Chapter 5

6.1K 137 3
                                    

“BAKIT naman tinanggihan mo pa 'yong marriage proposal ni Jason?”
Naririndi na si Yoomi sa paulit-ulit na tanong ni Issa simula nang sunduin siya nito sa condo unit ni Jason. Tinawagan niya si Issa kanina habang naliligo si Jason at nagpasundo na siya. Nag-iwan na lang siya ng sulat sa ibabaw ng kama ng binata.
Bumaling siya sa labas ng bintana ng kotseng kinalululanan nila ni Issa. Magkatabi sila sa backseat no’n. “Malalim 'yong nararamdaman niya para sa’kin, Issa.”
“Mahal ka niya?”
Hindi siya sumagot.
“Eh, 'di okay,” pagpapatuloy ni Issa. “Mas madali mong mapapasunod si Jason sa gusto mo kung mahal ka niya. Ibibigay niya sa’yo ang lahat ng hihilingin mo. At hindi mo naman siya kailangang iwan sa huli, Yoomi. Ikakasal kayo. Puwede kang maging asawa niya habambuhay.”
Mas madali sana kung hindi siya mahal ni Jason. Mas madali sana kung mapipilitan lang itong magpakasal sa kanya dahil nabuntis siya nito. Nang sa gano’n, kapag nakipaghiwalay na siya rito matapos niyang makuha ang kailangan niya, makakahinga pa ito ng maluwag.
Pero hindi gano’n ang mangyayari. Kapag iniwan niya si Jason, alam niyang masasaktan ito at matututunan nito mula sa kanya na impiyerno lang ang pagpapakasal. At ayaw niyang gawin 'yon dito. Ayaw niyang dagdagan ang tulad niyang sira na ang paniniwala sa pagpapakasal.
Nilingon niya si Issa. “'Yon nga 'yong kinakatakot, Issa. Hindi ako naniniwala sa kasal. Nakita ko ang mama ko na sinubukang saksakin ng kutsilyo ang papa ko. Nakita ko ang papa ko na batuhin ng electric fan ang mama ko. Narinig ko silang magmurahan sa araw-araw na ginawa ng Diyos. Sa tingin ko, sapat na dahilan na 'yon para hindi ako maniwala sa kasal at kung anu-ano pa na pinaniniwalaan ng mga babaeng hindi lumaki sa impiyernong bahay na gaya ng sa’kin.”
Impiyerno ang naging pagsasama ng mga magulang niya, at iyon marahil ang dahilan kung bakit lumayas si Xaver sa bahay nila noon. Kaya nga parang masamang biro na sabay namatay sa aksidente ang mama at papa niya kung kailan nagdesisyon ang mga ito na tuluyang maghiwalay.
“Pero kapag nakatingin ako kay Jason,” pagpapatuloy niya. “naiisip ko na baka hindi naman lahat ng pagsasama ng mag-asawa ay miserable. Baka may maipakita siya sa’kin na hindi ko nakita kina Mama at Papa, o sa inyo ni Samuel. At 'yon ang kinakatakot ko – ang maniwala ako sa ibang mukha ng kasal at mabigo lang sa huli. Ako 'to, Issa. Walang magandang nangyayari sa buhay ko.”
Halatang nagulat si Issa sa mga sinabi niya.
Maging siya ay nagulat sa mga nasabi niya. Akala niya, matapang na siya. Akala niya, matigas na ang puso niya. Sa huli pala, gaya lang siya ng pangkaraniwang babae – naniniwala sa fairy tale at naghihintay sa prinsipeng magliligtas sa kanya sa kamiserablehan niya.
Natauhan lang siya nang huminto na ang kotse. Pagbaling niya sa labas ng bintana ay naroon na pala sila sa tapat ng masikip na eskinita papunta sa bahay niya. Hanggang do’n na lang siya puwedeng ihatid ni Issa dahil hindi kasya ang sasakyan nito sa makipot na daan.
“Salamat sa paghahatid sa’kin, Issa,” sabi niya sa kaibigan nang hindi makatingin dito. Nahihiya kasi siya sa pagbuntong niya ng galit dito. “Tatawagan na lang uli kita.”
“Yoomi...”
Hindi na siya nagpapigil kay Issa at bumaba na siya ng kotse. Lakad-takbo siya papunta sa bahay niya at hindi niya pinapansin ang mga kapitbahay niyang may sinasabi sa kanya. Maging ang mga bata ay tila pinipigilan siya sa pag-uwi pero wala siyang pinapansin sa mga 'yon dahil nagbabadya nang pumatak ang mga luha niya.
“Ate, Ate!” pigil sa kanya ng isang bata na humarang pa talaga sa daan niya.
“Ano ba 'yon?” naiinis nang tanong niya.
“Yoomi!”
Nalingunan niya si Xaver na kalalabas lang ng bahay nila. Malayo pa lang ay nakikita na niyang galit na galit ito. Nakaramdam siya ng pangangailangang tumakbo palayo, pero nanigas siya sa kinatatayuan niya dala ng matinding takot.
Sinampal siya ng malakas ng kapatid niya paglapit nito sa kanya na napaupo siya sa sahig. Pakiramdam niya ay umikot ang mundo, kasabay ng sigawan ng mga kapitbahay nila.
“Walanghiya ka, Yoomi! Pinahiya mo ko sa amo ko!” galit na galit na sumbat ni Xaver sa kanya. Tinuro nito ang bugbog-saradong mukha nito. “Nakikita mo 'to? Muntik na nila akong mapatay kagabi dahil sa kagagahan mo!”
Marahas na hinawakan siya sa braso ni Xaver at hinila patayo. Halos kaladkarin siya nito papasok sa bahay nila. Wala ni isang tumulong sa kanya dala marahil ng takot sa kapatid niya. Hindi rin siya makasigaw dahil hanggang ngayon ay hilo pa rin siya dahil sa malakas na sampal ng kuya niya kanina. Tinatangka niyang manlaban pero mas malakas talaga ang kuya niya. Sa bawat suntok niya rito, dobleng lakas ng sampal ang iginaganti nito sa kanya.
Nang nasa bahay na sila ni Xaver, do’n na lalong umikot ang mundo niya. Paulit-ulit na sinampal siya ng kuya niya habang minumura at sinisigawan siya nito. Pagkatapos ay sinuntok siya nito sa sikmura at mabilis siyang namalipit sa sakit. At sa gitna ng matinding pananakit ng mukha at katawan niya, narinig niya ang boses na tila tumatawag sa kanya.
“Yoomi!”
Tuluyan na siyang natalo ng sakit na nararamdaman niya dahil sa patuloy na pagbugbog ni Xaver sa kanya. Ang huling natatandaan niya, sa malakas na sampal ng kuya niya ay natumba siya at tumama ang ulo niya sa matigas na bagay.

I Married The Wrong GuyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon