HINDI mapigilan ni Jason ang mapangiti nang kumapit si Yoomi sa mga balikat niya pagbaba nito ng kotse. Nakapiring ang mga mata nito at marahil ay natatakot itong matalisod.
“Jason, nasa’n ba tayo?” tila naiinis nang tanong ni Yoomi. Kanina pa ito nagtatanong pero hindi niya ito sinasagot.
Kinulong niya ang mukha nito sa mga kamay niya. “Surprise nga, 'di ba? Kaunti na lang, malalaman mo rin kung nasaan tayo.”
Pinatong nito ang kamay nito sa kamay niyang nasa pisngi nito. “Ngayon pa lang sinasabi ko na sa’yo, Jason. Kapag may nakita akong pusa d’yan, maghihiwalay tayo agad-agad.”
Tinawanan niya lang ang banta ni Yoomi. Alam niyang takot ito sa pusa kaya hindi niya iisiping biruin ito ng gano’n.
Napatingin siya sa kamay ni Yoomi nang kumislap ang suot nitong singsing nang tamaan ng sinag ng araw. Lalong lumuwang ang ngiti niya. Hindi siya makapaniwalang kasal na sila. Parang no’ng nakaraang buwan lang, tinanggihan pa siya nitong manood ng gig niya.
Halos isang buwan din nilang inayos ni Yoomi ang pagpapakasal nila dahil sa mga papeles na kinailangan nilang ayusin. Kumuha pa sila ng marriage contract sa munisipyo at um-attend ng seminar. Pagkatapos ay nagpakasal sila sa huwes kahapon lang. Ang mga kabanda niya sa Violet Rage ang dumating sa partido niya, at si Issa naman sa partido ni Yoomi bilang saksi. Hindi na uli nagtanong si Yoomi kung bakit walang dumalo sa pamilya nang sabihan niyang nasa ibang bansa ang daddy niya.
Sa halos isang buwan na 'yon ay kay Issa muna tumira si Yoomi, at nagkikita lang sila ng huli kapag may kinalaman sa pag-aayos ng kasal nila. Hangga’t hindi pa sila nagpapakasal, hindi niya muna ito tinabihan sa kama. Alam niyang wala na ring saysay 'yon dahil may nangyari na sa kanila, pero ayaw niyang isipin ng asawa niya na sinasamantala niya ang kahinaan nito.
Saka naging abala rin siya sa maraming bagay. Una, may pagbabago sa career niya na pinagpupursigihan nila ng mga kabanda niya. At ang huli, ito ngang sorpresa niya kay Yoomi.
“Jason, ano na?” tila naiinip na untag ni Yoomi sa kanya.
Dumako muli ang tingin niya sa magandang mukha ni Yoomi, pagkatapos ay bumaba ang tingin niya sa mga labi nito. Nakakatawang isipin pero hindi na niya uli ito nahalikan. Hindi niya alam kung hanggang kailan siya makakapagtimpi, lalo na ngayong kailangan na nilang magsama sa iisang kuwarto. Pero siyempre, kung hindi pa handa si Yoomi, hindi niya ito pipilitin.
Lumigid siya sa likuran ni Yoomi at hinawakan ito sa magkabilang-balikat saka niya iro marahang inakay papasok sa malaking bahay.
Their new home.
Oo, bumili siya ng bagong bahay sa bagong tayong subdivision sa Malolos, Bulacan. Ayaw niyang itira si Yoomi sa bachelor’s pad niya dahil ang gusto niya ay mas malaking bahay para sa bubuuin nilang pamilya ng asawa niya.
Huminto sila ni Yoomi sa bahagi ng bahay na gusto niyang ipakita rito.
“Aalisin ko na ang piring mo, Yoomi,” sabi niya sa asawa niya habang dahan-dahan niyang tinatanggal ang piring nito.
“Ano 'yan?” tanong ni Yoomi nang imulat nito ang mga mata at sumalubong dito ang kung ano’ng bagay na natatakpan ng puting tela sa pader.
