MASAMA ang tingin ni Yoomi sa mukha ni Jason sa wedding picture nila. Lagpas lunch na at ang totoo nga niyan, merienda na dahil alas-kuwatro na ng hapon. Pero ang magaling niyang asawa, hindi pa rin umuuwi ng bahay.
Ayaw naman niyang tawagan si Jason at baka kung ano pa ang isipin nito.
Dumako ang tingin niya sa laruang mallet na gawa sa plastik na binili niya sa grocery store kanina nang mamili siya ng mga prutas. Malakas kasi sila sa ubas at ponkan ng asawa niya kaya madaling maubos ang mga iyon.
Kinuha niya ang laruang martilyo at nanggigigil na pinukpok ang mukha ni Jason. “'Sabi mo, sandali ka lang. Bakit ang tagal mo?”
Nalinis na niya ang buong bahay pero hindi pa rin nawala ang pagkainip niya. Bumuga siya ng hangin at akmang uupo na sa sofa para manood ng TV nang marinig niya ang makina ng kotse ni Jason.
Dali-dali siyang tumakbo sa bintana para silipin kung si Jason nga ang dumating. Napangiti siya nang makitang bumaba ng driver’s side ang asawa niya. Pero agad ding nawala ang saya niya nang lumigid ito sa passenger’s side at pinagbuksan ng pinto ang sakay nito – ang nakita niyang kolehiyala kanina na kausap nito.
Magkasama ba si Jason at ang babaeng 'yon?
'Yong nakabura sa dibdib niya kanina, parang dumoble ang sukat dahil bigla-bigla ay hindi na siya makahinga. Matamlay na bumalik siya sa sofa. Sumalampak lang siya ng upo ro’n habang yakap-yakap ang laruang martilyo niya.
“Yoomi, nandito na ko,” masiglang sabi ni Jason pagpasok nito ng bahay.
Tiningnan niya lang si Jason. May dala itong box ng Red Ribbon, at sa kabilang kamay naman nito ay supot na galing sa KFC. Kumalam ang sikmura niya. Nagugutom siya dahil hindi siya nananghalian kakahintay sa asawa niya. Pero ngayon, parang nawawalan na siya ng gana.
Yumuko si Jason para halikan siya sa mga labi, pero iniwas niya ang mukha niya, saka siya tumayo at lumipat sa kabilang sofa. Kinuha niya ang remote control at binuksan ang TV.
“May problema ba, Yoomi?” tanong ni Jason, saka nito pinatong ang mga pasalubong nito sa ibabaw ng coffee table.
“Bakit ngayon ka lang?” sita niya rito dahil hindi na niya natiis manahimik. “Ang sabi mo, before lunch lang uuwi ka na.”
Umupo si Jason sa tabi niya. Pinalupot nito ang braso nito sa baywang niya at kinabig siya palapit dito. “Sorry, honey. Hindi ko alam na matatagalan pala ako. Tinext kita, ha?”
Totoo, pero umasa pa rin siya na makakauwi ito agad.
“Nagtatampo ka ba?” tila natutuwang tanong ni Jason.
“Tigilan mo nga ako,” naiinis na saway niya rito. Nilingon niya ito. “Kumain na tayo.”
Pinisil nito ang baba niya. “Ikaw na lang muna. Busog pa ko.”
Kumunot ang noo niya. “Kumain ka sa labas?”
Tumango ito. “Oo. Bakit?”
Kung gano’n, kumain ito sa labas kasama ang kolehiyalang kasama nito. Alam niyang mabait si Jason, pero sobrang bait naman yata nito pati sa ibang babae gayong kasal na ito.
Hindi niya maintindihan ang nararamdaman niya. Hindi siya mapang-angkin na tao dahil lahat ng meron siya noon, ibinabahagi niya sa mga kapatid niya. Pero pagdating kay Jason, hindi niya alam kung bakit gano’n na lang ang pagnanais niya na maangkin ito ng buo.
Kahit anupaman ang dahilan, asawa pa rin siya. May karapatan siyang magselos.
Nanlaki ang mga mata niya sa realisasyon na 'yon. Nagseselos siya!
Binitawan siya ni Jason nang abutin nito ang laruan niyang martilyo. “Woah, this mallet is cool. Bakit bumali ka nito, Yoomi? Nag-se-second childhood ka na?” natatawang biro nito habang pinapalo-palo ang laruan sa sarili nitong ulo, halatang wala itong nahahalata sa estado ng nararamdaman niya ngayon.
Tinapunan niya ng masamang tingin si Jason. Binili niya ang laruang martilyo na 'yon dahil naisip niyang ipukpok iyon sa asawa niya dala ng matinding inis. Inagaw niya ang laruang martilyo kay Jason at malakas iyong pinukpok sa ulo nito.
“Aw!” daing ni Jason habang nakahawak sa ulo nitong nasaktan. Gulat na nilingon siya nito. “What was that for, Yoomi?”
“Angry Mallet ang tawag sa laruang ito. Kapag may nagawa kang kasalanan, didikit ito sa ulo mo,” inis na paliwanag niya. Imbento lang niya 'yon.
Napakurap si Jason. “Ano’ng kasalanan ko?”
“May inililihim ka sa’kin,” akusa niya rito. “Nakita kitang kahuntahan 'yong kapitbahay nating kolehiyala kanina. Pagkatapos kanina, nakita kong bumaba siya ng kotse mo. Bakit hindi mo sinabi sa’kin na 'yong babaeng 'yon ang kasama mo?”
Bumakas ang guilt sa mukha ni Jason. “Yoomi, look. I’m sorry. Nagkasabay lang kami ni Joana, kaya hinatid ko na siya.”
“Joana, ha? Close na kayo?”
Umungol ito. “Honey, it’s not what you think. For Pete’s sake, she’s ten years my junior!”
Nanatili siyang nakahalukipkip at nakatingin sa TV kahit hindi niya maintindihan ang pinapanood niya.
Narinig niyang bumuntong-hininga si Jason. Inakbayan siya nito, habang masuyong hinihimas-himas ang braso niya. “Yoomi, wala kaming ginagawang masama. Tinutulungan lang ako ni Joana.”
Ayokong marinig ang pangalan niya, puwede ba? “Tinutulungan ka saan?”
Matagal itong nanahimik, hanggang sa bumuga ito ng hangin at nagsalita na. “Tinutulungan niya kong kumuha ng admission paper sa university na pinapasukan niya.”
Gulat na nilingon niya ito. “Mag-aaral ka uli?”
Natawa ito ng mahina, saka pinisil ang baba niya. “Silly, no. Ikaw. Gusto kong ipagpatuloy mo ang pag-aaral mo. Maraming university malapit dito sa’tin. Kung wala kang mapili, you can choose any school you want in Manila.”
Pag-aaralin siya ni Jason. Kulang ang sabihing nagulat siya. Sumakit ang lalamunan niya sa pagpipigil umiyak. “Bakit? Bakit mo gustong pag-aralin ako?”
Nakangiting nagkibit-balikat ito. “Why not?”
“Kapag nag-aral ako, hindi ko magagampanan ang pagiging asawa sa’yo. Magiging busy ako sa school…”
Pinatong ni Jason ang daliri nito sa bibig niya. “Shh… huwag mong alalahanin 'yon. I want you to continue reaching for your dreams, Yoomi. I want to bring back your soul and see them through your eyes.”
Nangilid ang mga luha niya dahil sa magagandang salita na sinabi nito.
Marahang pinatong ni Jason ang kamay nito sa pisngi niya. “I want you to become the person you wanted to be.”
“Bakit?” naiiyak na tanong niya.
Ngumiti ito at iyon na ang pinakamaganda at pinakamabuting ngiti na nakita niya sa buong buhay niya. “Because I believe in you. I believe in whatever dream you have. Kaya kailangan mong ipagpatuloy 'yon. Aside from being my wife, I want you to be the best person you could be. Be successful in whatever field you choose, Yoomi. I’ll be with you every step of the way.”
Hindi na niya napigilan ang pagpatak ng mga luha niya sa samu’t saring emosyon na nararamdaman niya. Ngayon lang siya naging gano’n kasaya sa buhay niya. Wala ring salita ang sasapat para ipaliwanag ang kaligayahan niya. Kung anumang butas ang nasa puso niya, napunan na 'yon ng pagmamahal ni Jason.
Buo na uli siya.
May kaluluwa.
At may pusong natuto na yatang magmahal.
Hindi na niya napigilan ang sarili niya na dambahin si Jason at siilin ito ng malalim na halik sa mga labi. Umungol ito sa bibig niya hanggang sa mapahiga na ito sa sofa, at nakakubabaw siya rito.
Naramdaman niya ang kamay ni Jason sa likod ng ulo niya at marahan nitong inaanggulo ang ulo niya para mas mapalalim ang halik, habang ang isa naman nitong kamay ay nasa humihimas-himas sa hita niya.
“This is torture,” paungol na reklamo ni Jason nang putulin niya ang paghahalikan nila. Alam nitong hindi pa siya handang ituloy nila iyon dahil sa dalaw niya.
Natawa lang siya saka humiga sa dibdib nito. Pumikit siya habang pinapakinggan ang malakas at mabilis na tibok ng puso nito.
“Yoomi?”
“Hmm?”
“Nagseselos ka ba?”
“Hindi,” pagsisinungaling niya.
Narinig at naramdaman niya itong tumawa, saka siya nito niyakap ng mahigpit. “Wala kang dapat ipagselos, Yoomi.”
Ngumiti lang siya. Pagkatapos ng mainit nilang halikan ni Jason, hindi na niya matandaan kung bakit siya nagseselos kanina.
BINABASA MO ANG
I Married The Wrong Guy
RomanceYoomi married Jason for his money. But it turns out he isn't the rich heir she thought he is. Ang kuya pala nitong si Chess ang totoong tagapagmana. At si Chess din ang kailangan niya para mabayaran ang mga utang niya. Dang, she married the wrong gu...