“HUWAG mo kong bibitawan, Jason.”
“Hinding-hindi, Yoomi.”
“Huwag mo kong pagtawanan!”
“Hindi kita pinagtatawanan.”
Lumabi si Yoomi.
Tuluyan nang tumawa si Jason ng malakas.
Pinaningkitan niya ng mga mata si Jason, pero nanatiling mahigpit ang pagkakahawak niya sa mga kamay nito. Nakatuntong siya sa skateboard niya at kahit kumpleto naman ang suot niyang protective gear, natatakot pa rin siyang mahulog sa board at mabalian ng buto.
Napasinghap siya nang dahan-dahan siyang hinila ni Jason, dahilan para gumulong din ang skateboard na kinakatungtungan niya. “Jason, ayoko na! Ayoko na! Ayoko na!”
“Honey, calm down!”
Sa kaka-panic niya ay naging malikot siya dahilan para mahulog siya sa skateboard. Mabuti na lang at nasalo siya ni Jason. Yumakap siya agad dito dala ng kaba. Mabilis naman nitong pinalupot ang mga braso nito sa baywang niya.
“Natakot ka, Queen Ponkan?” tila naaaliw na tanong ni Jason.
Kumalas siya sa pagkakayakap dito. “Sinabi ko naman sa’yong takot ako sa ganyan, eh.”
Ginaya nito ang paglabi niya, halatang inaasar siya. “Aw. Kawawa naman ang baby ko. Daig ka pa ng mga baby sa paligid natin.”
Lumingon siya sa paligid. Pinagtatawanan siya ng mga batang nag-i-skateboard at nag-i-scooter sa parke ng subdivision nila. Sinimangutan niya si Jason. “Sinasabi ko na nga ba’t dinala mo lang ako rito para pagtawanan.”
Biglang naging seryoso si Jason. “That’s not true.”
Hindi siya kumibo.
Yumuko si Jason at sinubukang hulihin ang mga labi niya, pero nilayo niya ang mukha niya rito. Natawa ito ng mahina at hindi pa rin sumuko hanggang siya na rin ang bumigay. Hindi siya makatanggi sa mga halik nito.
“Sorry, honey,” sinserong bulong ni Jason sa pagitan ng mga halik nito. “Gusto mo bang subukan uli?”
Tumango siya. Tumuntong uli siya sa skateboard niya. Sa pagkakataong iyon, tumayo sa tabi niya si Jason. Sinampay niya ang isang braso niya sa mga balikat nito, habang nakapalupot naman ang braso nito sa baywang niya para masiguro nitong hind siya mahuhulog sa skateboard habang naglalakad ito at hinihila siya para umandar ang mga gulong.
Napabungisngis siya. Nararanasan niyang makapag-skateboard sa tulong ni Jason.
Pumalataktak naman si Jason. “Paano ka matututo niyan?”
“Hindi naman kailangan matuto agad sa unang araw ng training, 'di ba?” katwiran niya. “Dapat masanay muna ko na nakasakay sa skateboard.”
“Kuuu. Mga katwiran mo talaga, oh. Pasalamat ka at nag-e-enjoy ako sa posisyon natin kundi, hinulog na kita d’yan,” halatang nagbibirong sabi nito. niyang kahit kailan ay hindi siya pisikal na sasaktan ni Jason.
Ngumiti lang siya. Maging siya ay nag-e-enjoy sa posisyon nila sa Jason.
Kung noon siguro, sasabihin niyang matagal na niyang hindi alam ang pakiramdam kung paano maging masaya. Pero ngayon, hindi na yata niya alam ang pakiramdam ng maging malungkot. Isang buwan pa lang niyang nakakasama si Jason, pero para bang ang tagal-tagal na niyon. Wala ring araw na hindi siya nito napapangiti at napapatawa kaya pakiramdam niya, nalulunod na siya sa sobrang kasiyahan.
Pero alam niya, magigising din siya mula sa napakagandang panaginip na 'yon. Pero sa ngayon, gusto muna niyang namnamin ang bawat sandali na kasama si Jason.ABALA si Yoomi sa paglilista ng mga gagawin nila ni Jason ng araw na 'yon. Isinusulat niya ang mga naiisip niya sa memo note at balak niyang idikit ang mga iyon sa cork board mamaya. Tatawagin niya iyong “The Commitment Wall” para pareho silang hindi nakalimot kapag may napagkasunduan silang gawin.
Napangiti siya sa naisip niya.
Pero agad ding nabura ang ngiting iyon.
Hindi niya alam kung kailan nagsimula, pero ramdam niya, nagiging totoo na para sa kanya ang pagsasama na iyon. Halos makalimutan na rin niya ang totoong dahilan kung bakit nagpakasal siya kay Jason.
Para lang sa pera nito.
At darating ang araw na iiwan niya rin ito.
May kung ano’ng nabuhol sa sikmura niya.
Bakit umaarte ka na parang mabuting asawa, Yoomi? tanong niya sa sarili. Darating ang araw na magagalit din sa’yo si Jason at iiwanan mo rin siya.
Nang mga sandaling iyon, umusbong sa puso niya ang matinding pagnanais na sana, sana nakilala niya si Jason no’ng panahong kayang-kaya pa niya magmahal ng ibang tao. Ngayon kasi, sa sobrang sakit na naranasan niya sa sunod-sunod na pagsubok sa buhay niya, masyadong malaki ang pangangailangan na protektahan niya ang sarili niya.
Mabuti nang manakit kaysa masaktan.
“Honey.”
Nag-angat siya ng tingin kay Jason. Bigla-bigla, may panibagong pag-asa ang bumangon sa dibdib niya: hindi niya kailangang protektahan ang sarili niya mula sa lalaking pinakasalan niya dahil hindi siya nito sasaktan. Pinapasaya siya nito.
Pero kadalasan, ang taong nagpapasaya sa’yo ang tao ring may kapangyarihang saktan ka ng husto…
Gumuhit ang pag-aalala sa mukha ni Jason. “Bakit mukhang malungkot ka, Yoomi?”
Pilit siyang ngumiti, kasabay ng pagtulak niya sa lahat ng alalahanin sa madilim na bahagi ng puso niya. “Wala naman.” Kumunot ang noo niya nang mapansing nakabihis ng maganda si Jason. “Aalis ka?”
Ngumiti ito na tila humihingi ng paumnahin. “Oo. May kailangan kasi akong asikasuhin. Don’t worry. I’ll be home before lunch.”
Tumingin siya sa wall clock. Alas-otso pa lang ng umaga. “Masyado naman yatang maaga ang alis mo. Saan ka ba pupunta?”
“Sorry. Kailangan eh. May importante lang akong dadaanan na hindi ko puwedeng ipagpabukas.” Tinangka nitong silipin ang sinusulat niya, pero tinakpan niya iyon ng mga braso niya. Sumimangot ito. “Ano 'yang sinusulat mo, Yoomi?”
Pinalobo niya ang kaliwang pisngi niya. “Ipapabasa ko lang sa’yo kapag nakauwi ka na mamaya.”
Ngumiti si Jason. “All right. I’ll be home really quick.”
Nadismaya siya. Akala niya ay magbabago ang isip nito. Pero inalis din niya sa isip niya 'yon. Hindi siya dapat masanay na laging kasama si Jason.
Yumuko si Jason para bigyan siya nang magaang na halik sa mga labi. “Ano’ng gusto mong pasalubong?”
“Kahit anong makakain,” walang ganang sagot niya. Nalulungkot talaga siya kahit alam niyang sandali lang mawawala si Jason.
“Okay. Aalis na ko.”
Hindi siya tumayo sa kinauupuan niya. “Ingat.”
Bahagyang kumunot ang noo ni Jason, nagtaka marahil dahil hindi niya ito hinatid kahit hanggang labas. Pero sa huli, ngumiti lang ito at lumabas na.
Nakonsensiya siya. Sa tanang buhay niya, ngayon lang siya umarte na parang bata. Wala iyon sa karakter niya. Pero kasi ngayon, may mga ginagawa at nasasabi niyang walang pahintulot ng sarili niya.
Hindi na siya nakatiis. Tumayo siya at humabol kay Jason para sana humingi ng pasensiya sa inasta niya. Pero nang makarating siya sa bintana, natigilan siya sa nakita niya.
Nakikipagtawanan ang asawa niya sa kapitbahay nilang kolehiyala habang nakahinto sa pagsakay sa kotse nito. Maganda ang babae, bata at mukhang matalino.
May kung ano’ng bumara sa dibdib niya.
BINABASA MO ANG
I Married The Wrong Guy
RomanceYoomi married Jason for his money. But it turns out he isn't the rich heir she thought he is. Ang kuya pala nitong si Chess ang totoong tagapagmana. At si Chess din ang kailangan niya para mabayaran ang mga utang niya. Dang, she married the wrong gu...