SINAGOT ni Yoomi ang tawag ni Xaver sa kabila ng takot na nararamdaman niya dahil sa ginawang pambubugbog nito sa kanya. Pero mas gugustuhin na niyang makausap ito sa tawag kaysa naman hanapin pa siya nito.
“Yoomi! Mabuti naman at naisipan mo nang sumagot!” malakas na sabi ng kuya niya na hindi niya alam kung galit o natutuwa.
Niyakap niya ang sarili niya nang magsimulang manginig sa takot ang katawan niya.. “A-ano na naman ba’ng kailangan mo, Kuya? P-pinaghahanap ka ng mga pulis dahil sa ginawa mo sa’kin kaya hindi mo ko puwedeng lapitan,” banta niya rito.
“Alam ko 'yon 'no,” bale-walang sabi nito. “Ikaw naman kasi. Hindi mo sinabi agad sa’kin na may plano na pala kayo ni Issa. Kung sinabi mo sana sa’kin, hindi na kita nasaktan,” tila panunumbat pa nito sa kanya imbis na humingi ng tawad.
Kumunot ang noo niya. “Ano’ng plano?”
Narinig niya itong pumalataktak. “'Yong Jason na pumoporma sa’yo. Siya pala si Jason Javier, anak no’ng may-ari ng Hanson Mall. Hindi mo sinabi sa’kin na mayaman pala 'yong kumag na 'yon.”
“Kuya –”
“Tama lang 'yong ginawa mo,” sansala nito sa sinasabi niya. “Magpabuntis ka sa Jason na 'yon para wala nang kawala. Ngayon, kapag hindi ka pinanagutan, sabihin mo sa’kin nang masindak ko. Huwag mo nang pakawalan 'yong lalaking 'yon, naiintindihan mo?”
Nakaramdam siya ng galit. “Hindi mo kailangang sabihin sa’kin kung ano’ng dapat kong gawin, Kuya.”
“Naniniguro lang ako,” kaswal na sabi nito. “Paikutin mo ang Jason na 'yon hanggang sa ibigay niya sa’yo ang lahat ng pera niya nang mabayaran na natin ang utang natin. At nang makapamuhay na tayo ng maayos.”
Gusto sana niyang itama ang kapatid niya at sabihin dito na utang lang nito iyon at hindi siya kasali, pero ayaw na niyang patagalin ang usapan na 'yon. Nagpaalam na siya kay Xaver at pinutol ang tawag. Hindi na siya nag-abalang kumustahin ito dahil alam niyang wala nang ginagawang mabuti ang taong 'yon.
Pagpasok ni Issa sa private room niya sa ospital na 'yon ay tinapunan niya ng nang-aakusang tingin ang kaibigan niya.
“Ano?” reklamo ni Issa.
“Bakit sinabi mo kay Kuya ang tungkol kay Jason?” sita niya rito.
Bumakas ang pagsisisi sa mukha nito. “Sorry na, Yoomi. Nang i-admit ka kasi rito sa ospital kagabi, sumunod 'yong si Xaver. Nahuli ko siyang pupuslit sa kuwarto mo habang nasa loob si Jason. Ayoko lang magkagulo dahil alam kong kailangan mo pa ng pahinga. Ayun. Dinala ko si Xaver sa kotse at kinausap. Sinabi ko sa kanya ang plano natin para tantanan ka muna niya.”
Nawala na ang inis niya kay Issa. Hindi niya ito dapat sisihin sa mga sakit ng ulo na ibinibigay ni Xaver sa kanya. Pagkatapos niyang muntikan nang mapatay sa bugbog, naisip niya, hindi pa pala siya handang mamatay dahil hindi pa siya nagiging totoong masaya sa buhay niya. 'Yon siguro 'yong sinasabi nila na realisasyon kapag muntikan ka nang mamatay. Mas pahahalagahan mo ang sarili mo.
Tumingala siya kay Issa. “Issa, tama ba ang desisyon ko na ituloy ang plano natin?”
Umupo si Issa sa tabi niya at hinawakan ang kamay niya. “Yoomi, magpakasal ka man o hindi, miserable pa rin ang buhay mo. Pero bilang best friend mo, mas gusto ko nang makita kang malungkot pero maginhawa naman ang buhay, kaysa malungkot ka na nga, inaabuso ka pa ng kung sinong matanda.
At least kay Jason, panatag akong rerespetuhin ka niya, gaya ni Samuel sa’kin. Alam mo kasi, minsan mas kailangan ng mga babae ang respeto kaysa pagmamahal. Makukuha mo 'yon sa lalaking pakakasalan mo.”
Naputol lang ang pag-uusap nila nang pumasok si Jason sa kuwarto. Nakangiti ito na tila ba masayang makitang maayos na ang lagay niya kaysa kagabi.
“Yoomi, okay ka na?” tanong ni Jason.
Hindi niya alam kung bakit nasabik siya nang makita ang ngiti ni Jason. Ngayong nandito na ito, alam niyang ligtas na siya. Inabot ni Jason ang kamay nito sa kanya. Hinawakan niya 'yon ng walang pag-aalinlangan. At iyon ang naging simula ng bagong buhay niya.
BINABASA MO ANG
I Married The Wrong Guy
RomantikYoomi married Jason for his money. But it turns out he isn't the rich heir she thought he is. Ang kuya pala nitong si Chess ang totoong tagapagmana. At si Chess din ang kailangan niya para mabayaran ang mga utang niya. Dang, she married the wrong gu...