Chapter 17

4K 98 7
                                    

NAKATAAS ang kilay ni Yoomi habang pinapanood ang lalaking nagpakilala bilang “Chess” na sumubo ng malaki sa kinakain nitong Zinger sandwich.
Wala siya sa sarili niya ngayon kaya marahil napapayag siya nitong umalis sa tindahan niya at ilibre ito sa KFC. Isa pa, kung hindi pa siya babawi sa atraso niya rito, baka mas malaking pabor na ang hingin nito sa susunod nilang pagkikita.
“What’s your name again?” tanong ni Chess habang sumusubo ng fries.
“Yoomi,” walang ganang sagot niya.
“Wala kang apelyido?” sarkastikong tanong nito.
“Hindi ako gano’n katiwala sa’yo para ibigay ko sa’yo ang buo kong pangalan.”
Natawa ito. 'Yong klase ng tawa na lalaking-lalaki pakinggan dahil mababa iyon, pagkatapos ay tinuro pa siya nito. “Your parents taught you well, Ponkan Girl.”
Ngalingaling sipain niya ang binti nito sa mesa. Napaka-arogante nito, masyadong bilib sa sarili at maangas kumilos na parang pag-aari nito ang buong mundo. “Huwag mo nga kong tawaging ‘Ponkan Girl’. Sinabi nang ‘Yoomi’ ang pangalan ko.”
Iwinasiwas lang nito ang kamay nito. “Any foreign blood? Your name sounds Korean or Japanese to me.”
Umiling siya, saka sinimulang kainin ang fries niya. “Pure Filipina ako. Ikaw, half-gameboard ka?”
Natigilan si Chess sa pagsubo ng burger nito, at napatitig sa kanya. Pagkatapos ng limang segundo ay natawa ito ng malakas. Sa lakas niyon ay napatingin sa kanila ang ibang customer. Sabagay, kanina pa naman sila pinagtitinginan ng mga babaeng customer.
Ngayong tinanggal na ni Chess ang suot nitong cap, mas lalong lumitaw ang kaguwapuhan nito. Madali rin itong mapansin dahil kulay brown ang buhok nito at gano’n din ang mga mata nito. Mukha rin itong mayaman, kaya nagtataka siya kung ano’ng ginagawa nito sa Divisoria.
Nang humupa na ang pagtawa ni Chess ay nangingilid na ang mga luha nito. “Oh, God. How can you make a joke with a straight face?”
Siya naman ang natigilan. Sinabi rin iyon ng asawa niya sa kanya noon. Bigla-bigla ay naisip niya na sana, nasa bahay siya ngayon at kayakap si Jason habang nanonood sila ng TV.
“Ayaw mo ba ng burger mo?” tanong ni Chess sa kanya mayamaya, habang masama ang tingin sa pagkain niya.
Tinulak niya ang plato niya rito. “Sa’yo na lang. Mukhang kulang pa 'yong Zinger mo, eh.”
“Ang kuripot mo naman kasi,” sisi nito sa kanya. “Sinabi ko naman sa’yo na dalawang Zinger ang bilin mo sa’kin, hindi ka nakinig.”
“Ang kapal ng mukha mo. Ikaw na nga 'tong nililibre, nagrereklamo ka pa,” angil niya rito.
Tumawa lang uli ito.
Nangalumbaba siya habang pinapanood ito. Malaking kontradiksyon ang lalaking ito. Bihis-tambay ito, pero may kakaibang pagka-elegante sa mga kilos nito. Magaspang itong magsalita kung minsan, pero magandang pakinggan ang pagsasalita nito sa Ingles. “Chess, bakit ganyan ka? Para kang may tinatakbuhan. May kasalanan ka ba sa batas?”
Pumalataktak ito. “Natatakot ka ba sa’kin?”
Umiling siya. “Hindi. Sanggano ang kuya ko. Wala nang mas nakakatakot sa kanya.”
Ngumisi ito. “You’re so natural.’
Kumunot ang noo niya. “Ano’ng ibig mong sabihin?”
Naging magandang ngiti ang ngisi nito. “I’m comfortable with you. I think I like you.”
Iwinasiwas niya ang kamay niya rito. “Sinabi ko na sa’yo. May asawa na ko.”
Dumukwang ito sa mesa at bumulong sa kanya. “Masaya ka ba sa asawa mo?”
Imbis na ma-offend, napaisip siya sa tanong nito.
Parang pelikula na bumalik sa isipan niya ang lahat ng ginawa ni Jason para sa kanya. Simula nang makilala niya ang asawa niya, wala na itong ibang pinakita sa kanya kundi kabutihan. Ibinalik nito sa kanya ang mga ngiti at tawa niya.
Higit sa lahat, binigyan siya nito ng bagong buhay at bagong pangarap.
“Because I believe in you. I believe in whatever dream you have. Kaya kailangan mong ipagpatuloy 'yon. Aside from being my wife, I want you to be the best person you could be. Be successful in whatever field you choose, Yoomi. I’ll be with you every step of the way.”
Nabalot ng kakaibang init ang puso niya. Paano siya hindi magiging masaya sa piling ng lalaking ginagawa ang lahat para sa kanya nang walang hinihintay na kapalit?
“If you’re not happy with your husband,” pagpapatuloy ni Chess habang inaalis nito ang letuce sa burger niya. “Leave him. Someone else can make you happy, you know.”
“Ano?”
“Masyado ka pang bata para maging asawa ng kung sino’ng mukhang hindi ka naman napapasaya. How old are you? Twenty three? Twenty four? Baka nabigla ka lang nang nagpakasal ka.”
Hindi ba nito napapansin na hindi na siya natutuwa sa pinagsasasabi nito?
Nag-angat ng tingin si Chess sa kanya. “What’s wrong?”
“Hoy, Gameboard. May nakapagsabi na ba sa’yong nakakabuwisit ka?”
Gumuhit ang naaaliw na ngisi sa mga labi nito. “I know people talk behind my back, saying more brutal things than that. Pero ikaw ang kauna-unahang taong nagsabi sa’kin niyan ng harapan. Ayaw mo ba sa’kin?”
Tumango siya. “Oo. Hindi lahat ng babae, interesadong makasama ka kaya kung puwede lang, 'wag kang umasta na para bang utang-na-loob namin sa’yo na kausapin mo kami.”
Natigilan si Chess sa ginagawa nito. Sumandal ito sa upuan at humalukipkip habang pinagmamasdan siya nang may pagkaaliw sa mga mata. “You’re interesting.”
Humigop lang siya ng Coke.
“Yoomi, mahal mo ba ang asawa mo?”
Muntik na siyang mabulunan dahil sa tanong ni Chess. Napaubo siya. Tinanggap niya ang tissue na inabot nito sa kanya. Nararamdaman niya ang pag-iinit ng mga pisngi niya. Mahal na ba niya ang asawa niya?

NAGTAKA si Yoomi nang pag-uwi niya sa bahay ay hindi niya naabutan si Jason sa sala gaya ng inaasahan niya. “Jason?”
May narinig siyang maliliit na boses, tawanan at sigawan. Mayamaya ay lumabas si Jason ng kusina. Nang makita siya nito ay umaliwalas ang mukha nito at tumakbo ito papunta sa kanya. Niyakap siya nito ng mahigpit.
“Yoomi! Na-miss kita!” Hinalikan siya nito sa mga labi. “Welcome home, honey.”
Home. Naaalala niya noong nasa elementarya siya, parating tinatanong ng guro niya kung ano ang pinagkaiba ng bahay at tahanan. Hindi niya alam ang sagot noon, pero ngayon, naiintindihan na niya.
Bahay ang tinitirhan niya. At ang tahanan ay ang taong dahilan ng pag-uwi niya. Si Jason ang tahanan niya dahil ligtas ang pakiramdam niya kapag ito ang kasama niya.
Naputol lang ang pagmumuni-muni niya nang may makita siyang pangamba sa mukha ni Jason. Hinaplos niya ang pisngi nito. “Ano’ng problema, Jason?’
Bumuntong-hininga ito. “Natakot kasi ako na baka hindi ka na umuwi.”
“Bakit mo naman naisip 'yan?” gulat na tanong niya.
Naging malungkot ang ngiti nito. “Dahil sa nakaraan ko. Anak ako ng mistress. Itinakwil ako ng pamilya Javier sa dahilang hindi ko pa masabi sa’yo ngayon. I’m afraid you don’t trust me anymore. I’m afraid you’re scared of the man you married now.”
May pumiga sa puso niya nang makita ang takot sa mga mata ni Jason. Ito pa ang natatakot na baka hindi niya ito matanggap, samantalang siya ang maraming inililihim dito. Alam naman niyang hindi madaling ipagtapat sa kanya ang nakaraan nito dahil sekreto ng pamilya Javier ang ibinahagi nito sa kanya. Kung may nagkamali sa paglilihim sa kanila, siya 'yon.
Siya ang dapat matakot dahil sa mga itinatago niya kay Jason.
Yumakap siya sa baywang ni Jason. “Nandito na ko, Jason.”
Narinig at naramdaman niya itong bumuntong-hininga. “Huwag ka nang uli aalis nang gano’n kaaga, ha? Kahit nag-iwan ka ng note, natakot pa rin ako.”
Tumango siya. “Sorry.”
Akmang may sasabihin pa siya nang may marinig siyang ingay mula sa kusina. Kumalas si Jason sa pagkakayakap sa kanya.
“Jason, ano 'yon?” naguguluhang tanong niya.
Tumawa lang ito, hinawakan siya sa kamay at hinila papunta sa kusina.
Pagpasok pa lang nila sa kusina ay natigilan siya. May tatlong bata ang nagkakalat sa kitchen sink at mesa. Sa tantiya niya, edad lima hanggang pito ang mga ito. Lahat ng paslit ay may harina sa mukha at katawan, at nag-aagawan ang mga ito sa chocolate syrup na nasa bowl.
“Kaninong mga anak 'yan, Jason?” nagtatakang tanong niya.
“Sa kapitbahay. Sila rin 'yong mga kalaro ko no’ng iniwan mo ko sa bahay para mag-shopping,” natatawang paliwanag nito. “Nanganak kasi 'yong Mommy nila at kasalukuyang nasa ospital. Nakiusap sa’kin si Albert, 'yong daddy ng mga chikiting na 'yan, na bantayan ko muna sila. Wala naman akong ginagawa kaya pumayag na ko – hey! 'Wag kayong mag-away!”
Pinanood niya si Jason nang kargahin nito ang batang babae na tinawag nitong “Anna”, at natatawang pinunasan naman ng asawa niya ng tissue ang tsokolate sa pisngi ng batang lalaki na tinawag nitong “Jomar”, samantalang hinayaan nitong pumasan sa likod nito ang batang lalaki na tinawag naman nitong “Jonathan.”
May mainit na bagay na bumalot sa puso niya habang pinapanood si Jason na makipaglaro sa tatlong bata. Kahit alam niyang nasasaktan ito sa pagsabunot ng mga paslit sa buhok nito, tawa pa rin ito ng tawa na tila ba masayang-masaya ito kasama ang mga bata.
Hindi anak ni Jason ang mga bata, pero kung umasta ito ay para itong tunay na ama. Kung ganito ito kabait sa anak ng iba, paano pa kaya sa sarili nitong anak? Walang tatalo sa lalaking marunong makipaglaro sa mga bata, habang tumatawa at halatang masaya sa ginagawa nito.
Bigla-bigla ay nakita niya ang sarili niya kasama si Jason, kasama ang mga bata na kahawig nilang dalawa. Bigla-bigla ay hindi na imposible sa kanya ang magkaroon ng buo at masayang pamilya. Bigla-bigla ay handa na siyang sumabak sa panghabambuhay na relasyon.
Tagapagmana man o hindi, mahal na niya si Jason.

I Married The Wrong GuyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon