TINULUNGAN ni Yoomi si Jason na humiga sa kama nila. Kalalabas lang nito ng ospital at ang sabi naman ng doktor, kailangan lang nitong magpahinga. Babalik na lang sila sa ospital kapag kailangan nang tanggalin ang cast sa braso ng binata isang linggo mula ngayon.
Nabawasan na ang takot niya. Hindi niya alam kung ano’ng gagawin kung sakaling may masamang nangyari sa asawa niya.
“Magpahinga ka na,” sabi niya kay Jason. Hindi siya makatingin sa mga mata nito. “M-maglilinis lang ako sa sala.”
“Gabi na. Bakit maglilinis ka pa?”
“Para malinis,” walang kuwentang sagot niya.
Akmang tatayo na siya pero hinawakan siya ni Jason sa kamay gamit ang magaling nitong braso at hinila siya pabalik sa kama.
“Bakit hindi ka makatingin sa’kin?” tila nagtatampong tanong ni Jason.
Dahil sa tono ng boses nito, napilitan siyang mag-angat ng tingin dito. “Sorry, Jason. Sinagot-sagot ko ang stepmom mo. Hindi ko lang kasi matiis na ikaw pa 'yong sinisisi niya sa nangyari sa inyo ni Chess –” Umiling-iling siya. Bayaw niya ang tinutukoy niya kaya kailangan magalang siya. “Ni Kuya Chess gayong aksidente naman 'yon. Halata namang pinag-iinitan ka niya. Saka por que ba tagapagmana ang kapatid mo at ikaw hindi, mas mahalaga na ang kapatid mo kaysa sa’yo? Puwes, kung mahalaga siya sa mga Javier, ikaw naman ang pinakaimportanteng tao sa buhay ko.” Nakagat niya ang ibabag labi niya. “Hindi ko sinasadyang bastusin ang pamilya mo. Sorry.”
Nanatili lang nakatitig sa kanya si Jason. No’ng una ay wala itong reaksyon, hanggang sa unti-unting sumilay ang magandang ngiti sa mga labi nito. Napuno ng pagmamahal at pang-unawa ang mga mata nito.
Masuyong hinaplos nito ang pisngi niya gamit ang magaling nitong kamay. “Wala kang dapat ihingi ng tawad, Yoomi. Wala kang ginawang masama. Siguro, mali lang ako na sinubukan ko pang ilapit uli ang sarili ko sa pamilyang matagal na kong tinalikuran. Hindi naman lahat ng magkakadugo, magkakapamilya na agad. Now I know what family truly means. 'Yon 'yong mga taong handa kang ipaglaban kahit kanino. You’re my family now, honey.”
Napangiti siya. Nawala na ang pangamba niya. Pinatong niya ang kamay niya sa kamay ni Jason sa pisngi niya. “Ikaw din ang pamilya ko, Jason.”
Bumuntong-hininga ito. Pero hindi nawala ang ngiti nito. “Ah, Yoomi. You just made me fall for you harder. I love you, honey.”
Natigilan siya. Hindi niya alam kung gaano katagal siyang parang estatwa lang, hanggang sa maramdaman niya ang pagpatak ng mga luha niya.
Nataranta naman si Jason. Hindi nito alam kung paanong yakap ang gagawin sa kanya. “Hey, why are you crying? May nasabi ba kong masama?”
Umiling siya, saka pinunasan ang mga luha niya. “Masaya lang ako. Ngayon mo lang kasi sinabing mahal mo ko. No’ng sinabi ko sa’yo dati 'yon, hindi mo ko sinagot.”
Napanatag ang mukha ni Jason. Gumuhit din ang pagkapilyo sa mga mata nito. “I’m sorry. I thought I properly conveyed my response when I brought you to paradise that night.”
Nag-init ang mga pisngi niya. “Jason...”
Natawa ito ng mahina saka hinawakan ang kamay niya. “When I met you, your eyes were empty. Kaya naaaliw ako kapag may nakikita akong ibang emosyon sa mga mata mo. Pinapasaya kita kasi gusto kong bumalik ang buhay sa mga mata mo. Pero may binago ka rin sa’kin. I give colors to your eyes, and you give beats to my heart. It’s an equivalent exchange.”
Si Jason ang nagbalik ng buhay niya.
Siya naman ang nagpatibok ng puso nito.
Napangiti siya. “Hindi na masama.”
Unti-unting napalitan ng kunot ng noo ang aliwalas ng mukha nito. “Anyway, Yoomi. Tinawag mong ‘Chess’ ang kuya ko kanina. Nagkakilala na ba kayo?”“GRAPES at ponkan lang ba ang flavor ng juice niyo, Mrs. J?”
Nginitian lang ni Yoomi ang reklamo ni Aleksander. Gusto rin niya ang tawag nito sa kanya. Nilapag niya ang tray ng merienda sa coffee table.
Dumalaw sa bahay sina Aleksander, Henri at Vivo matapos malaman ng mga ito ang nangyari kay Jason. Ngayon niya lang uli nakitang kumpleto ang Violet Rage at kahit mataas pa ang sikat ng araw, halatang mga rakista ito dahil puro itim ang suot na mga damit ng mga ito.
Ang pinagkaiba lang ni Jason sa mga kabanda nito, ang asawa niya ang “pinakamalinis” tingnan dahil wala itong tattoo at hindi rin kahabaan ang buhok nito.
