabit niyang kolehiyalang matanda lang yata sa akin ng isang taon, tapos pinapipili pa niya kami kung kanino kami sasama? Aba, siyempre kay Mama kami.

Ibinenta ni Mama ang mansiyon namin dahil lilipat daw kami. Kakahanap ng liblib na lugar sa internet ay nakita raw ni Mama ang binebentang villa sa probinsya nila. Binili niya pati ang taniman ng mais at palay para hindi mawalan ng kabuhayan ang mga nagtatrabahong magsasaka rito. Wala naman kaming choice ni Kuya Drei kahit tumutol kami.

Mukhang ayos naman dito, tahimik. Malayo sa ingay ng siyudad at sariwa ang hangin kahit tag-init na. May mga magsasakang naggagapas ng palay na nadaanan namin habang patungo sa villa. Hindi naman masyadong liblib ang kabayanan dahil may nadaanan kaming commercial area sa labasan. May nakita akong donuts, convenience store, at dalawang fast food chain. Masasanay din siguro kami dito.

"'Ma, matagal pa ba tayo?" Inip na ang Kuya Drei ko. May nakasalpak pang headset sa tainga niya pero naiinip pa rin siya. Ang layo naman kasi ng lugar na ‘to. Sabagay, hindi na bago sa amin ang magpalipat-lipat ng bahay. Mula pagkabata ay namulat na ako na paiba-iba kami ng tinitirhan.

"Malapit na. Ayan na, oh! Sa atin iyang haciendang ‘yan," pagmamalaki ni Mama.

Maganda ang villa mula sa labas. Mukhang pina-renovate muna ni Mama bago kami lumipat. Puti ang kulay ng exterior nito at nasa gitna ng malawak na looban, maaliwas tingnan, at mukhang hindi haunted house. Mabuti naman dahil ayokong ginugulo ako ng mga ‘yon. Alam din nina Mama ang kakayahan ko kaya pinabasbasan na rin daw niya ang villa bago kami lumipat.

Kakayahan, yes. I can see spirits pero hindi ko sila pinapansin. Iyon din ang payo ni Mama sa akin. Ignore them completely para hindi ako lalong lapitan. Nakatulong naman dahil kahit gulatin pa nila ako o magpakita sa harap ko, hindi ako kumukurap. Kunwari ay hindi ko sila nakikita. Hindi na rin naman ako nagugulat dahil sanay na ako. Mula pagkabata kasi ay nakakakita na ako ng multo. May takot akong nararamdaman pero pinaglalabanan ko dahil ayoko silang i-entertain.

Nakapasok na ang kotse sa looban. Maaliwalas din ang paligid ng villa. Mapuno at maraming bulaklak. May swing pa sa gilid at slide. May bata sigurong nakatira dati rito.

"Go kids, get your hand-carry stuff and get in. Maayos na sa loob." Binuksan naman ni Mama ang trunk para sa malalaking maleta. Ibinaba niya ang sa kanya at hinayaan kaming ibaba ang maleta namin ni Kuya.

May papalapit sa aming lalaking may edad na; nasa fifty plus na siguro ito. Medyo napapanot na at malaki ang tiyan pero mukha namang mabait. "Magandang umaga po, Ma'am."

"Oh, magandang umaga din, Mang Berting. Kids, si Mang Berting. Ang katiwala ng dating may-ari ng bahay. Kinuha ko na rin siya since kabisado na niya rito. Mang Berting, pakitulungan na po ang mga bata sa pag-akyat ng mga maleta nila."

"Sige po. Andoy! Pumarine ka nga at tulungan mo kami," tawag nito sa binatang nakahubad ang pangtaas at mukhang kasing-edad ko na nagsisibak ng kahoy. Gwapo at matipuno siya. Moreno at yummy ang abs. Ang nagagawa nga naman ng pagsisibak ng kahoy.

"Ma'am, anak ko pong bunso, si Andoy. Anak, pakitulungan silang iakyat ang mga bagahe nila."

"Opo." Kinuha nito ang dalawang malaking maleta, hinila saka sabay binuhat paakyat sa hagdan na may sampung steps papasok ng bahay.

"Wow! Maganda ang loob, Mama. Pwede na." Napanganga ako sa laki at luwang ng sala. Take note, walang multo so far. Nilingon ko ang paligid. May mga dilaw na papel na nakadikit sa bawat sulok. Galing ang mga ‘yon sa templong pinuntahan namin sa Bangkok. Ah, kaya pala. Naglagay si Mama ng pangtaboy ng spirits.

NECROPOLIS (Published - Viva Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon