Chapter 28

3.8K 84 2
                                    

NAGSUSULAT si Yoomi sa pahina ng sticky note niya para pakalmahin ang sarili niya. Nagkulong siya sa kuwarto pagkauwi nila ni Jason. Nakaupo lang siya sa kama, may nakapatong na una sa mga hita niya na ginawa niyang mesa habang nagsusulat siya.
“The world looks less scary when I’m with you.”
Napangiti siya dahil sa sinulat niya. Hindi siya komportableng magsalita sa Ingles dahil nabubulol siya, pero mataas ang kumpiyansa niya sa sarili na tama ang grammar niya. Nasa high school pa lang siya ay mahilig na siyang magsulat ng mga tula at mga maiikling kuwento sa wikang Ingles. Pero dahil naisip niyang hindi siya mabubuhay ng pagsusulat niya, Education ang kinuha niyang kurso tutal ay mahilig din naman siya sa mga bata.
Bumalik lang uli ang hilig niya sa paggawa ng maiikling kuwento nang atasan siya ni Alekasander na gumawa ng script para sa music video ng Countdown to Breaking-up.
Nalungkot siya nang maalala na naman niya ang titulo ng kantang iyon. Nang una iyong banggitin ni Aleksander, pakiramdam niya ay masamang senyales iyon nang nalalabing oras niya kasama si Jason.
At kanina, nang makita siya ni Xaver, lalo niyang napagtibay na bilang na ang mga masasayang sandali niya.
“Kapag hindi mo iniwan 'yang asawa mo, malilintikan siya sa’kin! Babawiin kita sa kanya sa kahit ano’ng paraan!”
Pumatak ang mga luha niya sa makulay na papel na sinusulatan niya. Natatakot siya para kay Jason. Kung siya nga na sariling kapatid ni Xaver, muntik na nitong mapatay sa bugbog, paano pa kaya ang asawa niya? Hindi na niya kilala ang kuya niya. Ang alam lang niya, mapanganib na itong tao.
At nang dahil sa kanya, maaaring mapahamak si Jason. Alam niyang kahit ano’ng gawin ng asawa niya, hindi siya nito mapoprotektahan mula sa kapatid niya. Hangga’t nakikita siya ni Xaver, hindi siya nito titigilan.
Alam niyang sasaktan ni Xaver si Jason mabawi lang siya mula sa huli. At alam niyang makikipagpatayan si Jason bago siya nito hayaang makuha ni Xaver.
Iyon ang hindi niya mapapahintulutan – ang mamatay si Jason para sa kanya.
Kung kailangan kong magsakripisyo para hindi ka mapahamak, gagawin ko rin 'yon nang hindi kumukurap, Jason.

I Married The Wrong GuyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon