PART 3

27.6K 645 4
                                    



NAPANGITI nang mapait si Issabella nang yakapin siya ni Winda. Inihatid siya nito sa Laoag International Airport. Handa na siyang umalis patungo sa Maynila upang sundin ang nakasaad sa testamento ng kanyang Tita Selena. Ang pagpunta niya sa Maynila at pagtira sa condominium unit ng tita niya habang isinusulat niya ang karugtong ng libro nito ay kasama sa nakasulat sa last will and testament nito.

Tatlong araw din niyang pinag-isipan ang desisyong iyon. Sa bandang huli ay hindi rin niya nakayang bale-walain ang kayamanang iniaalok sa kanya. Nakatulong ang pangungumbinsi nina Atty. Marquez at Winda sa pagbuo niya ng desisyon, pati na rin ang sulat ni Tita Selena na nakikiusap na pagbigyan niya ang hiling nito.

"Mami-miss kita," nakalabing wika ni Winda. Tulad niya ay single pa rin ito kaya wala raw maitutulong ito sa kanya sa problema niya.

Mami-miss din niya ito at ang mga estudyante niyang pansamantala niyang iniwan para sa napakahirap na misyong iyon. "Hindi naman ako magtatagal."

Isang buwan lang mula sa araw na binasa sa kanya ang last will and testament ang nakasaad na palugit doon. Kailangan na kasing ma-publish ang libro at hindi maaaring magtagal iyon. Hindi kasi dapat malaman ng publiko na ibang tao ang sumulat ng karugtong ng librong iyon. Magsisilbi lang siyang isang ghostwriter para sa kanyang Tita Selena. Dahil wala na ito, dapat na mailabas as soon as possible ang libro nito upang hindi mahalata ng publiko ang gagawin nila.

Hindi rin naman niya papayagan na malaman ng mga tao na siya ang nagpatuloy ng librong iyon kung sakali dahil maaapektuhan niyon ang kanyang propesyon bilang isang grade school teacher. Baka hindi na siya makabalik sa eskuwelahang pinagtuturuan niya kapag nagkataon.

Nahirapan siya bago makakuha ng leave sa pinagtatrabahuhan niya dahil hindi niya kayang sabihin ang totoong dahilan ng pagbabakasyon niya. Gayunpaman, pinagbigyan siya ng principal na mag-leave pero isang buwan lang.

"Wala ka ba talagang balak sabihin sa nanay at tatay mo ang totoo?" tanong ni Winda.

"Baka kasi hindi sila sumang-ayon kapag sinabi ko ang totoong dahilan ng pag-alis ko."

Sinabi niya sa mga magulang niya na siya ang tagapagmana ni Tita Selena ngunit hindi niya sinabi ang tungkol sa totoong proviso. Nag-imbento na lang siya ng dahilan upang payagan siya ng mga ito na umalis. Sinabi niyang kailangan niyang asikasuhin ang tungkol sa paglilipat ng mga ari-arian ng kanyang tita sa pangalan niya kaya kailangan niyang sumama sa abogado nito.

"Kinakabahan ako, Winda. Hindi ko alam kung paano ko makakayang mag-interview ng taong eksperto sa... alam mo na, para makakalap ng mga ideas para sa isusulat ko. Ni hindi ko nga mabanggit ang salitang iyon. Paano ang gagawin ko? Isipin ko pa lang ay hiyang-hiya na ako."

"Mag-research ka na lang kasi sa Internet tungkol sa... alam mo na."

Nilingon niya si Atty. Marquez na nakatayo sa di-kalayuan.

"Malinaw ang sinabi ni Attorney Marquez. Don't plagiarize. Mukhang kailangang sa sariling isip ko manggaling ang mga tips na idadagdag ko sa librong iyon."

"Paanong sa sariling isip mo manggagaling kung wala ka pang karanasan sa bagay na iyon? Ni wala pa nga yatang nakakahalik kahit sa mga kamay mo, eh."

"Iyon na nga ang problema ko, eh." Bumuntong-hininga siya. "Pero wala na akong magagawa. Kailangan kong gawin ito kahit alam kong hindi ko kaya."

"Maraming bilihan ng X-rated DVDs sa Maynila. Isama mo iyon sa mga materials para sa misyon mo."

Nanlaki ang mga mata niya. "Winda!" Hindi pa siya nakanood ng X-rated movie sa tanang buhay niya. Ngunit mukhang kailangan nga niya iyon.

"Wala naman sigurong malisya ang gagawin mong iyon. Trabaho lang, kumbaga. O kaya naman isang sakripisyo. Imagine-in mo na lang na giginhawa na ang buhay ninyong mag-anak kapag nakuha mo ang mana mo. Puwede ka na ring magtayo ng sarili mong eskuwelahan sa atin. Magiging Don Armando at Doña Isabel na ang mga magulang mo. Ikaw naman ay magiging si Señorita Issabella. O, 'di ba, bongga?"

Napailing na lang siya.

Mayamaya pa ay lulan na siya ng eroplano kasama ang abogado.

"You have exactly twenty-six days to accomplish your task, Issabella," sabi nito. "I know you can do it."

Kailangan niyang makakilala ng isang taong eksperto sa larangan ng sex. Kinakailangang babae iyon dahil hindi niya kakayaning makipag-usap sa isang lalaki tungkol sa bagay na iyon. Ngunit paano siya makakahanap ng isang taong tutulong sa kanya? Wala siya ni isang kakilala sa Maynila. Mabuti na nga lang at ibinigay sa kanya ni Winda ang contact number ng kapatid nito na sa Maynila nagtatrabaho. Kahit hindi niya kakilala si Bambi ay kapatid naman ito ng kaibigan niya kaya kahit paano ay mapapalagay ang loob niya na may makakasama siya sa Maynila.

Ang Manang At Ang Playboy [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon