NAGISING si Yoomi na nakayakap kay Jason. Nakakatawa na hindi na siya nagugulat ngayon kaysa noong unang beses na magising siya sa tabi nito. Komportable na rin siya kahit halos magkakabuhol na ang mga braso at mga binti nila.
Napabuntong-hininga siya habang pinagmamasdan ang guwapong mukha ni Jason. Pinatong niya ang kamay niya sa pisngi nito. Kahit beinte nuebe anyos na ito, mukha pa rin itong nasa early twenties lang nito. Baby faced kasi ang asawa niya. At ngayong iniisip niya, hindi lang basta mukha nito ang mukhang bata. Pati ang pangangatawan nito.
Dahan-dahan niyang inalis ang braso ni Jason sa katawan niya at bumangon siya. Kinuha niya ang maliit na notebook at ballpen sa night table sa gilid niya at nagsulat do’n.
Napansin niya kasi na walang ginagawang exercise si Jason para mapanatiling malusog ang katawan nito. Bukod kasi sa pagiging OIC ng branch ng Dine&Drink sa Makati, madalas itong magkaroon ng gig. Parating gabi ang shift nito kaya marahil ay tulong lang ito sa umaga para bumawi ng lakas.
Hindi niya alam kung gaano katagal siya nagsusulat nang maramdaman niya ang mga labi ni Jason sa braso niya. Paglingon niya ay nakita niyang gising na ito at pinanggigigilan ang braso niya. Nakatukod ang siko nito sa kama habang iniipit ng mga labi nito ang balat ng braso niya.
“Aray,” pabirong reklamo niya.
Ngumiti lang si Jason at bumangon na. Pinatong nito ang baba nito sa balikat niya at nakisilip sa sinusulat niya. “Ano 'yan, honey?”
Pinakita niya rito ang nasa pinakatuktok ng mga sinulat niya. “Jogging every morning. 'Yan ang gagawin mo tuwing umaga.”
Umungol sa protesta si Jason. “I hate running, Yoomi.”
“Kaya nga wala kang ka-abs-abs. Wala ka kasing exercise.”
“Hey!”
Napangisi siya dahil halatang tinamaan ito sa sinabi niya. Tumayo siya at hinawakan ito sa kamay. “Tara na, Jason. Takbo na!”
Pinabigat ni Jason ang katawan nito para hindi niya mahila. “Gagawin ko ang lahat, huwag lang ang pagtakbo.” Lumuhod ito sa kama at yumuko. “Have mercy, Queen Ponkan, my highness, my lovely wife.”
Natawa siya dahil sa pagpapaawa ni Jason. Para itong bata. “Mr. Grapes, para ito sa kalusugan mo. Tumakbo ka na.”
Umungol si Jason, pagkatapos ay nagpahila na ito sa kanya. Tumayo ito pero halatang binabagalan nito ang lakad habang palabas sila ng kuwarto. “What do I get after succumbing to your merciless and life-threatening order, Queen Ponkan?”
Natawa uli siya. Naisipan niyang pasiglahin naman ito. “Malapit na yatang matapos ang dalaw ko, ang pangit naman kung wala kang lakas nang araw na 'yon…”
Napahiyaw bigla si Jason. Nakuha agad nito ang ibig niyang sabihin. “Now we’re talking, baby!”
Hindi na niya pinilit si Jason na lumabas ng bahay dahil kusa na itong tumakbo. Tatawa-tawa lang siya habang pinapanood ito mula sa labas ng bintana.
Habang hinihintay matapos ang pagtakbo ni Jason, naisipan niyang magtimpla ng juice. Pinaghalo niya ang grapes-flavored at ponkan-flavored juice. Kung ano’ng kalalabasan ng lasa niyon, hindi niya alam. Pero madilim ang kulay niyon, mas nangibabaw ang kulay ng ubas.
