PART 21

22.8K 549 21
                                    


"HINDI ko na kaya. Pakiramdam ko, maloloka na ako sa mga pinagdaraanan kong ito. Baka puwedeng bigyan mo na lang ako ng ideas para mabuo ko na ang manuscript," sabi ni Issabella.

Tapos na ang lecture noon ngunit hindi pa umaalis si Drew dahil hiniling nito ang libreng hapunan na hindi natuloy nang nagdaang araw dahil may lakad ito. Nasa kusina sila at tinutulungan siya nito na maghiwa ng mga gulay. Bulanglang ang naisip niyang lutuin para dito dahil hindi pa raw ito nakakatikim ng native dish na iyon. Bukod pa roon ay magpiprito rin siya ng Vigan longganisa para dito.

"Iyon naman ang ginagawa ko, 'di ba? Binibigyan kita ng ideas para makabuo ka ng mga isusulat mo."

"Ang ibig kong sabihin, bigyan mo na lang ako ng mga eksaktong tips."

"Gusto ng tita mo na ikaw ang magsulat ng mga iyon at hindi ako."

Napabuntong-hininga siya. Tama naman ito.

"Para kang hindi teacher. Alam mo na masama ang magpagawa ng homework sa ibang tao," nakangiting sabi nito habang naghihiwa ng kalabasa.

"Pero hindi naman ito school at hindi homework ang ipinapagawa ni Tita."

"Hindi mo ba naisip na baka may dahilan kung bakit ipinagawa ito sa iyo ng tita mo?"

Napahinto siya sa paghihiwa ng talong at napatingin dito. "Ano'ng ibig mong sabihin?"

"I can't tell exactly. But maybe she wants you to learn or experience something out of this."

Have SEX! Bigla ay tila umalingawngaw na naman sa kanyang mga tainga ang tinig ng tita niya. Ginawa ba ni Tita Selena ang proviso na iyon upang matupad niya ang payo nito sa kanya noon at ikinabit pa bilang PS sa iniwang sulat nito?

Kung totoo mang iyon ang gustong mangyari nito, hindi niya maintindihan kung bakit kailangan nitong pakialaman ang buhay niya patungkol sa bagay na iyon. Iginagalang niya ang modernong pananaw nito sa buhay at hindi niya hinuhusgahan ito o ikinahihiya ang pagiging iba nito sa angkan nila kaya dapat lang siguro na igalang din nito ang katauhan niya at mga paniniwala sa buhay.

Tumayo na siya upang umpisahang iluto ang ulam. Lumilipad pa rin ang kanyang isip kay Tita Selena kaya wala sa isip niya ang ginagawa at hindi niya sinasadyang napadikit ang daliri niya sa mainit na kawali. Napa-"aray" siya nang mapaso siya. Dali-daling dinaluhan siya ni Drew. Kinuha nito ang kamay niyang may paso at sinipat iyon. Pinatay nito ang stove at hinila siya patungo sa lababo. Isinahod nito ang kamay niya sa ilalim ng gripo pagkatapos buksan iyon.

Inilibot nito ang paningin sa kabuuan ng kusina, kapagkuwan ay lumapit ito sa isang maliit na cabinet sa isang sulok niyon. May hinanap at kinuha ito roon at muli ay lumapit sa kanya. Pinahiran nito ng ointment ang bahagi ng daliri niyang may paso at pagkatapos ay inilapit ang mga labi roon at hinipan iyon.

Hindi siya nakahuma sa ginawa nito. Parang nakalimutan na niya ang sakit na dulot ng pagkapaso. Hawak nito ang kamay niya at hinihipan ang kanyang daliri. Mayroon siyang hindi maipaliwanag na sensasyong nadama sa ginagawa nito. Tila biglang nag-iba ang tempo ng pagpintig ng puso niya nang mapatitig siya sa mga labi nitong halos isang pulgada lang ang layo mula sa kanyang balat.

Hinagkan nito ang daliri niya habang titig na titig ito sa mga mata niya. Kumilos pa ang mga labi nito at binigyan ng mumunting halik ang kamay niya patungo sa kanyang braso hanggang sa balikat niya. Nagpatuloy ang paghalik nito sa leeg niya... paakyat sa kanyang pisngi.

Then he claimed her lips in a suffocating kiss. His kiss ignited something strangely delightful deep inside her. She responded to his kiss as hungrily as he was kissing her...

"Issa, are you okay?"

"Huh?" Ramdam niya ang pamumula ng mukha niya dahil sa eksenang bigla na lang nabuo sa isip.

"Parang natulala ka," nakakunot-noong puna nito.

Hindi siya sumagot.

"Masakit pa ba?"

"H-hindi na." Binawi niya ang kamay mula rito. "Salamat."    

Ang Manang At Ang Playboy [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon