ISSABELLA felt there was no use staying at her aunt's condo unit anymore. Tapos na ang misyon niya sa lugar na iyon. Hindi na niya gusto pang manatili roon dahil maaalala lang niya ang mga masasayang sandali nila ni Drew. Every part of that house bore memories of him.
Panaginip lang pala ang mga nangyari sa kanya nang mga nagdaang araw. Hindi totoo iyon. Hindi totoong mahal siya ni Drew. Iyon lang ang iniisip niya. Ni minsan ay hindi nito sinabing mahal siya nito kaya tama ang mga sinabi ni Riana. Dapat na siyang umalis upang maiwasan niyang lalo pang masaktan. Pero nasasaktan na siya. Isang uri ng sakit iyon na noon lang niya nadama sa buong buhay niya.
Tila hindi na niya kayang harapin si Drew pagkatapos niyang madiskubre kung ano lang siya sa buhay nito. Si Bambi lang ang sinabihan niya ng balak niyang pag-alis. Nang gabing iyon ay nag-empake siya ng mga damit niya upang umuwi sa Vigan. Ang balak niya ay sa umaga umalis upang hindi na siya maabutan pa ni Drew ngunit dahil sa labis na pag-iisip at pag-iyak ay napuyat siya kaya tanghali na siya nagising kaya tanghali na rin siya nakagayak. Tinawagan niya si Bambi dahil ang sabi nito ay ito ang maghahatid sa kanya sa airport dahil may kotse ito.
"Alam na ba ni Papa Drew na aalis ka na?"
Walang kaaalam-alam ito sa naging relasyon nila ni Drew. Sa tingin niya ay hindi na mahalagang malaman pa nito iyon kaya inilihim na lang niya.
"Ah, oo," pagsisinungaling niya.
"Pinasalamatan mo ba naman siya nang bonggang-bongga? Malaki ang utang-na-loob mo sa kanya. You're probably going to thank him for the rest of your life."
Malaking pabor nga ang ginawa nito para sa kanya ngunit malaking sakit sa dibdib din ang ibinigay nito sa kanya.
Handa na sana silang lumabas ng condo unit nang may mag-doorbell. It was Drew. Nang makita niya ito ay lalo niyang naramdaman ang kirot sa dibdib.
Nagtaka ito nang may makitang maleta. Tumingin kaagad ito sa kanya, nagtatanong ang mga mata. "Aalis ka na?"
"Oo," tugon niya sa malamig na tinig.
Kumunot ang noo nito. Marahil ay dahil nahalata nito ang panlalamig niya. "Why? Bakit hindi mo man lang sinabi sa akin?"
"Akala ko ba, sinabi mo na sa—"
"Tapos na ang misyon ko rito," putol niya sa sasabihin ni Bambi. "Kailangan ko nang umuwi dahil hinihintay na ako ng mga magulang ko at ng mga estudyante ko."
Tila napapantastikuhan ang tinging ibinibigay sa kanya ni Drew. "Bakit hindi mo man lang sinabi sa akin na aalis ka na ngayon?"
"Salamat sa mga tulong mo. Huwag kang mag-alala, hahatian kita sa mana ko."
"What the hell are you talking about? Paano tayo?"
"Paano... ang alin?" tanong ni Bambi na alam niyang naguguluhan na sa mga sinasabi nila ni Drew.
"Anong 'tayo'? Wala namang 'tayo,' 'di ba?" aniya.
"I don't understand. Ano ba'ng nangyayari?" tila nawawalan na ng pasensiyang tanong nito.
Gusto niyang isumbat dito ang ginawa nito sa kanya. Ngunit alam niyang wala siyang karapatang gawin iyon. Wala itong ipinangako sa kanya. Hindi nito sinabi sa kanya na mahal siya nito at siya lang ang babae sa buhay nito. In the first place, alam dapat niya kung anong klaseng lalaki ito. Playboy ito. Hindi dapat siya umasa at nangarap sa piling nito.
"I'm sorry," sabi na lang niya. "Kinailangan lang kitang akitin para maipasulat ko sa iyo ang karugtong ng manuscript ni Tita Selena."
Natigilan ito. Titig na titig ito sa kanya.
"Ate Issa..." napatutop sa bibig na sambit ni Bambi.
"I'm sorry kung naging makasarili ako. Hindi ko kasi kayang mawala ang mana ko. Kaya pinlano namin ni Bambi na akitin ka para hindi ka makatanggi kapag hiniling ko na isulat mo iyon para sa akin." She would rather tell a lie and hurt him back than let him know how much she was bleeding inside.
Siniko siya ni Bambi na tila pinatitigil siya sa pagsasalita.
Nakita niya ang unti-unting paglarawan ng galit sa mukha ni Drew. Matapang na sinalubong niya ang naniningkit na mga mata nito. Lumipat ang tingin nito kay Bambi na nakadikit na sa kanya. Naramdaman niya ang pagpitlag nito na animo natakot ito kay Drew.
"Totoo ba iyon, Bambi?" tanong ni Drew. Nahimigan niya ang galit sa tinig nito.
"Papa Drew, totoo 'yon," tila maiiyak na pag-amin ni Bambi. "Pero wala naman kaming masamang—"
"Great!" Puno ng galit ang tinging ibinigay sa kanya ni Drew. "You two did great. Pinaglaruan n'yo ako. Ginamit n'yo ako para sa pera."
Ngalingaling isumbat niya rito ang kasalanan nito sa kanya ngunit alam niyang magmumukhang kawawa siya kung gagawin niya iyon.
"Papa Drew, hindi gano'n—"
"Oo nga naman. Nakuha mo na sa akin ang kailangan mo kaya ngayon ay aalis ka na. Hindi mo na ako kailangan," sarkastikong sabi ni Drew nang bumaling ito sa kanya.
Nilabanan niya ang pag-iinit ng mga mata. Nang tumalikod ito at lumabas ng condo unit ay saka lang niya pinakawalan ang pinipigilang damdamin. Mabilis na nabasa ang kanyang mga mata at tumulo ang mga luha niya.
"Papa Drew, let me explain!" pahabol ni Bambi. Bumaling ito sa kanya na tila galit at handa siyang tarayan. "Ate Issa, bakit mo sinabing—" Natigilan ito. "Bakit ka umiiyak?"
Pinhid niya ang mga luha niya. "Umalis na tayo, Bambi."
Nagtataka man ay sumunod na lang ito sa kanya.
BINABASA MO ANG
Ang Manang At Ang Playboy [COMPLETED]
RomanceIssabella was a twenty-seven-year-old grade school teacher and an elementary school textbook writer. She wore eyeglasses and outmoded clothes. Her lifestyle was old-fashioned and her values were conservative. In short, isa siyang manang. Ikinabig...