Mayamaya ay lumabas siya ng bahay. Naabutan niya si Jason na tumatakbo pa rin. Sinenyasan niya itong lumapit. Pawis na ito at hinihingal pero guwapo at mabango pa rin ito.
Hinawakan niya ito sa kamay at hinila papasok ng bahay. Dinala niya ito sa kusina. Nang makita nito ang tinimpla niyang juice, nagduda agad ito.
“Hala. Pinaghalo mo ang grapes at ponkan juice?” tanong nito.
Pinagsalin niya sa baso ng juice na ginawa niya si Jason at inabot iyon dito. Kinuha naman nito iyon at inamoy-amoy. Siya man ay nagsalin ng juice sa baso niya.
“Ganito ang gagawin natin tuwing magbabati tayo pagkatapos ng tampuhan. Ito ang Punishment Juice natin,” sabi niya, sabay angat ng baso niya. “Cheers?”
Nakangiting inumpog ni Jason ang baso nito sa baso niya. “I like that idea. Cheers!”
Pinag-ekis nila ang mga braso nila, saka nila tinungga ang inuman nila ng sabay. Pareho silang napangiwi pagkatapos. Naasiman siya sa juice na medyo mapakla. Malamang ay gano’n din ang nalasahan ni Jason.
Nagkatinginan sila, saka sabay na natawa.KANINA pa hinihintay ni Yoomi si Jason sa hapag-kainan, pero hindi pa rin ito lumalabas ng kuwarto nila.
Umakyat siya ng kuwarto. Nakabukas iyon kaya pumasok siya. Pero natigilan siya nang makitang nakaupo si Jason sa kama habang may kausap sa cell phone nito. Mukhang seryoso ito. Lalabas na sana siya nang makita siya ni Jason. Sinenyasan siya nitong umupo sa tabi nito. Tumalima naman siya.
“Hindi puwede, Aleksander. Hindi natin kaya lalo’t hindi maganda ang kita ng Dine&Drink ngayon dahil natatabunan tayo ng bagong tayong comedy car just right across us,” katwiran ni Jason sa tila pagod na boses. “We have no choice but to ask for record labels to release our songs. Let’s send demo tapes to them.”
Kumunot ang noo niya habang pinapakinggan ang pakikipag-usap ni Jason kay Aleksander. Naaalala niya si Aleksander dahil dumalo ito sa kasal nila ng asawa niya. Naguguluhan siya sa naririnig niya. Mukhang may problema ang Dine&Drink, at gano’n din ang Violet Rage.
Nang matapos makipag-usap si Jason sa kaibigan nito ay nilingon siya nito. Binigyan siya nito ng tila nahihiyang ngiti. “Sorry about that. Narinig mo pa tuloy ang mga problema namin.”
“Ano ba’ng nangyayari, Jason?”
Bumuga ito ng hangin. “Medyo nalulugi ang main branch ng Dine&Drink dahil sa competitor. Ako ang OIC sa main branch at habang wala ako, si Aleksander ang humalili sa posisyon ko. It’s bad that we’re having a tough time now, lalo’t nagplano kami na mag-release ng independent album para sa Violet Rage. Kung hindi maganda ang takbo ng negosyo namin, hindi kami makakapaglabas ng malaking halaga para sa album dahil kailangan pa rin naming pasuwelduhin ang mga tauhan namin sa resto-bar kahit nalulugi na kami. All of us is in a pinch right now.”
Nagtaka siya. Galing sa mayamang pamilya si Jason kaya nakapagtatakang namomroblema ito tungkol sa pera.
“Jason, puwede ka namang magtrabaho para sa kompanya niyo, 'di ba? O kaya puwede kang lumapit sa pamilya mo. Ikaw ang tagapagmana ng mga magulang mo, 'di ba?”
Tiningnan siya ni Jason. May guilt at lungkot siyang nakita sa mga mata nito. “Yoomi, matagal ko nang dapat sinabi sa’yo 'to, pero naduwag ako dahil baka magbago ang tingin mo sa’kin. Pero ang totoo niyan, matagal na kong itinakwil ng pamilya ko.”
Nanigas siya sa kinauupuan niya. “Tinakwil ka?”
Tumango ito. Naging malayo ang tingin nito. “It’s time you learn my background, Yoomi. I’m the son of my father’s mistress. Lumaki ako sa mommy ko lang hanggang sa dalhin niya ko sa daddy ko when I was eight. Hindi na ko kayang buhayin ni Mommy no’n dahil may tuberculosis siya no’n, which caused her death a year later. Ever since then, I haven’t seen or heard from my mother’s side of family.
Tinanggap ako ng Daddy ko at ni Tita Cheska sa mansiyon ng mga Javier, pero may kalakip iyon na kondisyon. Ang legal na asawa ng ama ko ang gumawa ng kasunduan niyon, bilang ganti na rin sa pagtataksil ng daddy ko. Ipapagamit nila sa’kin ang apelyidong Javier at kikilalanin akong tunay na anak ni Daddy at Tita Cheska, kung pipirma ang mommy ko ng dokumentong nagsasabing kahit dumating ako sa tamang edad, isusuko ko ang karapatan ko sa kompanya.”
Hindi man siya nakapagtapos, nakatuntong siya ng kolehiyo kaya may alam din siya sa batas kahit papaano. “Kung dala mo ang apelyido ng daddy mo, hindi puwedeng wala kang makuha mula sa kanya.”
Tumango ito. “Tama ka, may karapatan ako sa yaman nila. Kaya no’ng eighteen years old ako, ibinigay na sa’kin ni Daddy ang mana ko. Pero hindi kasali ro’n ang kahit ano’ng share o posisyon sa kompanya, gaya ng napagkasunduan ni Mommy at nina Daddy at Tita Cheska noon. Na maluwag kong tinanggap dahil wala naman akong interes sa negosyo namin.
After I inherited my share of wealth, pinalayas ako nila Daddy sa bahay dahil sa nagawa kong napakalaking kasalanan na nagdulot ng kahihiyan sa pamilya, at naging sanhi ng alitan ng mga Javier at ng isa pang prominenteng pamilya. Binatilyo pa lang ako, mag-isa na ko sa buhay. Masuwerte nga ako at makalipas ang sampung taon, may natira pa rin sa mana ko. Salamat sa Dine&Drink, at sa mga kaibigan ko, hindi ako naghirap. Still, I only have two million pesos left in my bank account after I bought this house.”
Nanghina siya sa narinig niya. Dalawang milyon na lang ang natitira sa pera ni Jason? Malaking halaga pa rin 'yon, pero kulang 'yon para sa utang ng kapatid niya na balak niyang bayaran para tigilan na siya ni Xaver.
Hinawakan ni Jason ang pisngi niya. May pangamba sa mukha nito. “Huwag kang mag-alala, Yoomi. Hindi naman tayo naghihirap at hindi rin magsasara ang Dine&Drink. We will still live comfortably, honey. 'Yong paglabas lang ng album ng Violet Rage ang problema.”
Pilit siyang ngumiti. Hindi naman 'yon ang inaalala niya. “Jason, 'yong kuya mo… siya lang ang anak ng Daddy at Mommy mo na stepmother mo lang pala?”
Tumango si Jason. “Oo, Yoomi. Si Kuya lang ang tunay na anak ni Daddy at Tita Cheska. Si Kuya ang nag-iisang tagapagmana ng mga Javier at hindi ako.”
BINABASA MO ANG
I Married The Wrong Guy
RomanceYoomi married Jason for his money. But it turns out he isn't the rich heir she thought he is. Ang kuya pala nitong si Chess ang totoong tagapagmana. At si Chess din ang kailangan niya para mabayaran ang mga utang niya. Dang, she married the wrong gu...