Chapter 11

4.5K 116 3
                                    

NAGISING si Yoomi na may matigas na bagay na nakatusok sa pisngi ng puwitan niya. Nakayakap sa kanya si Jason mula sa likuran at nakasubsob ng mukha nito sa balikat niya. Tuluyan nang nagising ang diwa niya sa realisasyon ng posisyon nila, at kung ano ang matigas na bagay na nararamdaman niya.
“Jason!”
Mukhang napalakas ng husto ang pagsigaw niya dahil nagising agad si Jason at natatarantang bumangon.
“What? What?” natatarantang tanong ni Jason.
Bumangon siya at tinapunan ito ng masamang tingin.
Itinaas ni Jason ang mga kamay nito. “Ano’ng ginawa ko?”
Imbis na sagutin ito ay tinapunan lang niya ng masamang tingin ang ibabang bahagi ng katawan nito na buhay na buhay agad.
Mukhang naintindihan na ni Jason ang nangyari dahil namula ang mukha nito. Humila ito ng unan at pinatong sa mga hita nito para pagtakpan ang pagkakalaki nito. “Hey, don’t glare at my little guy down there. It’s morning, you know,” depensa nito.
Nabasa niya minsan na normal lang sa mga lalaki ang magkaroon ng “morning arousal”. Totoo pala 'yon.
“Sorry,” sinserong sabi ni Jason.
Hindi ito dapat nag-so-sorry dahil sa natural na anatomy ng katawan mga kalalakihan. “Sorry din. Nagulat lang naman ako…”
Ngumiti ito. “I understand.”
Tumango siya. “Magluluto na ko ng agahan.”
Nang tumango si Jason ay lumabas na siya ng kuwarto nila. Gaya ng unti-unti na niyang nakakasanayan, nagluto na siya ng agahan nila.
Nagluto siya ng sopas ng umagang iyon dahil malamig ang panahon. Habang nagsasaing siya, naalala niya ang binigay na papel sa kanya ni Jason kagabi. Ang sabi nito, puwede raw siyang mamili ng lugar kung saan sila magbabakasyon. Nakapagdesisyon na siya.
“Uy, ang bango ng niluluto mo,” sabi ni Jason pagpasok nito sa kusina. “Hindi ako nambobola, ah.”
Nilingon niya ito. Bagong-paligo ito at para sa kanya, mas mabango ito kaysa sa niluluto niya. “Maupo ka muna. Malapit nang maluto 'yan,” sabi niya rito habang in-o-on niya ang rice cooker. “Kaunti lang din ang sinaing ko kaya mabilis lang 'to.”
“Okay lang,” sabi ni Jason habang pumipitas ng ubas sa fruits basket sa gitna ng basket.
Nakakatawa nga dahil dalawang klase ng prutas lang ang nasa fruits basket nila – mga ubas at mga ponkan.
Umupo siya sa silya sa tapat ni Jason. Kumuha siya ng ponkan at sinimulan 'yong buksan. Sanay siyang kumain niyon sa umaga kaya sigurado siyang hindi mangangasim ang sikmura niya. “Jason, nakapagdesisyon na ko kung saan ko gustong magbakasyon.”
Natigilan sa pagsubo ng ubas si Jason. Halatang nasabik ito sa sinabi niya. “Talaga? Saan?”
“Dito sa bahay.”
Nalaglag ang hawak nitong ubas. “Ha?”
“Dito sa bahay,” pag-uulit niya. “Naisip ko kasi na hindi tamang magbakasyon tayo sa malayo habang nawawala pa ang kuya mo. Para kung sakaling kailanganin ka ng pamilya mo, nasa malapit ka lang at makakapunta ka agad sa kanila.”
Naging alanganin ang ngiti ni Jason. “Yoomi, it’s fine, really. Hindi mo kailangan mag-alala sa pamilya ko.”
Umiling siya. “Kasama 'to sa obligasyon ko bilang asawa mo.”
Matamang pinagmasdan siya ni Jason. Unti-unti ay umaliwalas ang mukha nito. “Ang bait talaga ng asawa ko.” Tumayo ito at niyakap siya mula sa likuran, pagkatapos ay hinalikan siya sa pisngi. “Thank you for being understanding.”
Pilit na ngumiti lang siya.
Sa totoo lang, ayaw niya lang din lumayo kasama si Jason hindi dahil natatakot siya rito. Mas natatakot siya sa mabilis na pagbabago ng damdamin niya. Kung mapupunta siya sa mala-paraisong lugar, baka makalimutan na niya ng tuluyan ang realidad niya at hindi na siya makatakas sa langit na pinaparamdam ni Jason sa kanya ngayon.
Umupo si Jason sa tabi niya. Nanatiling nakapatong ang braso nito sa mga balikat niya. “Kahit nasa bahay lang tayo, marami naman tayong puwedeng gawin at puntahan na malapit, 'di ba? We should make plans on how we’ll spend our vacation together.”
Tumango siya. “Pero Jason, puwede bang dumaan muna ko sa tindahan ko mamaya?”
“Sure. Sasamahan kita.”
Napilitan na siyang lingunin ito. Napakalapit nga talaga ng mukha nito sa kanya. Gayunman, hindi siya nailang. “Huwag na, Jason. Mabilis lang naman ako ro’n, saka nga pala, nagpapasama si Issa mag-shopping ngayon. Maiinip ka lang. Pero promise, mabilis lang kami.”
“I don’t trust women when they say they will be quick when it comes to shopping. ‘Quick’ in your dictionary usually means half a day.”
Kinurot niya ito sa tagiliran na ikinaigtad nito.
Natawa si Jason, saka bumuntong-hininga. Dinukot nito ang wallet nito sa bulsa nito at binuksan iyon, pagkatapos ay inabot nito sa kanya ang kulay gold na credit card. “Dalhin mo 'to at gamitin. Gusto kong mag-shopping ka rin para sa sarili mo.”
Umiling siya. “Jason, hindi na kailangan. Wala naman akong gustong bilhin…”
Kinuha nito ang kamay niya at nilagay do’n ang credit card. “I want to pamper my wife. Pagbigyan mo na ko.”
Napabuntong-hininga na lang siya. Ipag-sha-shopping na lang niya si Jason ng damit mamaya. “Ano’ng gagawin mo rito habang wala ako?”
Humalukipkip ito at tumingala sa kisame. “Well, bukod sa isipin ka, malamang ay hindi ko bibitawan ang cell phone ko. Tatawag ako sa’yo maya-maya kaya 'wag mong i-sa-silent ang phone mo, ha?”
Napangiti siya. Nakakainis kapag nagpapa-cute si Jason. Hindi tuloy niya napigilan ang sarili niyang halikan ito sa pisngi. “Uuwi agad ako, Mr. Grapes,” pangako niya rito.
Bumaba ang tingin ni Jason sa kanya. Nagpaawa ito ng mukha, saka siya niyakap ng mahigpit. “Dapat lang. Ma-mi-miss kita, Queen Ponkan.”
Ano ba 'yan. Parang ayaw na tuloy niyang umalis.

MABILIS naman ang biyahe ni Yoomi mula Malolos hanggang Divisoria. May dumadaan naman kasing bus sa tapat ng subdivision nila na diretso na sa Divisoria.
Pagdating niya sa tindahan niya ay naabutan niya si Merry – ang katiwala na kinuha niyang magbantay ng puwesto niya. Isang buwan na itong nag-ta-trabaho sa kanya dahil hindi siya pinayagan ni Jason na bumalik sa trabaho matapos ng ginawa ng kuya niya sa kanya.
Nagtaka nga siya nang pinayagan siya ni Jason na lumakad mag-isa, pero naisip niya na baka iniisip nito na masasakal siya kapag pinagbawalan siya nito. 'Yon talaga ang mararamdaman niya kung sakaling nagpumilit ang asawa niya na samahan siya.
Pero nagsinungaling siya kay Jason. Hindi sila magkikita ni Issa.
Ayaw niya na lamunin ng takot niya sa kuya niya. Kailangan niyang lumabas at mapag-isa nang hindi na-pa-paranoid na baka dumating si Xaver para maramdaman niyang bumalik siya sa normal. Nababagabag kasi siya na natatakot na siyang umalis sa tabi ni Jason kung saan alam niyang ligtas siya. 'Yon ang dahilan kung bakit ginusto niyang umalis ng bahay ngayon.
Pasimpleng inabot niya kay Merry ang puting sobre. “Sweldo mo, Merry.”
Ngumiti ito ng malapad. “Salamat, Ate.”
Ngumiti lang siya.
Tinawagan niya si Issa at nakipagkita siya rito. Pumayag naman ito at sinabing magkita na lang sila dahil kasama pa nito si Samuel sa kung ano’ng out reach program ng asawa nito. Hindi pa niya nabubulsa ang cell phone niya nang tumunog iyon.
“Hello, honey,” malambing na bati ni Jason sa kanya. “Nasaan ka na?”
“Paalis na ko dito ng tindahan. Magkikita kami ni Issa sa Hanson Mall mamaya,” imporma niya rito. May narinig siyang tawanan at mga boses ng mga bata sa background. Kumunot ang noo niya. “Nasaan ka, Jason?”
“Nandito lang ako sa labas, nakikipaglaro sa mga anak ng kapitbahay natin.” Narinig niya itong tumikhim. Istrikto na ang boses nito nang muli itong magsalita. “I still miss you even though I’m having fun with the kids. Required ka pa rin umuwi ng maaga.”