Binato ni Jason ng unan sa mukha si Aleksander. “Reklamador ka masyado, Aleksander. Palibhasa, alak lang ang kinikilalang inumin ng baga mo.”
Ngumisi si Aleksander. “May beer ba kayo d’yan?”
“Hindi puwede,” kontra niya. “Masyado pang maaga para sa alak. Mag-juice ka muna.”
Hinila siya ni Jason paupo sa tabi nito, pagkatapos ay niyakap siya nito gamit ang magaling nitong braso. “At sa bahay na 'to, si Queen Ponkan ang masusunod.”
Sumimangot lang si Aleksander.
Tumikhim naman si Henri na ginagawang unan ng natutulog na si Vivo ng mga sandaling iyon. Hawak nito ang drumsticks nito at tinatambol iyon sa armrest. “As I was saying, hindi pa tayo kino-contact ng mga record label na pinag-send-an ko ng demo tape natin. Mukhang malabo nang mailabas ng bigating producer ang album ng Violate Rage.”
Natahimik ang lahat. Kahit si Aleksander na kadalasan ay malaki ang tiwala sa sarili, biglang nalumbay. Gano’n din si Jason na nalungkot bigla.
Sa pagnanais na mapasaya si Jason, ginamit niya ang lahat ng talino niya para makapag-isip ng paraan para matulungan ito.
“Nasubukan niyo na bang i-promote ang kanta niyo sa ibang paraan maliban sa pagtugtog niyo sa mga gig niyo?” tanong niya.
Sabay-sabay napatingin sa kanya ang apat na lalaki – maging si Vivo ay gising na. All members of Violate Rage was good-looking, so she felt a little self-conscious.
“May YouTube account ang Violet Rage, honey,” sagot ni Jason. “Naka-upload do’n ang mga kanta namin at umaabot naman ng three thousand hits ang mga videos namin.”
“Medyo mababa 'yon,” matapat niyang sabi na ikinalumbay lalo ng mga lalaki kaya mabilis siyang bumawi. “Bakit hindi niyo baguhin ang strategy niyo?”
Umupo si Aleksander sa coffee table. “Paano?”
“Aleksander, kapag nabasag 'yang coffee table, ibebenta ko puri mo sa mga bakla mong fans para makapag-produce tayo ng album,” iritadong banta ni Jason kay Aleksander.
Mabilis namang tumayo si Aleksander. “Saksak mo sa baga mo 'yang mesa mo.”
Natawa siya ng mahina. Matagal na niyang napapansin na bawat isa sa miyembro ng Violet Rage ay may kakaibang karisma. “Bakit hindi kayo gumawa ng music video para sa bago niyong kanta? Kung may nakikita ang mga tao sa videos niyo, sa tingin ko mas magiging patok 'yon.”
Nalukot ang mukha ni Aleksander. “Alam kong guwapo ako, Mrs. J, but I don’t want to get famous just because of my good-looks. Ang mga kanta ko ang gusto kong sumikat.” Ito kasi ang nagsusulat ng kanta para sa banda.
“Huwag mo namang masamain ang suhesyon ko,” depensa niya. “Aminin mo. Magandang strategy 'yon. Ang kailangan natin ngayon, ma-introduce sa mas malaking bilang ng listener ang kanta niyo. Kapag naging viral ang video niyo, mas maraming makaka-appreciate sa banda niyo.”
“May punto ang asawa ko,” mabilis na sang-ayon ni Jason. “At mas mapapansin tayo ng mga record labels kapag naging viral ang videos natin.”
“We need a brilliant music video na mag-hi-hit,” sabi naman ni Henri.
“Mag-hi-hit 'yon kapag nakita sa videos ang mukha niyo. Ang guguwapo niyo kaya saka may kanya-kanya kayong karisma,” mabilis na sabi niya.
Napatingin muli sa kanya ang apat na lalaki. Sa pagkakataong iyon ay nakangiti ang mga ito.
“I already like you, Mrs. J,” nakangising sabi ni Vivo na sinang-ayunan nina Aleksander at Henri.
“Hey! How can you say that to my wife in front of me!” reklamo naman ni Jason na tinawanan lang ng mga kaibigan nito.
“So, Mrs. J. Inaasahan kong tutulungan mo kami sa paggawa ng music video tutal ay ideya mo naman ito?” tanong ni Aleksander.
Tumango siya. “Ano nga pala ang title ng bago mong sinulat na kanta, Aleksander? Susubukan kong gumawa ng script para sa music video.”
“‘Countdown to Breaking-up’.”
Natigilan siya. Hindi niya alam kung bakit bigla siyang nanlamig pagkarinig ng titulo ng kanta. “Masyado namang malungkot at tragic.”
Nagkibit-balikat si Aleksander. “'Story of my life.”
Nilingon niya si Jason. Binigyan lang siya nito ng ngiti na tila humihingi ng dispensa. Hindi na siya nagtanong pa.
BINABASA MO ANG
I Married The Wrong Guy
RomanceYoomi married Jason for his money. But it turns out he isn't the rich heir she thought he is. Ang kuya pala nitong si Chess ang totoong tagapagmana. At si Chess din ang kailangan niya para mabayaran ang mga utang niya. Dang, she married the wrong gu...