UMUNGOL si Yoomi nang may maramdamang mabigat na bagay na nakadantay sa katawan niya. Nang imulat niya ang mga mata niya, nagulat siya nang sumalubong sa kanya ang guwapong si Jason, hanggang sa maalala niyang kasal na nga pala sila.
Gayunman, hindi pa rin siya komportable sa sobrang pagkakalapit nila ni Jason. Nakadantay ang isang braso nito sa baywang niya at maging ang binti nito, nakayakap sa kanya.
Humugot siya ng malalim na hininga, saka dahan-dahang inalis ang braso at binti ni Jason sa katawan niya. Babangon na siya nang biglang umungol ang asawa niya at niyakap siya uli, dahilan para magulat siya. At sa pagkabigla niya at pagnanais na makawala sa mahigpit nitong yakap, naitulak niya ng malakas si Jason.
Nahulog si Jason sa kama at kumalabog ito.
Napasinghap siya. Gumapang siya papunta sa dulo ng malaking kama para silipin si Jason. Nakadapa ito sa naka-carpet na bahagi ng sahig pero hindi naman ito nagising. Naghihilik pa nga ito ng malakas.
Tulog-mantika pala 'to.
Bago pa siya mahuli ni Jason sa “krimen” niya ay pumunta na siya sa adjacent bathroom ng kuwarto at naghilamos. Natapos na siya’t lahat ay tulog pa rin ang asawa niya. Lumabas na siya ng silid nila at dumiretso sa kusina para magluto ng agahan tutal ay ala-singko pasado naman na ng umaga. Hindi siya umaastang asawa. Sanay lang talaga siya sa gawaing-bahay.
Pinusod niya ang buhok niya nang makapagluto siya ng maayos. Nag-prito na lang siya ng hotdog, itlog, bacon at sinangag niya ang kaning-lamig. Naghahain na siya nang pasukin siya sa kusina ni Jason.
Napakurap-kurap si Jason nang makita siya. Pagkatapos ay napakamot ito ng ulo habang ngingisi-ngisi. “Good morning, Yoomi.”
“Magandang umaga,” ganting-bati niya rito. “Nakalimutan mong may asawa ka na 'no?”
Tila nahihiyang tumango ito bilang pagsang-ayon. “Nakakapanibago pa rin pala na magising ako na may naghahain ng almusal para sa’kin. It’s strange, in a good way.”
Ngumiti lang siya ng tipid. “Maupo ka na. Ipaghahain na kita.”
Pero nanatili pa ring nakatayo si Jason at nakatingin sa kanya. May pangamba at pagkalito sa mukha nito. Lumapit ito sa kanya at umaktong yayakapin siya, pero mabilis din itong umatras. Yumuko ito at inilapit ang mukha sa kanya, pero nang umatras siya ay umatras din ito. Pagkatapos ay napakamot na lang ng ulo.
Saka niya naunawaan kung ano’ng pinoproblema ni Jason. Naging problema rin tuloy niya 'yon. Hanggang sa may naisip siyang ideya.
Itinaas niya ang nakakuyom niyang kamay. Nagtatakang tiningnan iyon ni Jason. “Mag-umpog-kamao na lang tayo bilang batian,” suhesiyon niya. Tutal ay mukhang pareho pa silang nahihiyang maging malambing sa isa’t isa.
Bahagyang kumunot ang noo nito. “Hindi ba weird sa mag-asawa ang magbatian gamit ang fist bump?”
“Weird naman talaga ang relasyon natin, hindi ba? Nilagpasan natin ang lebel ng pagiging magkaibigan at magkasintahan dahil nagpakasal agad tayo,” katwiran niya. “Pero gaya ng sinabi mo, matagal tayong magsasama. Wala namang masama kung babalikan natin lahat ng nilaktawan natin nang magpakasal tayo, 'di ba?”
Gumuhit ang pang-unawa sa mukha ni Jason. “You have a point.” Binunggo nito ang kamao nito sa kamao niya, pagkatapos ay ngumisi ito. “I have an awesome wife. Cool!”
Ngumiti lang siya ng tipid. Napapansin niyang napapadalas na 'yon kapag si Jason ang kasama niya.
Tahimik na nilang sinimulan ang pagkain mayamaya.
Tumikhim si Jason pagkatapos nitong sumubo. “Yoomi, ang sarap mong magluto!” anito sa eksaheradong paraan.
Pinigilan niya ang matawa. Halata namang inuuto lang siya nito. Gano’n din ito no’ng nagdaang gabi. “Jason, prito lang 'yan. Huwag mo kong puruhin sa lahat ng ginagawa ko kahit walang kuwenta na dahil hindi 'yon senyales ng pagiging mabuting mister.”
Tumabingi ang ngiti nito. “Hindi ba?”
Umiling-iling lang siya bago pa siya tuluyang mapangiti. Mukha kasing pinagsisikapan talaga ni Jason na maging mabuting asawa sa kanya.
Nang mga sandaling iyon, tila ba bumalik sa normal na takbo ang oras. Naging mabilis kasi ang isang buwang lumipas dahil sa pag-aayos nila sa kasal nila ni Jason. Hindi rin naging madali sa kanya ang panahong iyon dahil hindi pa rin niya nakakalimutan ang takot niya kay Xaver. Sa katunayan nga, napa-paranoid siya minsan dahil natatakot siyang baka bigla na lang dumating ang kuya niya at saktan siya. Pero pilit niyang inaalis iyon sa sistema niya.
Kaya ngayong wala na siyang nararamdamang panganib sa piling ni Jason, saka lang niya naisip na bukod sa relasyon nila, may isa pang pangyayari ang hindi normal sa kanila.
“Jason?”
“Hmm?”
“Bakit hindi ko pa nakikilala ang pamilya mo?”
Natigilan sa pagsubo ng kanin si Jason, halatang nagulat sa tanong niya. “Ha?”
Nagsimula siyang makaramdam ng pag-aalala. “Hindi ba nila alam na ikinasal ka na?”
Nagmula sa mayamang pamilya si Jason kaya nakapagtatakang walang dumalo sa pamilya nito noong ikinasal sila no’ng isang araw. Naniniwala naman siya nang sabihin nitong nasa ibang bansa pa ang daddy nito, pero wala ba itong ibang kapamilya?
May duda siyang hindi ipinaalam ni Jason ang pagpapakasal nito sa pamilya nito dahil nasisiguro niyang hindi papayag ang mga magulang nito na maikasal ito sa tulad lang niya.
Ngumiti si Jason pero halatang pilit 'yon kumpara sa masigla nitong ngiti. “Siyempre, alam nilang ikinasal ako. 'Yon nga lang, may mas importanteng bagay silang inuuna kaysa sa’kin. Hindi lang maganda ang timing ng pagkakakasal natin.”
Kumunot ang noo niya. “May problema ba ang pamilya mo?”
“Medyo.”
“Ano’ng nangyari?” Hindi naman masamang magpakita ng concern sa pamilya ng asawa niya, 'di ba?
“Ahm... maliit na bagay lang naman 'yon.”
“Ano nga?”
“Nawawala ang Kuya ko.”
Nanlaki ang mga mata niya. “Nawawala ang kapatid mo? Eh bakit parang kalmado ka pa d’yan?”
Hindi siya makapaniwala na sa kabila ng problema ng pamilya ni Jason ay nagawa pa nitong mag-alala para sa kanya at unahin siya kaysa sa kapatid nito. Natutuwa siya na naiinis. Ngayon lang niya napatunayan kung gaano kalaki ang malasakit sa kanya ng asawa niya.
Marahang binunggo ni Jason ang binti niya sa ilalim ng mesa. “Yoomi, hindi naman 'to ang unang pagkakataon na nagtago ang kuya ko. And for goodness’ sake, he’s already thirty one. Kaya na niyang alagaan ang sarili niya.”
Tinitigan niya si Jason. Mukha namang wala siyang dapat ipag-alala. Saka kung hindi pa ito handang ipakilala siya sa pamilya nito, pabor 'yon sa kanya dahil hindi rin naman siya handang makilala ang mga ito.
“Kung may maitutulong ako, sabihin mo lang,” sabi na lang niya.
Bumalik na ang sigla sa ngiti ni Jason. “Oo naman.” Nilibot nito ang tingin nito sa mesa na tila may hinahanap. “Yoomi?”
“Hmm?”
“Puwede mo ba kong itimpla ng juice?” paglalambing nito sa kanya. “May tetra pack do’n sa cabinet.”
“Oo naman. Sandali lang.” Tumayo siya at tumalima rito. Napasimangot siya nang makita ang tetra pack ng juice na sinasabi nito. “Jason, bakit puro grapes ang flavor ng juice dito? Wala bang iba?”
“Wala, eh. Grapes lang kasi ang iniinom kong flavor ng juice. Ayaw mo ba niyan?”
Tumango siya. “Ponkan ang paborito ko. Naniniwala akong naayos ng ponkan ang lahat.”
Natawa si Jason. “That’s cute. But sadly, magkaiba pala tayo ng taste sa juice.” Mabilis namang umaliwalas ang mukha nito. “'Di bale, mag-grocery na lang tayo mamaya.”
“Wala kang gig?”
Umiling ito. “Wala. I took a leave from work.”
“Para saan?”
“Para sa honeymoon natin.”
Nag-init agad ang mga pisngi niya pagkarinig niya niyon. Mukhang nabigla rin si Jason dahil namula rin ang mukha nito.
Nakalimutan niyang hindi natatapos sa seremonya ang kasal ng bagong mag-asawa. Itinutuloy 'yon sa honeymoon. Okay. Siguro nga may nangyari na sa kanila ni Jason. Pero iba pa rin 'yong pakiramdam na gagawin nila 'yon nang pareho silang hindi lasing.
“Maiba ako, Yoomi,” pag-iiba ni Jason ng usapan.
“A-ano 'yon?”
“Medyo masakit 'yong noo ko,” nakalabing reklamo nito habang hinihimas ang noo nito na no’n lang niya napansing namumula pala. “Hinulog mo ba ko sa kama kanina?”
BINABASA MO ANG
I Married The Wrong Guy
RomanceYoomi married Jason for his money. But it turns out he isn't the rich heir she thought he is. Ang kuya pala nitong si Chess ang totoong tagapagmana. At si Chess din ang kailangan niya para mabayaran ang mga utang niya. Dang, she married the wrong gu...