Pinigil niya ang mapangiti ng maluwag. “Tanggalin mo 'yong nakatakip para makita mo.”
Binigyan siya ni Yoomi nang nagdududang tingin. He encouraged her with a nod. Tumalima naman ito sa sinabi niya at dahan-dahan nitong hinila ang puting tela.
Hindi niya inalis ang tingin kay Yoomi dahil gusto niyang makita ang magiging reaksyon nito. Nanlaki ang mga mata ng asawa niya nang makita nito ang malaking wedding picture nila na nakasabit sa pader. At sa ibaba nang litrato ay nakasulat ang salitang: “Forever.”
Nilingon siya ni Yoomi. No’ng una ay hindi niya maintindihan kung bakit ito nakasimangot, hanggang sa mangilid ang mga luha nito. Marahil ay pinipigil lang nitong maiyak.
“'Di ba, sinabi ko naman sa’yong matagal ang “forever” na 'yan?” humihikbing tanong ni Yoomi.
Ngumiti siya at marahang pinatong ang kamay niya sa pisngi ni Yoomi. He gently brushed his thumb on her cheek to wipe away her tears. “Alam ko. Hindi naman nakakainip 'yon basta magkasama tayo.”
“Jason...”
“Alam kong hindi sapat ang mga dahilan natin para magpakasal. Gusto mong takasan ang kuya mo at ang pananakit nito sa’yo, samantalang gusto ko namang bumuo ng pamilya. And I want to do it with you. May kanya-kanya tayong rason,” masuyong sabi niya rito. “But I know we can make this marriage work out.”
He would make this marriage work. Hindi niya sasayangin ang ikalawang pagkakataon na ibinigay sa kanya ng Diyos para bumuo ng pamilya kasama ang babaeng pinagmamalasakitan niya. Kasama ang babaeng alam niyang pinili ni Kiana para sa kanya. Mahal niya si Yoomi, pero aaminin niya na hindi pa niya alam kung gaano kalalim. Pero sigurado naman siyang masasagot niya iyon sa isa sa mga araw na na pagsasaluhan nila.
Habang nakatingin sa kanya si Yoomi ay napansin niya ang pagbaha ng buhay sa mga mata nito na madalas ay patay sa emosyon. Ang kakaibang kislap na iyon ay ang nagpapabilis sa tibok ng puso niya sa tuwina.
Hindi niya napigilang muling ikulong na ang mukha ni Yoomi sa mga kamay niya. Ngumiti naman ito. Iyong totoo at matamis na ngiti na bihira lang nito ipamalas. Naisip niya, hindi na yata niya kailangan ng mahaba-habang panahon para malaman kung gaano na kalalim ang pagmamahal niya sa asawa niya.
“Can I hug you, Yoomi?” hindi mapigilang tanong niya rito.
Imbis na sumagot ay lumapit lang sa kanya si Yoomi at ipinalupot ang mga braso nito sa baywang niya, pagkatapos ay sinubsob nito ang mukha nito sa dibdib niya. Sinubsob niya ang mukha niya sa buhok nito. He breathed in her scent. Suddenly, forever didn’t seem that long.
Yes, he could get used to this married life of his.
“SO, MAGTATABI na ba kayo ni Jason sa kama mamaya?”
Muntik nang mabitawan ni Yoomi ang cordless phone na hawak niya dahil sa tanong ni Issa. “Ano?”
“Well, kasal na kayo ni Jason. Wala namang masama kung matutulog na kayo sa iisang kuwarto, hindi ba?” paalala ni Issa sa kanya.
Natigilan siya sa pagpupunas ng coffee table sa sala. Fully-furnished na ang bahay kaya mine-maintain niya ang kalinisan niyon.
Tama si Issa. May mga responsibilidad na siya bilang asawa ni Jason. Naging napakabait ng binata sa kanya, kaya hindi naman patas kung hanggang ngayon ay ilalayo pa rin niya ang sarili niya rito. At iyon ang unang araw nila ng asawa niya sa bagong bahay nila, hindi naman yatang magandang tingnan kung sa sala pa rin ito matutulog, o kahit pa sa guest room.
“Hindi ko alam ang gagawin,” pag-amin niya kay Issa. “Hindi nga niya ko naging girlfriend. Hindi ko alam kung paano maging asawa sa kanya.”
Matagal bago nagsalita si Issa. “Alam mo, Yoomi, sa totoo lang, masuwerte ka pa rin. Napakabait ni Jason sa’yo. Alam mo ba kung bakit kinunsinti ko 'yang plano mo?”
Tumango siya kahit hindi siya nito nakikita. “Dahil ang sabi mo, mas okay na ako ang mamikot kaysa ako ang mapikot?”
Natawa ito ng mahina. “Kasi umaasa ako na hindi ka magiging tulad ko. Na matututunan mong mahalin ang asawa mo,” sabi nito sa tila malungkot na boses. “Noon pa man, boto na ko kay Jason dahil nakikita kong seryoso siya sa’yo. Hindi ka mahihirapang mahalin siya.”
Naiilang na siya sa usapan nila ni Issa kaya nagpaalam na siya rito. “Issa, magluluto pa ko ng hapunan namin. Tatawagan na uli kita mamaya.”
Hindi na niya hinintay ang sagot ni Issa at pinutol na niya ang tawag.
Gaya ng sinabi niya sa kaibigan, nagsimula na nga siyang magluto ng hapunan nila ni Jason. Kumpleto naman ang laman ng malaking ref sa kusina kaya nakuha niya ang lahat ng sangkap sa pagluluto ng sinigang na baboy. Mag-pi-prito rin siya ng tilapia mamaya.
Habang abala siya sa paghihiwa ng gulay, napatitig siya sa singsing na suot niya. Hindi siya makapaniwalang darating ang araw na magpapakasal siya. Dahil sa sunod-sunod na masasamang pangyayari sa buhay niya, naniniwala siyang malas siya. Hindi na rin siya umaasang may magandang bagay na mangyayari sa kanya.
Hanggang sa dumating si Jason.
Hindi pa rin naman nagbabago ang plano niya. Gagamitin niya lang ang pagkakakasal niya kay Jason para makakuha ng sapat na pera na maibibigay niya kay Xaver nang hindi na magpakita pa uli sa kanya ang kapatid niya kahit kailan.
Buong buhay niya, wala na siyang ginawa kundi ang magmahal ng ibang tao. Minahal niya ang mga magulang niya kahit hindi magandang klase ng kasal ang nakita niya sa pagsasama ng mga ito. Minahal niya si Xaver kahit parati siya nito pinapahamak. Minahal niya si Maricel kahit alam niyang mawawala rin ito sa kanya kalaunan.
Dumating si Jason sa buhay niya noong panahong ayaw na niyang magmahal ng iba maliban sa sarili niya. Alam niyang kayang-kaya niyang iwan ang binata kapag nakuha na niya ang kailangan niya. Hindi siya naniniwala sa kasal at alam niyang maghihiwalay din sila kalaunan.
“Hindi ka mahihirapang mahalin siya.”
Iyon ang ikinakatakot niya. Paano kung dumating nga 'yong araw na mahalin niya si Jason, maniwala siyang puwedeng magtagal ang kasal nila habambuhay para lang mabigo sa huli?
Masyado nang wasak ang puso niya. Hindi niya alam kung kaya pa niyang tumanggap ng panibagong pasakit.
BINABASA MO ANG
I Married The Wrong Guy
RomanceYoomi married Jason for his money. But it turns out he isn't the rich heir she thought he is. Ang kuya pala nitong si Chess ang totoong tagapagmana. At si Chess din ang kailangan niya para mabayaran ang mga utang niya. Dang, she married the wrong gu...
