PROLOGUE

69.4K 1.1K 52
                                    



PINAGSALIKOP ni Issabella ang mga kamay sa kanyang kandungan. Isang alanganing ngiti ang ipinaskil niya sa mga labi upang gantihan ang ngiting ibinigay sa kanya ng kaharap sa couch sa loob ng isang suite sa hotel na iyon sa Vigan. Hindi niya maintindihan kung bakit kinakabahan siya sa paghaharap nila ni Selena Worth.

Selena Worth was her estranged aunt. Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na nakaharap niya ito nang personal. Karaniwang nakikita lang niya ito sa maliit na larawan nito sa weekly column nito sa isang pahayagan o kung minsan naman ay sa telebisyon kung saan nagge-guest ito sa ilang talk shows.

Sikat na international psychologist at sex therapist-sexologist ito. Hindi siya makapaniwala nang malaman niya na dati palang kapatid ito ng kanyang ina. Noong isang taon lang niya nalaman ang bagay na iyon.

Dating kapatid. Tita Selena was Selestina Abad then. Adopted child ito ng lolo at lola niya bago pa isinilang ang kanyang ina. Alam niya na may nakatatandang kapatid ang ina pero hindi niya alam na si Selena Worth iyon. Hindi sila nagkaroon ng pagkakataong magkasama dahil dalaga pa lang ito ay lumayo na ito sa sariling pamilya dahil sa isang malatelenobelang insidente. Naiiba raw kasi si Tita Selena sa angkang nagpalaki rito. Liberated at moderno ito. Iyon daw ang dahilan kung bakit hindi magkasundo ang  tita at lolo niya.

Conservative kasi ang pamilya niya. Sa Vigan ay kilala ang mga Abad bilang konserbatibo at kagalang-galang, lalo pa at may katungkulan sa gobyerno ang Lolo Agustin niya. Vice governor ito sa lalawigan nila noong mga panahong iyon.

Kumakandidato raw bilang governor ang  lolo niya noon nang kumalat ang balita na nahuli ang  Tita Selena niya na may kalampungang lalaki sa plaza. Nakasira umano iyon sa pangalan ng  lolo niya kaya natalo ito sa halalan. Isa raw malaking kahihiyan sa pamilya si Tita Selena, ayon sa lolo niya. Dahil sa labis na galit dulot ng pagkatalo sa eleksiyon, nasaktan daw ni Lolo Agustin si Tita Selena.

Dahil nasaktan ay nakipagsagutan ito sa kinikilalang ama. Sa gitna ng pagtatalo ng mga ito ay inatake sa puso si Lolo Agustin at pumanaw ito nang hindi inaasahan. Dahil sa pagkamatay ng ama ay nagkaroon ng rift ang relasyon ni Tita Selena sa kinikilalang ina at kapatid.

Sinisi ng kanyang ina ang nakatatandang kapatid sa pagkawala ng ama ng mga ito. Hindi lang ang ina ang nagbunton ng sisi rito kundi ang buong angkan nila. Dahil sa sama ng loob sa pagkamatay ng asawa ay napilitan ang lola niya na ibunyag ang lihim tungkol sa tunay na pagkatao ni Tita Selena.

Si Tita Selena ay anak ng isang bar girl na nabuntis ng isang mayamang lalaki ngunit hindi pinanagutan ito kaya ibinigay na lang nito sa kanila ang anak. Noong mga panahon na iyon ay hindi pa nagkakaanak ang lolo at lola niya kaya tinanggap ng mga ito ang bata.

Labis na nasaktan si Tita Selena sa nalaman. Naisip nitong wala nang lugar ito sa angkan na hindi naman pala nito kadugo. Kaya pagkatapos dumalo sa libing ng ama ay naglayas ito at hindi na muling nagpakita pa sa pamilya nito.

Pagkalipas ng isang taon ay may abogadong nakipag-ugnayan sa lola niya. Abogado raw ito ng isang lalaking nagngangalang "Felipe Linaja." Ang lalaking iyon daw ang tunay na ama ni Tita Selena. Hindi nila alam kung paano nahanap ni Tita Selena ang tunay na ama nito. Basta nang pumunta ang abogado ay inimbitahan nito ang lola niya na makipagkita sa nasabing lalaki. Pagkatapos mag-usap ng mga ito ay hindi na isang Abad si Tita Selena. Isa nang Linaja ito sa legal na paraan.

Pagkalipas ng dalawampung taon ay nalaman nila na ang sikat na si Selena Worth ay ang dating kapatid ng kanyang ina. Nagtapos ito ng kolehiyo sa isag high-caliber university sa Pilipinas at nag-aral ng master's degree sa Amerika kung saan ito nagsimulang makilala at nakasulat ng mga libro tungkol sa larangang pinagdalubhasaan nito. Sa loob ng maraming taon ay wala itong naging komunikasyon sa kanila. Kaya hindi niya inaasahang makakatanggap siya ng imbitasyon mula rito.

Ang Manang At Ang Playboy [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon