ITINATAAS ni Yoomi ang rolling door ng tindahan niya nang biglang mawala ang bigat niyon sa mga kamay niya hanggang sa tuluyan na iyong bumukas nang wala siyang ginagawa. Nalingunan niya ang tumulong sa kanya – si Jason, ang lalaking hindi niya manliligaw at hindi rin masasabing malapit na kaibigan pero umaarte sa pagitan ng dalawang iyon.
“Good morning, Yoomi,” masiglang bati ni Jason sa kanya.
Gusto niyang mapangiti dahil nakakahawa naman talaga ang pagiging masayahin ni Jason, pero ayaw niyang bigyan ito ng dahilan para lalo siyang kulitin. Pabirong binunggo niya lang ito nang lagpasan niya ito. “Ang aga mong mambulabog.” Mag-a-ala siete pa lang ng umaga no’n.
Pumasok siya sa loob ng tindahan para ayusin ang mga paninda niyang damit. May maliit na puwesto siya sa 168 Mall sa Divisoria, at iyon ang bumubuhay sa kanya. Walong buwan pa lang ang negosyo niyang 'yon.
“Pauwi pa lang ako. Kakasara lang ng bar namin. At saka hindi dapat ganyan ang trato mo sa buena manong customer mo,” parang bata na sabi ni Jason.
Pumihit siya paharap kay Jason. Nakapatong ang baba nito sa mga braso nito na nakapatong sa bakal na sampayan ng mga paninda niyang damit na naka-hanger. Ayaw man niya, hindi siya maiwasang maisip na may pagka-cute din ang mokong.
Sige, aaminin na niya, guwapo si Jason. Matangkad ito, maputi, at singkit. 'Yon nga lang, medyo payat ito na bumagay naman sa tangkad nito.
Namaywang siya. “Talaga? Bibili ka?”
Ngumiti ito. “Oo. Kailangan ko ng bagong leather jacket para sa gig ko. 'Yong black, ha.”
Muli, pinigilan na naman niya ang mapangiti. Sa tuwing bumibisita sa tindahan niya si Jason, sinisiguro nito na ang pinakamahal sa mga paninda niya ang pinagbibibili nito. Hindi niya alam kung bakit nagtitiyaga itong bumili ng mga damit sa tiangge niya gayong bunsong anak ito ng may-ari ng Hanson Mall – ang pinakamalaking shopping mall sa Pilipinas.
Hindi normal ang naging una nilang pagkikita ni Jason. Kalilibing lang no’n ng nakababata niyang kapatid na si Maricel at dala ng labis na pagdurusa, nakatulugan niya ang pag-iyak sa tabi ng puntod ng bunso nila na pitong taon lang nang bawian ng buhay dahil sa brain tumor.
Nang magising siya, nasa loob na siya ng kotse ni Jason. Nanghihina siya no’n dahil inaapoy siya ng lagnat kaya hindi siya makagalaw. Sa totoo lang, natakot siya. Gayunman, nang makita niya ang mukha at ang mga mata ng binata, nawala ang takot niya. Nakita at naramdaman niyang sinsero naman ito sa pagnanais nitong tumulong.
Pero para makasiguro, binantaan niya si Jason at sinabi niyang may AIDS siya para magdalawang-isip ito kung sakaling nagkamali siya sa pagkilatis sa pagkatao nito. Hindi niya alam kung naniwala ito sa kanya, pero mukhang hindi naman dahil tinawanan siya nito no’n.
Dinala siya ni Jason sa bahay ni Issa ng gabing iyon, gaya ng pakiusap niya rito. Nagulat siya nang malamang magkakilala pala si Jason at si Samuel – ang asawa ni Issa na isang politiko. Do’n niya nalaman na anak-mayaman pala ang lalaking tumulong sa kanya.
Isang taon na ang lumilipas simula no’n, pero nasa buhay pa rin niya si Jason. No’ng una ay siniguro lang nito na maayos siya at wala nang sakit sa tuwing bumibisita ito sa bahay niya. Noon, minsan sa isang buwan lang ito kung magpakita. Pero nang magbukas siya ng tindahan, minsan sa isang linggo na kung kulitin siya nito para bumili ng kung anu-anong napagdidiskitahan nito.
“Hindi naman sa nagrereklamo ako, pero bakit ka nakatitig sa’kin?” naaaliw na tanong ni Jason na pumutol sa pagbabalik-tanaw niya.
Tinalikuran niya lang ito para pagtakpan ang pagkapahiya niya at hinanap sa kahon ang leather jacket na binibili nito, pagkatapos ay inabot niya iyon dito. Alam na niya ang sukat ng katawan ng binata dahil madalas itong bumibili sa kanya. “Pero isukat mo na rin para sure.”
“Nah, mas alam mo pa ang size ko kaysa sa’kin,” sabi nito, saka binalik sa kanya ang jacket para ipa-supot sa kanya. Inabot na rin nito ang buong isanlibong piso na bayad nito. Iyon ang gusto niya rito, hindi ito tumatawad.
Nang ibalik niya ang jacket kay Jason ay nakasupot na iyon. “May gig ka mamaya?”
Kahit anak ng mayamang negosyante, walang interes si Jason na sumunod sa yapak ng ama nito dahil may iba itong career. Naikuwento ng binata sa kanya – kahit hindi niya tinatanong – na tumutugtog ito sa Dine&Drink, ang resto-bar na pag-aari nito kasosyo ang mga kaibigan nito. Sa pagkakaalala niya, “Violet Rage” ang pangalan ng banda kung saan ito ang vocalist.
Ang sabi ni Issa, gano’n daw talaga ang mayayamang binata. Hangga’t hindi pa handang manahin ang negosyo ng pamilya, kung anu-ano ang pinaggagagawa sa buhay. Pero isang araw, si Jason pa rin daw at ang kuya nito ang magmamana ng kompanya ng mga magulang nito.
“Yep, may gig ako mamaya,” sagot ni Jason. Pagkatapos ay ngumiti ito na halatang nagpapa-cute. “I’m hoping you can come and watch me perform tonight, Yoomi.”
Hindi 'yon ang unang pagkakataon na inaya siya ni Jason na manood ng gig ng banda nito, pero parati niya itong tinatanggihan ng hindi kumukurap. Pero habang tumatagal, nahihirapan na siyang tanggihan ito ng diretso. Dahil ba napapalapit na siya sa binata kahit ayaw niya? Hindi naman kasi ito mahirap makapalagayan ng loob dahil mabait ito. At hindi naman nakakapuwerhisyo ang pangungulit nito, liban sa mga araw na galit lang talaga siya sa mundo.
Natauhan lang siya ng gumuhit ang pag-asa sa guwapong mukha ni Jason. Nahalata marahil nitong pinag-iisipan niya ang alok nito, pero ayaw niyang bigyan ito ng maling pag-asa.
“Pasensiya ka na, Jason, pero hindi ako puwede mamayang gabi,” sinserong paghingi niya ng paumanhin. Sa unang pagkakataon, mabigat ang pakiramdam niya sa pagtanggi kay Jason. “Nakikipagkita kasi sa’kin ang kuya ko.”
Biglang nawala ang ngiti ni Jason. “'Sounds like a bad idea to me.”
Minsan nang nagpang-abot ang kuya niya at si Jason sa bahay ng bisitahin siya ng huli. Hindi pa maganda ang tagpong iyon dahil nakita ni Jason na sinasaktan siya ng kapatid niya habang hinihingan ng pera. Binigyan ni Jason ng malaking halaga ang kuya niya para umalis ito.
Hiyang-hiya siya kay Jason no’n kaya sinisiguro niyang hindi na uli magtatagpo ang landas nito at ng kuya niya. Mas matanda ng limang taon sa kanya ang kapatid niya pero sakit ito ng ulo.
Bumuntong-hininga siya. “Wala naman na kong magandang inaasahan sa buhay ko ngayon.”
Nilahad ni Jason ang kamay nito sa kanya. Seryoso ito. “Kapag sumama ka sa’kin, marami akong ipapakita sa’yo na magagandang bagay.”
Gustung-gusto niyang tanggapin ang kamay ni Jason. Na tumakas sa pangit realidad niya. Pero ayaw na niyang paasahin ang sarili niya dahil tiyak na hahanap-hanapin niya kung anuman ang ipapakita ng binata sa kanya. Ayaw niyang mapalapit sa taong alam niyang mawawala rin kalaunan sa tabi niya.
Sinenyasan niya si Jason na umalis na. “May mga customer na ko, Jason. Saka ka na lang uli mangulit. Good luck na lang sa gig mo mamaya.”
Nalaglag ang mga balikat ni Jason, halatang nadismaya sa sinabi niya. Pero nang makabawi ay ngumiti uli ito. “I’ll just see you next week, Yoomi.”
Hinayaan niya si Jason na pisilin ang baba niya bago ito umalis.
Pinanood niya si Jason habang naglalakad ito palayo, habang iniingata niya sa puso niya ang pangako nito na magkikita uli sila sa susunod na linggo. Baka sa susunod na iyon, um-“oo” na siya kay Jason.
BINABASA MO ANG
I Married The Wrong Guy
RomanceYoomi married Jason for his money. But it turns out he isn't the rich heir she thought he is. Ang kuya pala nitong si Chess ang totoong tagapagmana. At si Chess din ang kailangan niya para mabayaran ang mga utang niya. Dang, she married the wrong gu...