“TARANTADO talaga 'yang si Xaver,” galit na himutok ni Issa saka tinungga ang laman ng kopita na hawak nito.
Niyakap ni Yoomi ang mga binti niya at pinatong ang baba niya sa mga tuhod niya. Hanggang ngayon ay nanginginig pa rin ang buong katawan niya dala ng takot sa naganap sa kanya kanina. Hindi siya nagkamaling umuwi sa bahay niya dahil tiyak na malalagot siya kay Xaver, kaya dumiretso siya sa mansiyon ni Issa.
“Hindi talaga ako makapaniwalang ipambabayad-utang ka ng walanghiyang 'yon,” pagpapatuloy ni Issa. “Iba talaga ang nagagawa ng bisyo sa utak ng tao.”
Noong buhay pa ang mga magulang nila ay sakit na talaga ng ulo si Xaver. Huminto ng pag-aaral ang kuya niya para raw magtrabaho sa Maynila pero hindi naman ito umuwi sa kanila at hindi rin nagpapadala ng pera.
Umuwi lang si Xaver nang mamatay sa aksidente ang mga magulang nila. Nabunggo sa truck ang sinasakyang bus ng mga ito. Nangyari iyon noong tutuntong na sana siya sa ikatlong taon ng kolehiyo. Kahit maaari naman siyang kumuha ng scholarship ay nagdesisyon siyang huwag nang mag-aral at magtrabaho na lang para may ipakain kay Maricel at sa kuya niyang naging tambay na lang sa bahay nila.
Dalawang taon na siyang nagta-trabaho bilang service crew sa isang fast food chain nang ma-diagnose naman si Maricel na may brain tumor. Nakakuha sila ng suporta sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno pero hindi pa rin sapat iyon kaya napilitan siyang pumayag sa kagustuhan ng kuya niya na mangungutang ito sa isang ilegal pala ng money lending company para ipambayad sa operasyon ni Maricel, pero siya ang magta-trabaho para makabayad. Pero pagkatapos ng tatlong taong pakikipaglaban sa cancer ay binawian pa rin ng buhay si Maricel dahil hindi ito naooperahan, dala ng kagagawan ng kuya niya.
Inihilamos niya ang mga kamay niya sa mukha niya. Noong panahong nilalabanan nila ni Maricel ang sakit nito, hindi niya iniinda at pinapansin ang pagod dahil gusto niyang mabuhay ang bunso niyang kapatid. Pero ngayong wala na siyang ipinaglalaban, para bang nawawalan na rin siya ng rason para mabuhay.
“Pasensiya ka na kung wala akong maitutulong sa’yo, Yoomi,” mayamaya ay tila nahihiyang sabi ni Issa. “Alam mo naman na 'yong pinapahiram kong pera sa’yo, galing lang sa allowance na ibinibigay sa’kin ni Samuel. At may pre-nup kami. 'Yong pera niya, hindi ko puwedeng galawin. Hindi niya ko bibigyan ng tatlong milyon para matulungan kita.”
Umiling siya. “Ano ka ba, Issa? Ang dami mo nang naitulong sa’kin. Hanggang ngayon nga, hindi ko pa nababayaran 'yong pinahiram mo sa’king kapital sa tindahan ko. Hindi kita idadamay sa problemang ginawa ng kuya ko.”
Bumuga ng hangin si Issa. “Kung ibebenta ko ang mga alahas ko –”
“Magagalit si Samuel sa’yo,” sansala niya sa sinasabi nito. “At bilang asawa ng politiko, hindi ka puwedeng madikit sa mga ilegal na gawain gaya ng pagkakautang namin sa isang pekeng money lending company. Salamat na lang, Issa.”
Bumakas ang simpatya sa mukha nito. “Eh ano’ng balak mong gawin ngayon?”
Gusto na niyang sumuko at sumunod na lang sa gusto ng kuya niya para matahimik siya. Mamamatay din naman ang matandang 'yon, at kapag nangyari 'yon, mapapasakanya na ang kayamanan nito. Mararamdaman niya ang ginhawang matagal na niyang inaasam.
Tiningnan niya si Issa. “Issa, masaya ka ba sa buhay mo ngayon?”
“Hindi,” mabilis at seryoso rin nitong sagot. Hindi nawala ang ngiti sa labi nito pero naroon pa rin ang kapaguran sa mga mata nito. “Miserable ako, Yoomi. Araw-araw akong nagigising kasama ang lalaking hindi ko mahal.”
Hindi na siya dapat nagtanong. Labinwalong taong gulang pa lang si Issa nang nabuntis ito ng anak ng amo ng ina nito – na asawa na nito ngayon. Kasambahay sa pamilya ng mga politiko si Tita Coring at dinala nito sa mansiyon si Issa noong mag-aral ang dalagita ng high school sa Maynila. Simula niyon ay binakuran na ni Samuel ang kaibigan niya.
Mas matanda si Samuel ng labindalawang taon kay Issa. Patay na patay ito sa kaibigan niya dahil bata pa lang ay maganda na talaga si Issa at may maganda nang hubog ng katawan.
Dahil panganay na anak si Samuel at mama’s boy pa, kahit mahirap lang si Issa ay kinunsinti ng mga magulang ni Samuel ang pagtingin nito sa kaibigan niya. Si Issa naman ay ambisosya na talaga at nangangarap nang guminhawa ang buhay kaya nagpabuntis ito kay Samuel para hindi na makawala ang lalaki. Sa ngayon ay pitong taon nang kasal ang dalawa.
“Pero hindi naman ako gano’n kamiserable,” bawi ni Issa na mabilis umaliwalas ang mukha. “Alam mo naman na mahal na mahal ko ang anak ko. At maginhawa na ang buhay ko.”
“Issa, paano kung magpakasal na lang ako sa matandang 'yon para maging maginhawa na rin ang buhay ko gaya mo?” sumusukong sabi niya.
“Sumusuko ka na?” nakataas ang kilay na tanong ni Issa, halatang hindi makapaniwala sa sinabi niya.
“Wala nang mawawala sa’kin dahil nawala na sa’kin ang kapatid ko. Isa pa, tiyak naman na hindi ako tatantanan ni Kuya,” walang ganang sagot niya. Alam ni Xaver kung saan siya hahanapin dahil alam nitong si Issa lang ang malalapitan niya.
Nabasag lang ang katahimikan sa pagitan nila nang tumunog ang cell phone niya, pero mabilis niya iyong pinatay nang makita ang pangalan ni Jason. Nang tanungin ni Issa kung sino iyon at nang sagutin niya ang kaibigan, bigla itong napangiti.
Hindi niya alam kung ano’ng nasa isip ni Issa pero alam niyang may pina-plano ito.
“Anong nginingiti-ngiti mo d’yan?” tanong niya kay Issa.
“Pikutin mo na lang si Jason,” suhesyon ni Issa.
Nanlaki ang mga mata niya. “Ano?!”
Ipinaikot ni Issa ang mga mata nito. “Mamili ka. Sino’ng pakakasalan mo? 'Yong matandang nirereto sa’yo ng Kuya mo, o 'yong guwapo at mayaman nating kaibigan na si Jason na halata namang may gusto sa’yo? Yoomi, kung ako ikaw, hindi ako kukurap sa pagpili.”
BINABASA MO ANG
I Married The Wrong Guy
RomanceYoomi married Jason for his money. But it turns out he isn't the rich heir she thought he is. Ang kuya pala nitong si Chess ang totoong tagapagmana. At si Chess din ang kailangan niya para mabayaran ang mga utang niya. Dang, she married the wrong gu...