Napahinto siya sa paglalakad nang may kung ano’ng saya na lumukob sa puso niya, dahilan marahil para bumilis ang tibok niyon. Ngayon lang may nagparamdam sa kanya na espesyal siya. Hindi niya alam na gano’n pala kasarap sa pakiramdam niyon.
“I’ll call you again later,” sabi ni Jason. “I-text mo ko kapag magkasama na kayo ni Issa.”
“Okay,” sagot niya bago niya pinutol ang tawag.
“Mandurukot!”
Nabigla siya nang may malakas na sumigaw. Pagpihit niya paharap sa pinanggalingan ng ingay, nakita niya ang isang lalaki na naka-cap na mabilis tumatakbo. Hinahawi nito ang mga tao na nasasalubong nito na dahilan para magkamurahan.
Sanggano ang kuya niya. Hindi siya natatakot sa mga gano’ng sitwasyon. Kinuha niya ang laruang baseball bat na nakita niya sa tindahan sa tabi niya. Hinanda na niya ang sarili niya sa paghambalos niyon sa mandurukot na papalapit na sa kanya…
Nang may matangkad na lalaking naka-cap na basta na lang sumulpot sa harap niya. Ito ang pobreng tumanggap sa paghampas niya ng laruang baseball bat. Gawa man iyon sa plastic, malakas pa rin ang pagbuwelo niya kaya tiyak na masakit 'yon.
Napahawak sa ulo nito ang matangkad na lalaki na nagpakawala ng sunud-sunod na mura. Magandang pakinggan ang pagmumura nito dahil nasa salitang Ingles iyon.
Hinarap siya ng matangkad na lalaki. “What the hell is your problem, woman?”
Nagulat siya. Sosyal nga ang lalaking 'to. Hindi lang sa pananalita kundi maging sa itsura. Guwapo ito at mestizo. Nawala lang dito ang atensiyon niya nang lumagpas na ang mandurukot sa kanila.
“Tulong! Mandurukot 'yan!”
Napalingon siya sa matabang babae na tumatakbo habang patuloy sa pagsigaw. Ito marahil ang nabiktima ng mandurukot. Pero nagulat siya nang paglapit sa kanila ng ginang, bigla nitong hinablot ang guwapong mestizo at pinagpupupukpok sa ulo ang binata.
“Walanghiya ka! Mandurukot ka! Ibalik mo sa’kin ang wallet ko!” galit na galit na sigaw ng matabang babae.
“Aw! Aw! Aw!” sunod-sunod na daing naman ng guwapong mestizo na yumuko at tinakpan ng mga braso ang ulo nito. “Dammit, I’m not a thief!”
Nakonsensiya naman si Yoomi kaya humarang siya sa pagitan ng matabang babae at ng guwapong mestizo. Natamaan siya sa ulo ng malapad na kamay ng ginang bago ito kumalma.
“Misis,” nakasimangot na pukaw niya sa atensiyon nito. Mabigat ang kamay nito kaya nasaktan siya. “Hindi siya 'yong mandurukot.” Tinuro niya ang direksyon na tinakbuhan ng kriminal. “Tumakbo ro’n 'yong magnanakaw.”
Kumalma agad ang ginang. “Ah, gano’n ba? Pasensiya. Naka-sombrero rin kasi 'yang nobyo mo kaya kala ko siya 'yong mandurukot.”
Bago pa niya maipagkailang nobyo niya ang guwapong mestizo, tumakbo na uli ang matabang ginang habang nagsisisigaw. Nang may naramdaman siyang “masamang mata” na nakatingin sa likod niya, nagsimula na siyang maglakad palayo.
“Miss, saan ka pupunta?”
Bumuga siya ng hangin bago hinarap ang binata. “Sorry. Hindi ko sinasadyang saktan ka. Ikaw kasi, bigla kang humarang sa harap ko.”
Nanlaki ang mga mata ng lalaki. “Are you saying na kasalanan ko pa ang nangyari?”
Sumimangot lang siya. Kinuha niya mula sa bag niya ang ponkan na baon niya, at hinagis iyon sa binata na nasalo naman ang prutas. “Sorry uli.”
“Bakit mo binigyan ng ponkan?” gulat na tanong ng lalaki.
“Naayos ng ponkan ang lahat.”
Ngumisi ang lalaki. Kumislap ang pagkaaliw sa mga mata nito. “Tatanggapin ko lang ang apology mo kung makikipag-date ka sa’kin.”
Malandi ka. Pinakita niya rito ang singsing sa daliri niya. “Kasal na ko, Mister.”
Sinimangutan niya ito bago niya ito tinalikuran.

I Married The Wrong GuyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon