Chapter 16

3.8K 105 2
                                        

NAKATULALA si Yoomi sa mga damit na paninda sa tindahan niya. Umalis siya ng bahay ng maagang-maaga at nag-iwan lang siya ng note kay Jason. Ang sabi niya, pupunta siya sa tindahan dahil kailangan niyang kausapin ang supplier ng mga paninda niya. Sinadya niya ring iwan ang cell phone niya.
Hanggang ngayon, hindi pa rin siya makapaniwala sa mga ipinagtapat ni Jason kagabi sa kanya. Hindi ito isa sa mga tagapagmana ng mga Javier dahil nag-iisa lang pala ang magmamana ng lahat ng yaman ng pamilya nito – ang kuya ni Jason.
Nagkamali siya ng lalaking pinakasalan.
“Pinikot” niya si Jason dahil ang pagkakaalam nila, tagapagmana ito ng mga Javier. Balak niyang gamitin ang pera sana ng binata para bayaran ang tatlong milyong pagkakautang ng kapatid niyang si Xaver.
Pero ayon kay Jason, dalawang milyon na lang ang natitira sa pera sa manang natanggap nito mula sa daddy nito mahigit sampung taon na ang lumilipas. Kulang pa iyon sa halagang kailangan niyang ibigay sa kuya niya nang layuan siya nito at matahimik na siya.
Alam niyang may espesyal na siyang nararamdaman para kay Jason – pero pinahintulutan niya iyon dahil kampante siya na kahit mahulog ang loob niya sa binata, wala nang problema dahil kayang-kaya nitong bayaran ang utang ng kapatid niya sa tamang panahon. Pero nagkamali pala siya.
Kapag nalaman ni Xaver na hindi si Jason ang tagapagmana ng mga Javier at wala silang mapapala sa asawa niya, tiyak na magwawala ang kapatid niya. Manggugulo ito at baka sirain nito ang pagsasama nila ni Jason.
Ang mas malala pa, baka ipagtapat ni Xaver ang dahilan kung bakit siya nagpakasal kay Jason – para sa pera at para takasan ang matandang lalaki na gustong ipakasal sa kanya ni Xaver. Hindi rin malayo na ipambayad-utang pa rin siya ng kapatid niya kahit kasal na siya sa iba.
Niyakap niya ang sarili niya nang makaramdam siya ng takot. Isipin pa lang niya ang puwedeng gawin ni Xaver para muling sirain ang buhay niya, nanginginig na siya.
At iyon ang realisasyon na muntik na niyang makalimutan – hindi sapat ang pag-ibig para maresolba ang lahat ng problema niya. Kahit mahal niya si Jason, hindi iyon sasapat para magkaroon siya ng tahimik na buhay. Hindi sya mabubuhay ng pag-ibig.
Bale-wala ang pagpapakasal niya kay Jason dahil hindi naman pala siya nito matutulungang bayaran ang tatlong milyong utang ni Xaver.
Ang mas masama pa, unti-unti nang nahuhulog ang loob niya kay Jason. Natatakot siya na ipagpatuloy at palalimim pa ang relasyon at pagsasama nila para lang sirain iyon ng kapatid niya sa huli. Madudurog siya, at masasaktan din niya ang asawa niya.
Siguro habang maaga pa, dapat na siyang lumayo. Magtatago na rin siya kay Xaver para hindi na siya nito masaktan, at para hindi na rin nito madamay si Jason.
“Si Kuya ang nag-iisang tagapagmana ng mga Javier at hindi ko.”
Niyukyok niya ang ulo sa mga braso niya nang maalala ang sinabing iyon ni Jason. Bakit hindi na lang ito ang naging tagapagmana ng mga Javier? Kung sakali kayang ang kuya nito ang nakilala niya, magagawa niya kayang akitin ang tunay na tagapagmana at maikasal dito bilang sa sitwasyon niya, ito ang “tamang” lalaki at hindi si Jason?
“Find 'ya, Ponkan Girl!”
Nag-angat siya ng tingin sa nagsalita. Sumalubong sa kanya ang guwapong mukha ng lalaking mestizo na may suot na cap. Naka-checkered polo ito na hindi nakabutones kaya kita niya ang asul na T-shirt nito sa loob, nakasuot din ito ng maong na pantalon at madungis na sneakers. Kumunot ang noo niya. Pamilyar ito sa kanya.
Tumaas ang kilay ng mestizo. “I can’t believe this. Nakalimutan mo na agad ako?”
Ikiniling niya ang ulo habang pilit na inaalala kung saan niya nakita ang mayabang na 'to.
Tumikhim ang lalaki, pagkatapos ay umarte ito na may hawak na sa hula niya ay baseball bat, at umarte ito na may pinapalong bola.
Napasinghap siya. “Ikaw na naman?”

I Married The Wrong GuyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon