PART 6

26.4K 635 7
                                    



INAYOS ni Issabella ang pagkakangiti nang makaharap na niya si Bambi. Para kasing nakalimutan na niya kung paano ang ngumiti nang tama mula nang mangyari ang insidente kanina sa elevator kung saan nakakilala siya ng isang napakabastos na lalaki. Sa buong durasyon ng biyahe niya patungo sa lugar na iyon ay nakabusangot siya dahil sa sobrang inis sa lalaking iyon.

"Just as I thought," nakangiting wika ni Bambi pagkatapos pasadahan ng tingin ang kabuuan niya. "Sinabi nga sa akin ni Ate Winda na isa ka ngang dalagang Pilipina. Welcome to Manila!" Sinabi nito ang mga huling salita na animo kasali ito sa isang beauty pageant with matching kumpas pa ng mga kamay paitaas.

Pinaupo siya nito sa silya sa loob ng dressing room na walang ibang tao kundi silang dalawa lamang.

"So, ano ba'ng problema mo? Nang tumawag si Ate sa akin, hindi niya sinabi nang direkta kung ano ang problema mo. Pero ang sabi niya ay tulungan daw kita."

Ikinuwento niya rito ang problema niya. Natutop nito ang bibig nito sa pagkamangha.

"Oh... my... God!" paputol-putol pang bulalas nito.

"Confidential ito. Huwag mo sanang sabihin ito kahit kanino. Sinabi ko lang sa iyo dahil kapatid ka ng best friend ko at umaasa akong matutulungan mo ako sa problema ko."

"Nakakaloka nang bonggang-bongga 'yang problem mo. At, hello, tita mo pala si Selena Worth!"

Hindi niya ipinaalam dito na hindi talaga niya kadugo si Tita Selena. "Matutulungan mo ba ako, Bambi?"

"Kung pang-gay ang librong iyon, matutulungan kita. Pero hindi, eh..." Tila nag-isip ito. "Susubukan ko na lang na maihanap ka ng taong puwedeng tumulong sa iyo," sabi nito mayamaya.

Sinabi niya rito ang balak niya na humanap ng isang babaeng sex expert na puwede niyang makausap upang makakalap siya ng mga ideya.

"I don't think you need a female's perspective on that book. Lalaki! Lalaki ang dapat na pagkuhanan mo ng mga ideas dahil sila ang subject ng libro. Sila ang mas nakakaalam ng seksuwalidad nila."

"Ha?"

"Oo, Ate. Lalaki ang dapat mong hingan ng tulong sa problema mo."

Umiling siya. "Hindi ko yata kayang makipag-usap ng tungkol 'doon' sa isang lalaki."

Itinirik nito ang mga mata nito. "Virgin mary. Amen." Pinagdikit pa nito ang mga palad na animo nagdarasal. "Pero kailangang gawin mo iyon para makuha mo ang mana mo."

"Paano kung pervert ang lalaking makakausap ko?" Naalala niya ang lalaki sa elevator kanina. "Paano kung pagsamantalahan niya ako?"

Hinagod uli siya nito ng tingin. "Ate, no offense meant pero ang mga lalaki rito sa Maynila ay hindi naa-attract sa mga babaeng Pilipinang katulad mo. I mean, sa kilos at pananamit mo. Gusto nila ay iyong mga maiiksi ang damit at nakapustura. Sa ayos mong iyan, rest assured na hindi ka nila pagsasamantalahan."

Alam naman niya na hindi kaakit-akit ang hitsura niya ngunit sadyang may mga manyakis na lalaking kahit hindi maiksi ang damit ng babae ay pinagnanasaan pa rin katulad ng lalaki sa elevator kanina.

"Maiilang ako. Hindi ako sanay sa gano'ng klaseng usapan, lalo na ang mga lalaki."

"Huwag kang mag-alala, sasamahan kita habang nakikipag-usap ka sa lalaking iyon para kahit paano ay hindi ka mailang."

Kahit paano ay nakabawas sa mga alalahanin niya ang sinabi nito. "Salamat."

"Kapag nanghingi ka ng guidance sa pagsusulat, sasabihin na lang natin na kunwari ay may ginagawa kang thesis para sa masteral mo bilang Psychology graduate student."

Tumango na lamang siya. Maganda ang ideyang naisip nito.

Inilagay nito sa sentido ang hintuturo at umaktong nag-iisip. "I wonder, sino kayang sex expert ang puwede nating kuning mentor mo? Siyanga pala, hindi ka lang dapat umasa sa makukuha mo mula sa ibang tao. Kailangan mong gamitin ang sarili mong isip at imahinasyon."

Sasagot sana siya ngunit pinigilan siya nito.

"I know. Inosente ka tungkol sa bagay na iyon at mukhang wala kang kainte-interes doon."

Tumango siya.

"Pero darating din ang panahon na mai-in love ka at mag-aasawa at gagawin mo rin 'iyon' with your husband. You know, it's the most expressive expression of love." Tumawa ito. "Kaya sa tingin ko, dapat mo na ring pag-aralan ang tungkol sa bagay na iyon. Dahil hindi lang iyon makakatulong sa pagdugtong mo sa libro ng tita mo, makakatulong din iyon sa future mo. Magbasa ka ng mga librong isinulat ng tita mo at ng ibang sexologist. Mag-research ka sa Internet at manood ka ng mga X-rated DVDs."

Bahagyang nanlaki ang kanyang mga mata. "Pero..."

"I will provide you with the materials." Ngumisi pa ito.

Mayamaya pa ay nagpasya na siyang umalis. Nang ihatid siya nito palabas ay nakasalubong nila ang bastos na lalaki sa elevator kanina. Namangha siya nang makita ito roon. Nang tumingin ito sa kanya ay nginitian siya nito. Alam nito kung saan siya patungo dahil sa papel na napulot nito kanina na may nakasulat na address ng lugar na iyon.

Sinundan siya ng bastos na lalaki!

"Hi!" bati nito sa kanya na para bang close sila.

"Sinundan mo ba ako?" patanong na paninita niya rito.

"Huh?"

Nagtagis ang mga bagang niya. "Sinundan mo ako, 'no? Bastos kang lalaki ka! Mukhang hanggang dito ay gusto mo akong bastusin."

Saglit na napanganga ito at pagkatapos ay nagpakawala ng mahina at maikling tawa. "Nagkakamali ka, Miss. Hindi kita—"

"Nagkakaila ka pa!" Dinuro niya ito. "Ikaw na lalaki ka—"

"Teka, Ate Issa," awat sa kanya ni Bambi. "Ano'ng nangyayari? Magkakilala ba kayo ni Papa Drew?"

Binalingan niya si Bambi. "Kilala mo ang bastos na lalaking ito?"

"Si Drew? Image model siya sa shampoo commercial namin ngayon. May shooting siya ngayon dito."

"Ha?" Napatanga siya. Hindi naman pala siya sinundan ng lalaki. Pakiramdam niya ay namula ang kanyang mukha dahil sa pagkapahiya. Nang tingnan uli niya ito ay nakangiti pa rin ito. Inirapan niya ito. "Huwag mo na akong ihatid, Bambi. Alam ko na ang daan palabas. Magtawagan na lang tayo. Salamat." Pagkasabi niyon ay nilagpasan na niya ang mga ito.

Ang Manang At Ang Playboy [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon